18 Hulyo 2021
Ika-16 na Linggo sa Karaniwang Panahon (B)
Jeremias 23, 1-6/Salmo 22/Efeso 2, 13-18/Marcos 6, 30-34
Bagamat ang Ikaapat na Linggo ng Pasko ng Muling Pagkabuhay ay ang araw na inilaan ng Simbahan upang ituon ang pansin ng bawat mananampalataya sa larawan at titulo ni Hesus bilang Mabuting Pastol, muling binibigyan ng pansin at pinagninilayan ng Simbahan ang pagiging Mabuting Pastol ng ating Panginoong Hesus sa Linggong ito. Bilang Mabuting Pastol, batid nating ipinagsasanggalang at inaalagaan ni Kristo ang Kanyang kawan. Ang bawat isa sa atin na bahagi ng Kanyang kawan dito sa mundo ay tunay Niyang kinakalinga at iniibig. Ang bawat isa sa atin ay hindi Niya pinababayaan.
Ang pagiging Mabuting Pastol ni Hesus ay binibigyan ng pansin sa Ebanghelyo para sa Linggong ito. Inilarawan ang Kanyang habag at malasakit para sa mga tupa. Maliwanag ang sabi sa Ebanghelyo na si Hesus ay nahabag sa mga tao "sapagkat para silang mga tupang walang pastol" (Marcos 6, 34). Bagamat ang layunin ni Hesus at ng mga alagad ay magpahinga sa isang ilang na pook, hindi Niya ipinagdamot ang Kanyang habag at malasakit para sa mga tao. Kahit na binalak nilang magpahinga sa ilang na lugar na iyon, pinili pa ring ipadama ni Hesus sa mga tao ang Kanyang habag, malasakit, at pagkalinga.
Ramdam na ramdam ng mga tao ang habag, malasakit, at pagkalinga sa kanila ni Hesus. Ipinaramdam ng Panginoong Hesukristo sa mga taong pumunta sa ilang na pook na iyon ang Kanyang pagiging mapagkalingang Pastol. Sabi sa wakas ng Ebanghelyo na tinuruan Niya sila ng maraming bagay (Marcos 6, 34). Sa pamamagitan ng pagtuturo sa kanila, pinaglingkuran ng Panginoong Hesus ang mga tao. Iyan ang isang tunay na Pastol. Handang maglingkod kahit anong oras. Hindi Niya ipagdadamot ng oras o panahon ang Kanyang kawan. Iyan si Hesus, ang Mabuting Pastol.
Hindi lamang sa Ebanghelyo tinalakay ang pagpapastol ng Panginoon. Pati sa Unang Pagbasa, tinalakay ang pagiging mapagkalingang pastol ng Panginoon. Sabi ng Panginoong Diyos sa Unang Pagbasa na titipunin Niya ang Kanyang mga tupa na nangalat sa iba't ibang lugar dahil sa ginawang pagpapabaya sa kanila ng mga pinunong inatasang magpastol sa kanila (Jeremias 23, 2-3). Ang Panginoong Diyos ay labis na nagalit sa pagpapabaya ng mga pinunong ito na inatasang magpastol sa Kanyang kawan. Sa halip na kalingain ang mga tupa, naging pabaya ang mga nasabing pinuno. Hindi iyan ang gusto ng Panginoon, ang tunay na mapagkalingang Pastol, para sa Kanyang kawan.
Nais ng Panginoon na maramdaman ng Kanyang kawan ang Kanyang habag at pagkalinga. Nais ng Panginoon na magsama-sama ang Kanyang mga tupa. Ito ang dahilan kung bakit Siya pumarito sa sanlibutan. Sabi ni Apostol San Pablo sa Ikalawang Pagbasa na si Kristo Hesus ay naparito sa mundo upang ang mga tupa sa Kanyang kawan ay pagbuklud-buklurin at pag-isahin muli (Efeso 2, 16). Dumating sa daigdig si Kristo upang pagkasunduhin ang bawat isa sa atin na bumubuo sa Kanyang kawan (Efeso 2, 14). Sa pamamagitan nito, ang Kanyang kawan ay naging buo at isa muli. Pinag-isa muli ni Kristo ang Kanyang kawan. Isa lamang ang dahilan kung bakit Niya ito ginawa - upang ang Kanyang habag, malasakit, at pagkalinga ay madama ng Kanyang kawan.
Tunay ang habag, malasakit, at pagkalinga ni Hesus, ang Mabuting Pastol, para sa Kanyang kawan. Ayaw Niyang may mapapabayaan. Ayaw Niyang may hindi makakaramdam sa Kanyang pagkalinga, habag, at malasakit. Kaya, kahit na hindi Niya kinailangang gawin ito, pumarito pa rin Siya sa mundo upang tipunin at pag-isahin muli ang mga tupa sa Kanyang kawan na nagkawatak-watak sa pamamagitan ng Kanyang krus at Muling Pagkabuhay.
Walang komento:
Mag-post ng isang Komento