22 Hulyo 2021
Kapistahan ni Santa Maria Magdalena
Awit ni Solomon 3, 1-4a (o kaya: 2 Corinto 5, 14-17)/Salmo 62/Juan 20, 1-2. 11-18
Kinikilala si Santa Maria Magdalena bilang Apostolorum Apostola (Apostol sa mga Apostol) dahil sa mga kaganapang itinampok sa salaysay sa Ebanghelyo para sa araw na ito. Sa Ebanghelyo, isinalaysay ang Libingang Walang Laman at ang pagpapakita ni Hesus na Muling Nabuhay kay Santa Maria Magdalena. Inihayag ni Magdalena sa mga apostol na ang Panginoong Hesukristo ay tunay ngang nabuhay na mag-uli. Sa pamamagitan nito, ibinahagi ni Magdalena ang galak na kaloob ng Muling Nabuhay na si Hesus sa mga apostol.
Sabi ni Apostol San Pablo sa kanyang pangaral sa Unang Pagbasa na siya'y naging apostol at misyonero sa mga Hentil dahil sa pag-ibig ni Kristo (2 Corinto 5, 14). Isa lamang ang ibig sabihin noon. Tutulungan ng pag-ibig ni Kristo ang lahat ng mga sasaksi sa Kanya. Hindi pababayaan ng Panginoon ang lahat ng mga sasaksi sa Kanyang pag-ibig. Bagkus, tutulungan Niya sila. Ang Kanyang pag-ibig ang magpapalakas sa kanila.
Matapos maranasan ni Maria Magdalena sa pamamagitan ng Muling Nabuhay na si Hesus ang pag-ibig ng Diyos, agad siyang naging saksi sa mga apostol. Ang pag-ibig na kanyang tinanggap mula sa Muling Nabuhay na si Hesus ay ibinahagi niya sa mga apostol. Ang sanhi ng kanyang lakas upang gawin iyon ay walang iba kundi ang pag-ibig ng Diyos na ibinahagi sa kanya ng Panginoong Hesus na Muling Nabuhay.
Ito ang hamon sa atin. Ito ang ating misyon bilang Simbahan. Maging mga saksi ng pag-ibig ng Diyos. Bilang mga saksi ng pag-ibig ng Diyos, ibinabahagi natin ang biyayang ito sa iba. Isang huwaran ng pagbabahagi ng pag-ibig ng Diyos ay walang iba kundi si Santa Maria Magdalena. Ibinahagi niya sa mga apostol ang kagalakang kaloob ng Panginoong Hesus na Muling Nabuhay na naghayag ng dakilang tagumpay ng pag-ibig ng Diyos. Ang pag-ibig ng Panginoong Diyos na tinanggap natin at ibabahagi natin ang magpapalakas sa atin sa ating misyon.
Walang komento:
Mag-post ng isang Komento