Sabado, Hulyo 24, 2021

ANG PANGINOONG MAPAGBIGAY

1 Agosto 2021 
Ika-18 Linggo sa Karaniwang Panahon (B) 
Exodo 16, 2-4. 12-15/Salmo 77/Efeso 4, 17. 20-24/Juan 6, 24-35


Itinutuon ng mga Pagbasa para sa Linggong ito ang ating pansin sa pagkaing nagmumula sa langit. Mula sa langit, ang Diyos ay nagpadala ng pagkain para sa ikabubuti ng lahat. Tulad ng inilarawan sa Unang Pagbasa at Ebanghelyo para sa Linggong ito, hindi lamang isang beses itong ginawa ng Diyos. Paulit-ulit Niya itong ginagawa. Hindi Siya tumitigil sa paggawa nito. Palagi Niya itong ginagawa, lalo na sa kasalukuyan. Isang halimbawa nito ay sa pagdiriwang ng Banal na Misa. 

Sa Unang Pagbasa, isinalaysay ang pagpapaulan ng manna mula sa langit. Sa pamamagitan ng pagpapaulan ng manna mula sa langit, tinugunan ng Diyos ang mga hinaing ng mga Israelita sa ilang. Pinatunayan ng Diyos na hindi Siya nagbibingi-bingihan sa mga hinaing ng mga Israelita sa ilang. Bagkus, ang mga hinaing ng mga Israelitang nagugutom sa ilang ay Kanyang dininig at tinugunan. Kaya naman, sabi ni Moises wakas ng salaysay sa Unang Pagbasa, "Iyan ang tinapay na bigay sa inyo ng Panginoon" (Exodo 16, 16). Pinaulan ng Diyos ang manna mula sa langit bilang tugon sa kagutuman ng mga Israelita sa ilang. Sa Ebanghelyo, ipinakilala ni Hesus ang Kanyang sarili bilang tunay na pagkain at inuming nagmula sa langit. Ang Bugtong na Anak ng Diyos na bumaba mula sa langit na si Hesus ay ang tunay na pagkain at inuming nagbibigay-buhay.  

Kung paanong ang Panginoong Diyos ay nagpaulan ng manna mula sa langit upang magkaroon ng makakain ang mga Israelita sa ilang sa Unang Pagbasa, ipinagkaloob din Niya ang Kanyang Bugtong na Anak na si Kristo Hesus. Kung tutuusin, higit na dakila ang ginawa Niyang pagkakaloob kay Kristo sa lahat. Sa pamamagitan ng pagkakaloob sa Panginoong Hesukristo, ibinigay ng Diyos ang buo Niyang sarili para sa ating lahat. Iyan ay dahil ang Panginoon lamang ang makakapawi sa lahat ng uri ng kagutuman at kauuhawan ng bawat isa sa atin. Siya lamang at wala nang iba.

Tanging ang Panginoon lamang ang makakapawi sa ating mga kagutuman at kauuhawan. Hindi ito kayang gawin ng mga pagkain at inumin sa mundo. Ang ating kagutuman at kauuhawan ay pansamantala lamang mapapawi ng iba't ibang pagkain at inumin sa mundo. Gayon din ang iba't ibang bagay sa daigdig. Pansamantala lamang ang pagpawi ng mga ito sa pagkagutom at pagkauhaw natin sa mga nasabing bagay. Tanging ang Panginoong Diyos lamang ang may kapangyarihang pumawi ng lahat ng uri ng kagutuman at kauuhawan sa mundo. Sabi nga sa Aklamasyon sa Mabuting Balita: "Ang tao ay nabubuhay sa Salita ng Maykapal na pagkaing Kanyang bigay" (Mateo 4, 4b). 

Ang pagkakaloob ng Diyos ng pagkain at inumin sa lahat ng tao, lalo na ang pagbigay Niya ng tunay na pagkain at inuming nagbibigay-buhay na walang iba kundi ang Panginoong Hesukristo, ay hindi lamang isang uri ng pagpapamalas ng kapangyarihan. Ginagawa Niya ito, lalung-lalo na sa kasalukuyan, hindi lang upang idiin sa atin na nagmumula sa Kanya ang lahat ng mabubuting bagay. Hindi lamang Niya ito ginagawa para idiin na nagmumula lamang sa Kanya ang lahat ng biyaya. Bagkus, ginagawa Niya ito upang ipakita ang Kanyang pagiging mapagbigay. Iyan ang punto sa likod ng dalawang kaganapang ito. 

Patuloy na ibinibigay ng Panginoon sa bawat isa sa atin ang tunay na pagkain at inuming nagbibigay-buhay. Lagi itong nagaganap sa pagdiriwang ng Banal na Misa. Sa tuwing ipinagdiriwang ng Banal na Eukaristiya, nagpapakilala muli sa bawat isa sa atin ang Panginoon bilang Diyos na mapagbigay. Ibinibigay sa atin ni Kristo ang Kanyang Katawan at Dugo bilang pagkain at inumin sa Banal na Eukaristiya. Sa pamamagitan nito, muli tayong iminumulat ng Panginoon sa kagandahan ng Kanyang pagiging mapagbigay. Tinutulungan tayo ni Kristo na mamangha muli sa kagandahan ng Kanyang mapagbigay. Patuloy na ibinibigay sa atin ng Panginoong Hesus ang Kanyang Katawan at Dugo bilang tunay na pagkain at inumin sa bawat pagdiriwang ng Banal na Misa. 

Mahalaga para sa atin na bumubuo sa tunay na Simbahang itinatag ni Kristo sa daigdig ang paalala ni Apostol San Pablo sa kanyang pangaral sa Ikalawang Pagbasa. Sabi niya na dapat nating baguhin ang ating diwa at pag-iisip nang sa gayo'y makita sa atin "ang bagong pagkatao na nilikhang kalarawan ng Diyos" (Efeso 4, 23-24). Ito ang dapat nating gawin matapos nating tanggapin si Kristo sa Banal na Komunyon. Kailangan nating maipakita sa ating pang-araw-araw na pamumuhay ang mapagbigay na Panginoon na si Hesus. Kinakailangan nating bigyan ng pahintulot ang Panginoong Hesus na baguhin tayo nang sa gayo'y malaman ng lahat na tunay nga Siyang nananahan at naghahari sa atin. 

Walang komento:

Mag-post ng isang Komento