Biyernes, Hulyo 23, 2021

MGA MINAMAHAL NA KAIBIGAN NI HESUS

29 Hulyo 2021 
Paggunita kina Santa Marta, Santa Maria, at San Lazaro 
1 Juan 4, 7-16/Salmo 33/Juan 11, 19-27 (o kaya: Lucas 10, 38-42) 


"Mahal ni Hesus ang magkakapatid na Marta, Maria, at Lazaro" (Juan 11, 5). 

Ang magkapatid ng Betania na sina Santa Marta, Santa Maria, at San Lazaro ay kinikilala bilang mga kaibigan ni Hesus. Itinuring ni Hesus ang magkakapatid na ito bilang mga minamahal Niyang kaibigan. Tunay Niyang minahal ang banal na magkapatid na ito bilang Kanyang mga kaibigan. Kaya, inilaan ang araw na ito upang parangalan ang magkapatid na ito na naging mga kaibigang minahal ni Hesus. Dati, si Santa Marta lamang ang ginunita sa araw na ito. Subalit, isang dekreto ang inilabas ni Papa Francisco na naghatid ng pagbabago sa espesyal na araw na ito sa Kalendaryo ng Simbahan. Dahil sa nasabing dekreto ng Santo Papa, ang magkapatid ng Betania ay ginugunita ng Simbahan sa araw na ito. 

Ipinapakita nina Santa Marta, Santa Maria, at San Lazaro, ang magkapatid ng Betania, kung paanong maging mga kaibigan ni Kristo. Dalawang katangian ang kanilang isinabuhay upang ipakita ang kanilang pag-ibig para kay Kristo Hesus na nagturing sa kanila bilang Kanyang mga kaibigang minamahal - pag-ibig at pananalig. Minahal nila si Kristo bilang kanila ring kaibigan. Nanalig rin sila sa minamahal nilang kaibigang si Kristo. Ang kanilang pag-ibig at pananalig kay Hesus ang nagpapatunay na tunay nga silang mga kaibigan Niya. Katunayan, ang kanilang pag-ibig ay naghahayag ng kanilang pananalig sa kaibigan nilang si Hesus, ang ipinangakong Mesiyas at Tagapagligtas. 

Sa Unang Pagbasa, sinabi ni Apostol San Juan na dapat mag-ibigan ang bawat isa sapagkat ang pag-ibig ay nagmumula sa Diyos (1 Juan 4, 7). Ang pag-ibig ay naghahayag ng pananalig sa Panginoon. Kung tunay nga tayong nananalig kay Kristo Hesus na ating Panginoon at Manunubos, dapat tayong mag-ibigan tulad Niya. Sina Santa Marta, Santa Maria, at San Lazaro ng Betania ay mga halimbawa ng mga tunay na umiibig at nananalig sa Panginoon. Kaya nga, sa Ebanghelyo, naipahayag ni Marta ang kanyang pananalig kay Kristo Hesus. Sa gitna ng dalamhati dahil sa pagpanaw ni Lazaro, nanalig pa rin si Marta sa mga winika ni Hesus tungkol sa Kanyang sarili bilang Muling Pagkabuhay. Ano ang pumukaw sa kanya? Ang kanyang pag-ibig para sa Panginoong Hesus. 

Hindi lamang si Santa Marta ang nagpahayag ng kanyang pananalig kay Kristo bunga ng kanyang pag-ibig para sa Kanya. Pati na rin ang kanyang mga kapatid na sina San Lazaro at Santa Maria (na nagpakita ng kanyang pananalig at pag-ibig kay Kristo sa pamamagitan ng pakikinig sa Kanya sa alternatibong salaysay para sa Pagbasa sa Ebanghelyo). Nanalig sila sa kapangyarihan ng kanilang minamahal na kaibigang si Hesus. Ang kanilang pananalig kay Kristo Hesus ay bunga ng kanilang pag-ibig para sa Kanya. Ang pag-ibig nila para sa Panginoon ang nag-udyok sa kanila na ibalita Siya tungkol sa paghihingalo ni Lazaro (Juan 11, 3). Nanalig sila sa kapangyarihan ni Kristo. Nanalig silang may magagawa si Kristo para kay San Lazaro. Nagtapos ito sa pamamagitan ng isang himalang ginawa ni Kristo - muli Niyang binuhay si Lazaro. 

Kung nais nating maging mga kaibigang mahal ng Panginoong Hesus, tumingin tayo kina Santa Marta, Santa Maria, at San Lazaro. Ang banal na magkapatid na ito ay ang huwaran ng pagiging mga minamahal na kaibigan ni Hesus. Ang Panginoong Hesus ay kanilang inibig at pinanaligan. Ito ang dapat nating gawin upang maging mga tunay na kaibigan ni Hesus. Kinakailangan nating umibig at manalig sa Kanya. 

Walang komento:

Mag-post ng isang Komento