Biyernes, Hulyo 30, 2021

DAHIL SA KANYANG KABUTIHAN

8 Agosto 2021 
Ika-19 na Linggo sa Karaniwang Panahon (B) 
1 Hari 19, 4-8/Salmo 33/Efeso 4, 30-5, 2/Juan 6, 41-51 


Ang kabutihan ng Diyos ay nais bigyan ng pansin ng Salmo para sa Linggong ito. Katunayan, inilalarawan ng mga Pagbasa para sa Linggong ito ang ilan sa mga ginawa ng Diyos na nagpapatunay ng Kanyang kabutihan. Bagamat hindi tayo karapat-dapat makibahagi dahil sa dami ng ating mga kasalanan, ipinasiya pa rin ng Diyos na ipakita sa atin ang Kanyang kabutihan. Kahit na sinusuway natin Siya nang paulit-ulit, patuloy pa rin Siyang nagpapakita ng kabutihan. 

Sa Unang Pagbasa, ang Panginoong Diyos ay nagpadala ng isang anghel kay Propeta Elias para bigyan siya ng makakain. Kahit na hinangad ni Propeta Elias na mamatay na lamang sa ilang, ipinasiya pa rin ng Panginoong Diyos na isugo ang Kanyang anghel sa ilang para bigyan ng makakain ang propetang Kanyang hinirang. Sa pamamagitan ng pagpapadala ng Kanyang anghel sa ilang upang bigyan ng pagkain si Propeta Elias, ipinakita ng Diyos ang Kanyang kabutihan.

Maituturing na isang pasulyap sa gagawin ng Panginoon sa Bagong Tipan ang ginawa Niya para kay Propeta Elias sa Unang Pagbasa. Ipinagkaloob ng Diyos ang Tinapay ng Buhay sa Bagong Tipan. Ang bumaba mula sa langit sa Bagong Tipan ay hindi pangkaraniwang pagkain kundi ang Tinapay ng Buhay. Ito ang pagtuunan ng pansin sa Ebanghelyo. Ang Tinapay ng Buhay na nanggaling sa langit ay walang iba kundi si Hesus, ang Anak ng Diyos na naging Anak rin ni San Jose at ng Mahal na Inang si Mariang Birhen. Sa Ebanghelyo, si Hesus ay nagpakilala muli bilang Tinapay ng Buhay. Ang ginawa ng Tinapay ng Buhay na walang iba kundi ang Panginoong Hesus ay inilarawan ni Apostol San Pablo sa Ikalawang Pagbasa. 

Bagamat hindi tayo karapat-dapat na makinabang sa kabutihan ng Diyos dahil sa ating mga kasalanan, patuloy Niya itong ipinapakita sa atin. Ang pagkakaloob Niya sa Kanyang Bugtong na Anak na si Kristo bilang Tinapay ng Buhay ay ang pinakadakila sa lahat ng Kanyang mga mabubuting gawa. Ang Tagapagligtas ay dumating bilang Tinapay ng Buhay upang ang lahat ay magkaroon ng buhay. Inaaalok tayo ng Tinapay ng Buhay na si Kristo Hesus na tanggapin ang biyaya ng buhay na Kanyang kaloob. Hindi tumitigil si Kristo sa pagbibigay ng buhay sa atin. Lagi Niya itong ginagawa, lalung-lalo na sa pagdiriwang ng Banal na Misa kung saang tinatanggap natin sa Banal na Komunyon ang Kanyang Katawan at Dugo. Kahit hindi tayo karapat-dapat dahil sa ating mga kasalanan, patuloy na inaanyayahan ng Panginoong Diyos ang bawat isa sa atin ang biyaya ng buhay na Kanyang inaalok at ibinibigay sa atin.

Dahil sa kabutihan ng Diyos, nakakatanggap tayo ng maraming biyaya mula sa langit. Dahil sa kabutihan ng Diyos, naitatag Niya sa pamamagitan ni Kristo ang Sakramento ng Banal na Eukaristiya. Dahil sa kabutihan ng Diyos, tayong lahat ay lagi Niyang pinapatawad ilang ulit man tayong magkasala laban sa Kanya. Hindi man tayo karapat-dapat dahil sa dami ng ating mga kasalanan, ang bawat isa sa atin ay patuloy tayong binibiyayaan at pinagpapala ng Diyos. 

Walang komento:

Mag-post ng isang Komento