Sabado, Hulyo 31, 2021

ANG ORAS NG DIYOS

15 Agosto 2021 
Dakilang Kapistahan ng Pag-Aakyat sa Langit sa Mahal na Birheng Maria
Pahayag 11, 19; 12, 1-6a. 10ab/Salmo 44/1 Corinto 15, 20-27/Lucas 1, 39-56


Mayroong isang espesyal na debosyon sa Mahal na Birheng Maria sa ilalim ng titulong Nuestra Señora de la Buena Hora sa Simbahan ng Quiapo. Ang ibig sabihin ng titulong ito ng Mahal na Birheng Maria, kung isasalin ito sa Tagalog, ay "Mahal na Birheng Maria ng Mabuting Oras." Ipinagdiriwang ng Simbahan ng Quiapo ang Dakilang Kapistahan ng Nuestra Señora de la Buena Hora tuwing ika-15 ng Agosto na siya ring araw ng Dakilang Kapistahan ng Pag-Aakyat sa Langit sa Mahal na Birheng Maria. Patunay ito na magkaugnay ang titulong ito ng Mahal na Ina at ang Dakilang Kapistahang ipinagdiriwang ng Simbahan sa buong daigdig sa nasabing araw. 

Sa pagdiriwang ng Dakilang Kapistahan ng Pag-Aakyat sa Langit sa Mahal na Birheng Maria, magandang pagnilayan ang ugnayan ng kanyang titulo bilang Nuestra Señora de la Buena Hora at ang Dakilang Kapistahang ito. Mayroon tayong makikitang detalye sa titulong ito ng Mahal na Ina na makakatulong sa atin na unawain ang ugnayan nito sa Dakilang Kapistahang ito. Ang nasabing detalye ay ang mga salitang "Buena Hora" o "Mabuting Oras." Ang mga salitang ito ay pahiwatig ng ugnayan ng titulong ito ng Mahal na Birhen sa Dakilang Kapistahang ipinagdiriwang ng Simbahan sa buong daigdig sa araw na ito. 

Buena Hora. Mabuting Oras. Ano ba ang tinutukoy ng mga salitang ito? Paano nga ba nagkaroon ng ugnayan ang mga salitang ito sa pagdiriwang ng Dakilang Kapistahan ng Pag-Aakyat sa Langit sa Mahal na Birheng Maria? Ano nga ba ang nais bigyan ng pansin ng mga salitang ito? Sa kontekso ng Pag-Aakyat sa Langit sa Mahal na Birheng Maria, ang mga salitang ito ay tumutukoy sa oras o panahong itinakda ng Diyos. Ang araw na ito ay isang magandang pagkakataon upang mapagnilayan kung paanong nagagawa ng Diyos ang Kanyang naisin at loobin pagsapit ng panahong Kanyang itinakda. 

Hindi umakyat sa langit ang Mahal na Inang si Maria gamit ang sarili niyang kapangyarihan. Wala naman siyang kapangyarihang gawin iyon sapagkat hindi naman siya isang diyosa. Isa lamang siyang taong nananalig at umaasa nang buong puso sa awa ng Diyos. Ang Panginoong Diyos na kanyang pinananaligan at inaasahan ang nag-akyat sa kanya sa langit. Iniakyat si Maria sa langit sa panahong itinakda ng Diyos, ang katapusan ng kanyang buhay dito sa daigdig. Matapos siyang iligtas mula sa bahid ng kasalanan bago isilang sa daigdig na ito, muling ipinakita ng Panginoong Diyos ang Kanyang habag sa Mahal na Ina sa pamamagitan ng pag-aakyat sa kanya sa langit. Nangyari ang lahat ng ito sa takdang panahon. Ang nag-takda ng panahong iyon ay walang iba kundi ang Diyos. Patunay ito na may kapangyarihan ang Diyos sa panahon. 

Ang mga Pagbasa para sa Dakilang Kapistahang ito ay naglalarawan ng mga kahanga-hangang gawa ng Diyos na naganap sa panahong Kanyang itinakda. Sa pamamagitan nito, ipinapaalala sa atin na ang oras na itinakda ng Diyos ay laging matutupad. Ang lahat ng Kanyang mga gawain ay Kanyang tinutupad sa panahong Siya mismo ang nagtakda. 

Sa Unang Pagbasa, inilarawan ni San Juan ang kanyang mga nakita sa isang pangitain tungkol sa magaganap. Katunayan, sa kabuuan ng aklat ng Pahayag, inilarawan ni San Juan ang lahat ng mga ipinakita sa kanya sa pamamagitan ng mga pangitain tungkol sa mga magaganap sa wakas ng panahon. Kailan ang wakas ng panahon? Tanging ang Diyos lamang ang may alam kung kailan iyon dahil ang nagtakda noon ay walang iba kundi Siya mismo. 

Inilaan ni Apostol San Pablo ang kanyang pangaral sa Ikalawang Pagbasa sa pagbibigay ng pansin sa kahanga-hangang gawa ng Diyos sa pamamagitan ni Kristo Hesus. Inilarawan niya sa Ikalawang Pagbasa kung paanong dumating sa daigdig na ito ang Muling Pagkabuhay sa pamamagitan ni Kristo. Nangyari ang lahat ng iyon ayon sa plano ng Diyos. Nangyari ang lahat ng iyon sa panahong takda mismo ng Diyos. Itinakda ng Diyos ang panahon kung kailan darating sa mundo ang Muling Pagkabuhay sa pamamagitan ng Panginoong Hesukristo. 

Nakasentro sa mga kahanga-hangang gawa ng Panginoong Diyos ang awitin o kantikulo ng Mahal na Birheng Maria sa Ebanghelyo. Sa pamamagitan ng awit-papuri na ito na kilala rin sa pamagat na Magnificat, nagpatotoo ang Mahal na Birheng Maria tungkol sa kahanga-hangang kapangyarihan ng Diyos. Ang mga gawang ito ng Diyos na inilarawan ni Maria nang buong galak sa kanyang awitin ay Kanyang isinagawa sa panahong Kanyang itinakda. 

Ipinapaalala sa atin ng Dakilang Kapistahang ito na ang Panginoong Diyos ay kumikilos at gumagawa sa panahong Kanyang itinakda. Ang oras at panahon ay nasa ilalim ng kapangyarihan ng Diyos. Ang Diyos ay hindi sakop ng panahon at oras. Bagkus, ang oras at panahon ay nasa ilalim ng Kanyang kapangyarihan. Dahil dito, kaya Niyang gawin ang lahat sa Kanyang oras. Tanging Siya lamang ang may kapangyarihang magtakda kung kailan matutupad ang Kanyang mga plano at pangako. 

Habang hinihintay natin ang oras ng Panginoong Diyos, ihanda natin nang maigi ang ating mga sarili. Sa gayon, makikinabang tayo sa mga biyayang ibibigay Niya sa lahat pagdating ng oras na Kanyang itinakda. Makakapagbigay tayo ng papuri sa Diyos na gumagawa ng lahat ng bagay sa Kanyang oras o panahon kasama ang Mahal na Inang si Mariang Birhen pagdating ng nasabing oras. 

Walang komento:

Mag-post ng isang Komento