Linggo, Agosto 1, 2021

KAYA MO BANG TANGGAPIN?

22 Agosto 2021 
Ika-21 Linggo sa Karaniwang Panahon [B] 
Josue 24, 1-2a. 15-17. 18b/Salmo 33/Efeso 5, 21-32/Juan 6, 60-69 


Pamilyar para sa marami sa atin ang awiting "Di Ko Kayang Tanggapin" ng yumaong si April Boy Regino. Marahil ay narinig natin ang awiting ito paminsan-minsan sa radyo. Isang klasiko ang awiting ito para sa mga kabataan ng dekada '90. Inilalarawan ng mga titik ng awiting ito ang sakit na naramdaman ng isang taong umiibig dahil ayaw na sa kanya ang kanyang minamahal. Labis siyang nasaktan sa ginawa ng kanyang sinisinta sa kanya. Hindi niya matanggap na bigla na lamang nanlamig sa kanya ang kanyang iniirog. 

"Mabigat na pananalita ito; sino ang makatatanggap nito?" (Juan 6, 60). Ito ang tanong ng marami sa mga alagad at tagasunod ni Hesus matapos marinig ang Kanyang pangaral tungkol sa Tinapay ng Buhay. Nahirapan silang tanggapin na ang Tinapay ng Buhay na nagmula sa langit ay isang simpleng lalaking mula sa bayan ng Nazaret na nagngangalang Hesus. Hindi nga sinabi ni Hesus na isa lamang talinghaga ang Kanyang mga sinabi. Mahirap para sa kanila na unawain at tanggapin ang mga salita ni Hesus. Dahil diyan, marami sa mga alagad at tagasunod ni Hesus ang umalis sa huling bahagi ng salaysay sa Ebanghelyo dahil pinanindigan Niya ang Kanyang mga turo at sinabi tungkol sa Kanyang sarili (Juan 6, 66). Naging malinaw sa kanila na hindi babaguhin ni Hesus ang Kanyang mga sinabi tungkol sa Kanyang sarili o kaya sabihing nagsasalita Siya nang patalinghaga lamang. 

Hindi lamang iyan ang mahirap tanggapin. Sa kasalukuyang panahon, may mga taong nahihirapang tanggapin ang mga salita sa pangaral ni Apostol San Pablo sa Ikalawang Pagbasa. Inilarawan ni Apostol San Pablo sa kanyang pangaral sa Ikalawang Pagbasa ang pag-iisang-dibdib. Magsasama-sama ang isang lalaki at isang babae at sila'y magiging iisa. Iyan ang turo tungkol sa pag-iisang-dibdib o kasal. Iyon nga lamang, mahirap para sa ilang tao na tanggapin ito na siyang katotohanan tungkol sa pamumuhay bilang mag-asawa. Ito talaga ang plano ng Diyos sa simula pa lamang. Ang pag-iisang-dibdib o kasal ay sa pagitan lamang ng isang lalaki at isang babae.  

Sa Unang Pagbasa, inihayag ni Josue sa mga Israelita na siya at ang kanyang angkan ay maglilingkod at sasamba lamang sa Panginoong Diyos, kahit gaano mang kahirap ito. Iyon rin ang inihayag ng mga Israelita. Kahit mahirap para sa kanila na unawain ang mga utos ng Panginoong Diyos, tatanggapin at susundin pa rin nila ang mga ito bilang tanda ng kanilang katapatan sa Kanya. Ipinangako nilang tatanggapin at susundin nila ang Panginoon, gaano man ito kahirap. 

Tayong lahat ay tinatanong sa Linggong ito - kaya ba nating tanggapin ang mga utos at salita ng Diyos? Tatanggapin ba natin ito gaano man ito kahirap? 

Walang komento:

Mag-post ng isang Komento