29 Agosto 2021
Ika-22 Linggo sa Karaniwang Panahon (B)
Deuteronomio 4, 1-2. 6-8/Salmo 14/Santiago 1, 17-18. 21b-22. 27/Marcos 7, 1-8. 14-15. 21-23
"I faced it all and I stood tall and did it my way." Ang mga salitang ito ay mula sa koro ng isang napakasikat na awiting mula sa dekada '60. Ang awiting iyon ay walang iba kundi ang "My Way" na inawit ni Frank Sinatra. Kung ang mga titik ng nasabing awitin ay sasaliksikin natin nang mabuti, magiging malinaw sa atin ang inilalarawan ng nasabing awitin. Napakalinaw kung paanong inilalarawan sa mga titik ng awiting ito ang isang taong nagbabalik-tanaw sa mga mahalagang sandali ng kanyang buhay. Binabalikan niya ang kanyang mga tagumpay, mga pagsubok, mga kabiguan, at maraming iba pang mga karanasan sa buhay. Ang landas na pinili niyang tahakin sa mga sandaling iyon ay ang landas na kanyang binuo at pinlano.
Kung isasalin natin sa Tagalog ang salitang "way", ilan sa mga salitang papasok sa isipan natin ay ang mga salitang "daan" at paraan." Subalit, sa isang bagay lamang nakasentro ang kahulugan ng mga salitang ito. Ang mga salitang ito ay nakasentro sa kalayaan ng bawat tao na magpasiya. Ang mga salitang "daan" at "paraan" ay nakasentro sa kalayaang ibinibigay sa bawat tao upang gumawa ng mga desisyon. Ang ating kalayaang makapagpasiya para sa ating mga sarili ay isinasalungguhit ng dalawang salitang ito. Tayo mismo ang pipili kung ano ang daan o paraang susundin natin. Pipiliin natin kung ano ang ating susundin.
Mayroon tayong kalayaang magpasiya para sa ating mga sarili. Ang kalayaang ito ay ibinigay sa atin ng Diyos. Ang dahilan kung bakit mayroong kalayaan ang bawat isa sa atin upang magpasiya para sa ating mga sarili ay dahil niloob ito ng Diyos. Niloob ng Diyos na mamuhay nang may kalayaan upang magpasiya para sa sarili ang bawat tao. Hindi Siya magiging isang diktador katulad ng ilan sa mga kilalang pinuno ng iba't ibang bansa sa daigdig sa kasaysayan. Hindi didiktahan ng Diyos ang bawat tao. Bagkus, ipinagkalooban tayo ng Diyos ng kalayaan upang magpasiya.
Ang mga Pagbasa para sa Linggong ito ay muling nakasentro sa kalayaan ng bawat tao upang magpasiya. Bagamat tila paulit-ulit na lamang binibigyan ng pansin ang aral na ito na itinuturo sa mga Pagbasa. Kung tutuusin, maraming iba pang mga talata sa Banal na Bibliya na itinutuon ang pansin sa kalayaang kaloob ng Diyos sa atin upang makapagpasiya. Subalit, maganda na ipaalala muli sa atin ang aral na ito nang hindi natin ito makalimutan.
Sa Unang Pagbasa, ipinaliwanag ni Moises sa mga Israelita ang mga utos at alituntuning dapat nilang sundin. Ipinaalala rin ni Moises sa mga Israelita kung bakit dapat nilang sundin ang mga nasabing utos at alituntunin. Ipinaalala muli ni Moises sa mga Israelita kung paanong iniligtas at pinalaya ng Panginoong Diyos mula sa pagkaalipin sa Ehipto. Kaya naman, marapat lamang na ang mga utos at alituntuning ibinigay sa kanila ay susundin nila. Katunayan, hindi galing kay Moises ang mga nasabing utos at alituntunin. Nagmula ito sa Diyos.
May pakiusap si Apostol Santo Santiago sa Ikalawang Pagbasa. Isa lamang ang pakiusap ni Apostol Santo Santiago - mamuhay ayon sa salita ng Diyos (1, 22). Hindi sapat ang pakikinig o pagbabasa ng Salita ng Diyos. Ang Salita ng Diyos ay hindi dapat binabasa o pinapakinggan lamang. Lalong hindi dapat pumasok sa isa nating pandinig at lumabas sa kabila ang Salita ng Diyos. Bagkus, ito ay dapat nating isabuhay. Dapat nakasentro sa Salita ng Diyos ang ating buhay bilang mga Kristiyano. Dapat itong maging pamantayan ng ating buhay.
Paliwanag ang ibinigay ni Moises sa mga Israelita sa Unang Pagbasa. Pakiusap naman ang ibinigay ni Apostol Santo Santiago sa Ikalawang Pagbasa. Subalit, si Hesus ay nagbigay ng isang babala sa Ebanghelyo. Isa lamang ang babala ni Hesus sa Ebanghelyo - walang maililihim ang tao sa Diyos. Oo, ang bawat tao ay may kakayahang maglihim. Kayang-kaya ng bawat tao na maglihim sa iba. Kayang-kaya ng mga tao magtago ng mga lihim. Subalit, walang maililihim ang bawat tao sa Panginoon. Gaano mang kagaling ang bawat tao maglihim sa iba, hindi niya kayang maglihim sa Diyos.
Alam ng Panginoon kung tunay nga bang bukal sa ating kalooban ang ating pagsunod sa Kanya. Alam Niya kung ano ang ating binabalak. Alam ng Diyos kung ano ang tunay na nilalaman ng ating mga puso. Alam Niya kung tunay nga bang busilak ang ating mga puso. Hindi natin kayang itago ito sa Kanya. Hindi Siya kayang lokohin ng sinumang tao sa daigdig. Katunayan, alam Niya ang lahat ng bagay tungkol sa atin, lalung-lalo na ang mga bagay tungkol sa ating mga sarili na hindi natin alam.
Tayong lahat ay muling tinatanong sa Linggong ito kung ano nga ba talaga ang ating pipiliin. Alin sa dalawang daan o pamamaraan ang pipiliin natin? Ang sarili nating daan o ang daan ng Diyos? Kung pipiliin natin ang daan o paraan ng Diyos, kinakailangang maging busilak ang ating mga puso at kailangan nating mamuhay ayon sa Kanyang mga utos at alituntunin nang buong katapatan.
Walang komento:
Mag-post ng isang Komento