5 Setyembre 2021
Ika-23 Linggo sa Karaniwang Panahon [B]
Isaias 35, 4-7a/Salmo 145/Santiago 2, 1-5/Marcos 7, 31-37
"Kaluluwa ko, 'yong purihin ang Panginoong butihin" (Salmo 145, 1). Ang mga salitang ito sa Salmong Tugunan para sa Linggong ito ay isang panawagan sa lahat. Tayong mga Kristiyano ay tinatawag upang magbigay ng papuri sa tunay at nag-iisang Panginoong Diyos nang buong puso at kaluluwa hindi lamang sa pamamagitan ng ating mga salita kundi pati na rin sa pamamagitan ng ating mga gawa. Ang pagbibigay ng papuri sa Panginoong Diyos ay hindi dapat gawin isang beses kada linggo lamang kundi araw-araw. Habang mayroon pa tayong hininga, dapat tayong magpuri sa Diyos.
Bilang tao, madaling magpuri sa Diyos kung panatag ang iyong loob. Sa mga panahon ng kaginhawaan o kung kailan maganda at maayos ang lahat para sa marami, madaling magpuri sa Panginoon. Subalit, hindi madaling magpuri sa Diyos sa mga panahon ng pagsubok. Tila nahihirapan tayong magpuri sa Diyos kapag hindi panatag ang ating loob dahil sa mga bagay na bumabagabag sa atin. Aminin man natin o hindi, iyon ang katotohanan tungkol sa atin bilang tao. Walang makapagsasabing hindi niya naranasan iyon kahit isang beses lamang.
Ang kapanatagan ng loob na bigay ng Panginoon ay ang pangunahing paksang binibigyan ng pansin sa mga Pagbasa para sa Linggong ito. Sa pamamagitan ng pagbibigay ng kapanatagan ng loob sa Kanyang mga loob, tinutulungan ng Diyos ang Kanyang mga lingkod na pagtagumpayan ang mga pagsubok dito sa mundo. Ito ang dahilan kung bakit ang panawagan sa Salmong Tugunan para sa Linggong ito ay magpuri sa Panginoon hindi lamang isang beses kada linggo kundi araw-araw.
Sa Unang Pagbasa, inilarawan kung paanong maghahatid ng kapanatagan ng loob sa lahat ng tao ang Diyos. Ito rin ang ginawa ni Apostol Santo Santiago sa kanyang pangaral sa Ikalawang Pagbasa. Isa lamang ang idinidiin ng dalawang Pagbasang ito - ang kapanatagan ng loob na kaloob ng Panginoon. Katunayan, naghahatid ng kapanatagan ng loob ang mga salitang ito na mababasa natin sa dalawang Pagbasang ito. Sa Ebanghelyo, pinagaling ng Panginoon ang isang lalaking bingi at utal. Sa pamamagitan ng himalang ito ni Hesus, ang lalaking ito ay binigyan Niya ng kapanatagan ng loob at pag-asa.
Muling ipinapaalala sa atin ngayong Linggo na ang Diyos ay ang nagbibigay ng kapanatagan ng loob. Kapag humaharap sa mga pagsubok sa buhay, huwag tayong magdalawang-isip na lumapit sa Diyos. Kapag mayroong mga bagay na bumabagabag sa atin, lumapit tayo sa Diyos. Ang ating mga puso at kalooban ay ipapanatag ng Diyos. Kung paanong binigyan ni Hesus ng kapanatagan ng loob ang lalaking bingi at utal sa Ebanghelyo, ipapanatag rin Niya ang ating mga puso at kalooban.
Walang komento:
Mag-post ng isang Komento