Huwebes, Setyembre 16, 2021

TUNAY NA DAKILA

19 Setyembre 2021 
Ika-25 Linggo sa Karaniwang Panahon (B) 
Karunungan 2, 12. 17-20/Salmo 53/Santiago 3, 16-4, 3/Marcos 9, 30-37 


Mayroong dalawang bahagi ang Ebanghelyo para sa Linggong ito. Sa unang bahagi ng Ebanghelyo, si Hesus ay muling nagsalita sa mga apostol tungkol sa Kanyang pagpapakasakit at pagkamatay. Marami Siyang hirap at pagdurusang titiisin si Hesus sa kamay ng Kanyang mga kaaway habang Siya'y ipinapatay sa pamamagitan ng pagpapako sa Kanya sa krus bago Siya mabuhay na mag-uli. Sa ikalawang bahagi ng Ebanghelyo, nagsalita si Hesus tungkol sa kadakilaan at ang pagtanggap sa Kanya at sa Ama. 

Tila mahirap iugnay ang mga bahaging ito ng Ebanghelyo sa isa't isa, lalung-lalo na't magkaiba ang paksang binigyan ng pansin ni Hesus. Sa unang bahagi, ang paksang tinalakay ay ang Kanyang pagtitiis ng maraming hirap at pagdurusa sa kamay ng Kanyang mga kaaway. Sa ikalawang bahagi, ang paksang Kanyang tinalakay ay ang tunay na kadakilaan at ang pagtanggap sa Kanya at sa Amang nasa langit na nagsugo sa Kanya. Katunayan, pinatayo ni Hesus ang isang bata sa harap ng mga apostol habang nangangaral Siya sa kanila tungkol sa totoong kadakilaan at ang pagtanggap sa Kanya at sa Amang nagsugo sa Kanya. Ano ang koneksyon ng mga pahayag na ito ni Hesus sa Ebanghelyo sa isa't isa? 

Kung sasaliksikin natin nang mabuti ang Pagbasa sa Ebanghelyo, mapapansin natin na tinawag ni Hesus ang isang bata at pinatayo sa harap ng mga apostol sa gitna ng Kanyang dalawang maikling pangaral tungkol sa pagiging tunay na dakila at pagtanggap sa Kanya at sa Ama. Itinuturo ni Hesus sa pamamagitan nito na yaong mga taong bukas sa kalooban ng Diyos at hindi naghahangad na mapunta sa sarili ang lahat ng atensyon lamang ay ang mga tunay na dakila sa Kanyang paningin. Ang mga tunay na dakila ay yaong tumatanggap sa Diyos at sa Kanyang kalooban. Ang mga tunay na dakila ay yaong katulad ng mga bata - nananalig at umaaasa sa Diyos. 

Sabi sa Salmo para sa Linggong ito: "Ang Diyos ang S'yang tumutulong at sa aki'y nagtatanggol" (53, 6b). Tampok naman sa Unang Pagbasa ang balak ng mga masasamang tao laban sa mga tapat na lingkod ng Panginoon. Ang mga katangian at nilalaman sa puso ng mga masasamang tao ay inilarawan naman ni Apostol Santo Santiago sa Ikalawang Pagbasa. Sa pamamagitan ng kanyang pangaral sa Ikalawang Pagbasa, inilarawan ni Apostol Santo Santiago ang mga hangarin ng mga lingkod ng Diyos. Ang hangarin ng mga tunay na lingkod ng Diyos ay lumaganap ang Kanyang kalooban.

Paano maging tunay na dakila sa paningin ng Diyos? Magpakumbaba. Huwag maging pabida. Huwag maging pasikat. Magpakita ng kababaang-loob. Buksan ang sarili sa kalooban ng Diyos. Isang halimbawa nito ay si Kristo noong tinitiis Niya ang mga paghihirap at pagdurusa hanggang sa Kanyang pagkamatay sa krus bago Siya mabuhay na mag-uli bilang pagsunod sa kalooban ng Ama. 

Walang komento:

Mag-post ng isang Komento