Biyernes, Setyembre 24, 2021

IPAGKATIWALA ANG SARILI SA DIYOS

28 Setyembre 2021 
Paggunita kay San Lorenzo Ruiz at mga Kasama, mga martir 
Sirak 2, 1-18/Salmo 115/1 Pedro 2, 1-25*/Mateo 5, 1-12 
*Maaaring laktawan 

(Larawan mula sa isa sa mga livestream ng mga Misa sa Simbahan ng Quiapo noong nakaraang taon).

Sa haba ng mga Pagbasa sa Misa para sa Paggunita kay San Lorenzo Ruiz at mga Kasama, mga martir, iisipin nating hindi lamang basta isang Paggunita ang araw na ito. Katunayan, mayroon pa ngang Ikalawang Pagbasa para sa araw na ito na maaari namang laktawan kung hindi si San Lorenzo Ruiz ang itinalagang Pintakasi ng Kapilya, Parokya, o anumang Simbahan. 

Ano ang nais pagtuunan ng pansin ng tila mahahabang mga Pagbasa para sa espesyal na araw na ito para sa Simbahan sa Pilipinas? Bakit pinili ang mga nasabing Pagbasa para sa araw na ito? Ano nga ba talaga ang koneksyon o ugnayan ng mga piling Pagbasa para sa araw na ito sa buhay ni San Lorenzo Ruiz na siyang unang Pilipinong Santo at Martir ng Simbahan? 

Inilarawan sa mga Pagbasa para sa araw na ito ang mga katangiang isinabuhay ni San Lorenzo Ruiz. Bilang isang Santo at Martir, isinabuhay ni San Lorenzo Ruiz ang mga katangiang inilarawan sa mga sipi mula sa Banal na Kasulatan na pinagninilayan sa araw na ito kung saan ginugunita ang kanyang pagkamartir sa bansang Hapon. Sabi sa wakas ng Unang Pagbasa na ipinagkakatiwala ng mga lingkod ng Panginoon ang kanilang mga sarili sa Kanya. Ito rin ang binigyang-diin ni Apostol San Pedro sa huling bahagi ng Ikalawang Pagbasa. Maging tapat sa kalooban ng Diyos, katulad ni Kristo Hesus. Tularan ang Kanyang pagtitiis ng maraming hirap at sakit alang-alang sa tanan bilang pagsunod sa kalooban ng Amang nasa langit. Ito ang ginawa ni San Lorenzo Ruiz. 

Dahil pinili ni San Lorenzo Ruiz na tularan si Hesus, ang perpektong halimbawa ng pagtitiis ng maraming hirap at sakit alang-alang sa katuparan ng kalooban ng Amang Diyos, idinakila siya ng Panginoon. Siya'y pinararangalan ng Simbahan sapagkat pinili niyang maging banal at tapat sa paningin ng Diyos. Pinili niyang tahakin ang landas ng kabanalan at pagpapala, kahit malaki ang kapalit nito. Sa pamamagitan nito, siya'y naging tunay na mapalad sa paningin ng Diyos. Ang mga katangian ng mga mapapalad inilarawan ni Hesus sa Ebanghelyo para sa espesyal na araw na ito ay isinabuhay ni San Lorenzo Ruiz sa pamamagitan ng kanyang pasiyang maging tapat sa kalooban ng Diyos. 

Binibigyan ng parangal ng Simbahan sa araw na ito si San Lorenzo Ruiz, ang unang Santong nanggaling sa ating bansa, ang Republika ng Pilipinas. Maging inspirasyon nawa si San Lorenzo Ruiz para sa ating lahat na maging tapat sa kalooban ng Diyos sa hirap at ginhawa. Ipagkatiwala nawa natin sa Diyos ang ating buong sarili sa Kanya bilang tanda ng ating pananalig at pagtanggap sa Kanya na Siyang pinagmulan ng ating buhay. 

Walang komento:

Mag-post ng isang Komento