06 Agosto 2021
Kapistahan ng Pagliliwanag sa Bagong Anyo ng Panginoon (B)
Daniel 7, 9-10. 13-14/Salmo 96/2 Pedro 1, 16-19/Marcos 9, 2-10
Daniel 7, 9-10. 13-14/Salmo 96/2 Pedro 1, 16-19/Marcos 9, 2-10
Matapos ang Pagbabagong-Anyo ni Hesus, ang tatlong alagad na nakasaksi sa nangyari ay Kanyang inutusang manatiling tahimik tungkol sa kanilang nakita sa bundok hanggang sa Muling Pagkabuhay ng Anak ng Tao (Marcos 9, 9). Ang tatlong alagad na kasama ng Panginoong Hesus sa bundok sa mga sandaling yaon at nakasaksi sa Kanyang Pagbabagong-Anyo ay sina Apostol San Pedro, Santiago, at Juan. Ang tatlong alagad na ito na isinama ni Hesus ay Kanyang inutusang ilihim sa ibang tao ang kanilang nakita sa mga sandaling iyon. Maaari lamang nila itong ipagsabi sa iba kapag nabuhay na mag-uli si Hesus.
Ang mga Pagbasa para sa araw na ito ay tungkol sa Panginoong Hesukristong nagbagong-anyo. Itinutuon ang ating mga pansin sa kaluwalhatiang nahayag sa bundok sa espesyal na araw na ito sa Kalendaryo ng Simbahan. Iminumulat ng mga Pagbasa para sa espesyal na araw na ito ang bawat isa sa kadakilaang tunay ngang kahanga-hanga na nasaksihan ng mga apostol sa bundok sa mga sandaling iyon. Ang kadakilaang iyon ay ang kadakilaan ni Hesus, ang sentro at puso ng ating misyon bilang Kanyang Simbahan.
Tiyak na nasasaulo na natin ang salaysay ng Pagbabagong-Anyo ni Hesus dahil ilang ulit na natin itong napakinggan o nabasa sa Banal na Bibliya. Katunayan, kabisado pa nga ng karamihan sa atin kung saan matatagpuan ang salaysay ng sandaling ito sa buhay ni Kristo sa Banal na Bibliya. Tiyak na kabisado na natin ang salaysay ng pangyayaring ito sa buhay ng Panginoong Hesus mula pa sa pagkabata natin. Tiyak na mga bata pa tayo noong una itong napakinggan.
Dahil tiyak na memoryado na ng marami sa atin ang salaysay ng sandaling ito sa buhay ng Panginoong Hesukristo, tiyak na may mga magtataka kung bakit pinapakinggan natin ito uli. Katunayan, mayroon pa ngang Kapistahang inilaan ang Simbahan upang gunitain at bigyan ng pansin ang sandaling ito sa buhay ni Kristo. Bakit pa ba nating kailangang pagtuunan ng pansin ang kaganapang ito uli gayong ilang ulit na natin itong napakinggan o nabasa sa Banal na Bibliya?
Bagamat hindi halata sa unang tingin, itinuturo ng Simbahan sa Kapistahang ito na inilaan sa pagninilay sa Pagbabagong-Anyo ng Panginoong Hesukristo ang ating misyon bilang Simbahan. Tandaan, hindi naman ng sinabi ng Panginoon sa tatlong alagad sa wakas ng salaysay na Ebanghelyo na huwag ipagsabi ang kanilang nakita magpakailanman. Bagkus, ang Kanyang bilin sa kanila ay ihilim muna nila ang kanilang nakita hanggang sa Kanyang Muling Pagkabuhay. May tamang panahon kung kailan nila maaaring ibunyag ang nasabing lihim. Kailan iyon? Matapos ang Muling Pagkabuhay ni Hesus.
Kaya naman, si Apostol San Pedro ay nagsalita tungkol sa kanyang nakita sa bundok sa Ikalawang Pagbasa. Inilarawan ni Apostol San Pedro kung ano ang nakita nilang tatlo nina Apostol Santo Santiago at San Juan sa kanyang patotoo sa Ikalawang Pagbasa. Naipahayag niya ito dahil nabuhay na mag-uli si Hesus. Matapos ang Muling Pagkabuhay ni Hesus, ang Kanyang Pag-Akyat sa Langit, at ang pagpanaog ng Espiritu Santo noong araw ng Pentekostes, si Hesus ay pinatotohanan ng mga apostol. Ipinakilala nina Apostol San Pedro at ng kapwa niyang mga apostol si Kristo sa iba. Si Kristo Hesus ang laman ng kanilang mga labi. Ginamit nila ang kanilang mga labi upang ipangaral sa lahat na si Hesus na taga-Nazaret ay ang ipinangakong Mesiyas at Tagapagligtas.
Sa Unang Pagbasa, inilarawan ni propeta Daniel ang kanyang nakita sa isang pangitain. Ito rin ang ginawa ni Apostol San Pedro sa Ikalawang Pagbasa. Ang bawat bahagi ng kanyang patotoo sa Ikalawang Pagbasa ay kanyang ginamit upang ilarawan kung ano ang kanyang nakita kasama ang magkapatid na sina Apostol Santo Santiago at San Juan. Bilang isang Simbahan, mayroon tayong misyon. Ang ating misyon bilang Simbahan ay gawin ang ginawa nina propeta Daniel sa Unang Pagbasa at ni Apostol San Pedro sa Ikalawang Pagbasa.
Ipinapaalala sa atin ng Simbahan sa Kapistahang ito na mayroon tayong misyon bilang mga Kristiyano. Ang ating misyon bilang Simbahan ay ipakilala si Hesus sa lahat sa pamamagitan ng ating mga salita at gawa. Hindi ito dapat isarili o panatilihing lihim magpakailanman. Bagkus, dapat natin itong ibunyag.
Walang komento:
Mag-post ng isang Komento