25 Hulyo 2021
Ika-17 Linggo sa Karaniwang Panahon (B)
2 Hari 4, 42-44/Salmo 144/Efeso 4, 1-6/Juan 6, 1-15
Dalawang himala ng pagpapakain sa maraming tao ang isinalaysay sa Unang Pagbasa at Ebanghelyo para sa Linggong ito. Ang Diyos ay gumawa ng himala upang pakainin ang maraming tao. Sa pamamagitan nito, ipinapaalala ng Diyos sa lahat na Siya ang bahala sa atin. Siya mismo ang mag-aaruga sa atin. Hindi tayo pababayaan ng Panginoon.
Gaya ng sabi sa panalanging itinuro ni Kristo, ang Ama Namin, "Bigyan Mo kami ngayon ng aming kakanin sa araw-araw" (Mateo 6, 11). Ang kahulugan noon ay hindi tayo pababayaan ng Panginoon na magutom. Binibigyan Niya tayo ng mga kailangan natin sa araw-araw tulad ng pagkain. Lagi Niyang ipinagkakaloob sa atin ang mga pang-araw-araw nating pangagailangan. Ang paalalang ito mula sa Panginoon ay tunay ngang nakakapagpanatag ng loob.
Sa Unang Pagbasa, isinalaysay kung paanong sandaang tao ang pinakain ng Panginoong Diyos. Kahit na mayroon lamang dalawampung tinapay at bagong aning trigo, ang sandaang taong naroon sa mga sandaling iyon ay nakakain at nabusog. Marami pa nga'ng natira. Isa lamang ang dahilan kung bakit nangyari iyon. Gumawa ng isang kababalaghan ang Panginoon. Mula sa pagkakaroon ng bagong aning trigo at dalawampung tinapay na kulang para sa dami ng tao sa mga sandaling iyon, nagkaroon ng sapat na dami ng pagkain para sa sandaang tao. Ang Panginoong Diyos ang may gawa nito.
Naulit ang himalang ito sa Ebanghelyo. Si Hesus, ang Diyos na nagkatawang-tao, ay nagpakain ng limang libong tao. Sa Unang Pagbasa, sandaang tao ang pinakain ng Diyos. Sa Ebanghelyo naman, limang libong tao ang pinakain ni Kristo. Ang kababalaghan sa Unang Pagbasa ay inulit ng Diyos sa Ebanghelyo sa pamamagitan ng Panginoong Hesukristo. Sa pamamagitan nito, pinatunayan muli ng Panginoon na Siya ang bahala sa atin. Siya ang mag-aaruga sa atin. Hindi Niya tayo pababayaan. Gaya ng sabi sa Ebanghelyo, batid na Niya kung ano ang gagawin (Juan 6, 6). Nababatid ng Panginoon kung ano ang Kanyang gagawin para sa ating kabutihan bago pa man Niya ito isagawa.
Hinahamon ni Apostol San Pablo sa Ikalawang Pagbasa ang bawat isa sa atin na mamuhay nang naayon para sa mga tinawag ng Diyos (Efeso 4, 1). Ang mga katangiang ito ay inilarawan rin ni Apostol San Pablo sa Ikalawang Pagbasa. Isa lamang ang dahilan kung bakit dapat natin itong gawin. Tinatawag ng Diyos ang bawat isa sa atin upang maging Kanyang mga instrumento. Ang ating misyon ay maging mga daluyan ng Kanyang grasya. Dahil dito, nararapat lamang na ang daan o landas ng kabanalan ay tahakin natin.
Ang Diyos ang bahala sa atin. Alam Niya kung ano ang gagawin Niya para sa kabutihan natin. Magtiwala lamang tayo sa Kanya. Pahintulutan rin natin ang Diyos na gamitin tayo bilang Kanyang mga instrumento. Lagi nating tatandaan na hindi tayo ang kikilos at gagawa ng paraan kundi ang Panginoon na Siyang may kapangyarihang gumawa ng lahat ng bagay para sa ating kabutihan.
Walang komento:
Mag-post ng isang Komento