29 Hunyo 2021
Dakilang Kapistahan nina Apostol San Pedro at San Pablo
Mga Gawa 12, 1-11/Salmo 33/2 Timoteo 4, 6-8. 17-18/Mateo 16, 13-19
Itinatampok at pinararangalan ng Simbahan sa napakaespesyal na araw na ito ang dalawang dakilang santo na kinikilala bilang mga haligi ng Simbahan. Ang dalawang ito ay walang iba kundi sina Apostol San Pedro at San Pablo. Buong tuwa nating ipinagpapasalamat sa Diyos sa espesyal na araw na ito na inilaan sa pagtampok at pagpaparangal sa dalawang dakilang apostol na ito ang biyaya ng kanilang pagmimisyon at pag-aalay ng sarili para kay Kristo at sa Simbahang Kanyang itinatag.
Sabi ni Apostol San Pablo sa Ikalawang Pagbasa na makakamtan niya ang korona ng pagtatagumpay (2 Timoteo 4, 8). Mayroon itong koneksyon sa mga unang salita ng Ikalawang Pagbasa. Paano naman nag-uugnay ang dalawang bahaging ito ng Ikalawang Pagbasa? Sabi sa simula ng Ikalawang Pagbasa na dumating na ang oras ng pagpanaw ni Apostol San Pablo sa daigdig na ito (2 Timoteo 4, 6). Napakalinaw naman ang ibig sabihin noon. Alam rin natin kung paanong namatay si Apostol San Pablo. Ang uri ng kanyang kamatayan bilang isang martir ay pagpupugot ng ulo. Pinugutan siya ng ulo sa Roma.
Magandang bigyan ng pansin ang ugnayan ng tagumpay at ang pag-aalay ng sarili bilang isang martir sa napakaespesyal na araw na ito. Alam natin na si Apostol San Pablo ay pinugutan ng ulo habang si Apostol San Pedro naman ay ipinako sa krus nang patiwarik. Inusig sila nang walang kalaban-laban. Paano naman nating sasabihing nagtagumpay ang dalawang apostol na ito sa kanilang pagmimisyon para sa tunay at nag-iisang Simbahang itinatag ni Kristo? Kung gagamitin natin ang pamantayan o pananaw ng mundo, sila ang natalo.
Noong itinalaga ng Panginoong Hesus si Apostol San Pedro bilang unang Santo Papa ng Simbahan at ibinigay ang mga susi sa kaharian ng langit sa kanya sa Ebanghelyo, sinabi Niyang kahit ang kapangyarihan ng kamatayan ay hinding-hindi magtatagumpay o makapananaig laban sa Kanyang Simbahan (Mateo 16, 18). Sabi pa nga ni Hesus na mapapalad ang mga inaalimura, pinag-uuusig, at pinagwiwikaan ng masama na pawang kasinungalingan (Mateo 5, 11-12). Ang sabi pa nga ni Apostol San Pablo, "Kung kailan ako mahina, saka naman ako malakas" (2 Corinto 12, 10). Sa pamamagitan ng pagkamartir nina Apostol San Pedro at San Pablo, ang kadakilaan ng Panginoong Diyos ay nahayag. Inalay nina Apostol San Pedro at San Pablo ang kanilang buhay para sa ikadarakila ng Diyos. Sa pamamagitan nito, nakamit nila ang tagumpay.
Gaya ng kapwa nilang mga apostol at mga humalili sa kanila, maraming pag-uusig ang dinanas nina Apostol San Pedro at San Pablo. Bago pa sila mamatay bilang mga martir, inusig na sila. Isa sa mga pag-uusig kay Apostol San Pedro ang itinampok sa salaysay sa Unang Pagbasa. Ibinilanggo si Apostol San Pedro dahil sa kanyang pangangaral tungkol sa Panginoong Hesukristo. Binalak pa nga siyang ipapatay ni Haring Herodes matapos ipapatay ang kapatid ni Apostol San Juan na si Apostol Santo Santiago. Subalit, isang anghel ang ipinadala ng Panginoon upang itakas at iligtas si Apostol San Pedro sa gabi.
Ang dalawang dakilang apostol na ito, sina Apostol San Pedro at San Pablo, ay naging matagumpay. Ang kanilang pag-aalay ng buo nilang sarili sa Diyos ay isang hudyat ng kanilang tagumpay. Nagtagumpay sila sa pamamagitan ng kanilang pag-aalay ng sarili sa Panginoon sa bawat sandali ng kanilang misyon hanggang sa kanilang kamatayan bilang Kanyang mga martir. Kahit na mukha silang mahina sa mata ng mundo, lalo na sa mata ng kanilang mga tagausig, sa paningin ng Diyos, sila'y tunay ngang nagtagumpay.
Walang komento:
Mag-post ng isang Komento