Huwebes, Mayo 27, 2021

TUNAY ANG KANYANG PRESENSYA

6 Hunyo 2021 
Dakilang Kapistahan ng Kabanal-banalang Katawan at Dugo ng Panginoon (B) 
Exodo 24, 3-8/Salmo 115/Hebreo 9, 11-15/Marcos 14, 12-16. 22-26 


Napakalinaw kung saan nakatuon ang pansin ng Simbahan sa pagdiriwang ng Dakilang Kapistahan ng Kabanal-banalang Katawan at Dugo ng Panginoong Hesukristo. Inilaan ng Simbahan ang araw na ito upang bigyan ng pansin ang tunay na presensya ng Panginoong Hesukristo sa Banal na Eukaristiya. Ang presensya ni Hesus sa Banal na Eukaristiya ay tunay. Ang Eukaristiya ay hindi lamang isang simbolo o sagisag ni Hesus. Bagkus, ang Banal na Eukaristiya ay ang mismong presensya ng ating Panginoon at Tagapagligtas na si Kristo. 

Mismong si Hesus ang nagsabi sa Ebanghelyo para sa araw na ito kung saang isinalaysay ang pagkakatatag sa Sakramento ng Banal na Eukaristiya sa Huling Hapunan na ang tinapay at alak ay ang Kanyang Katawan at Dugo (Marcos 14, 22-24). Ito ang basehan ng ating paniniwala bilang isang Simbahan sa tunay na presensya ng Panginoon sa Banal na Eukaristiya. Siya na mismo ang nagsabi na ang tinapay at alak sa pagdiriwang ng Banal na Eukaristiya ay ang Kanyang Katawan at Dugo. Hindi sinabi ni Kristo na ang tinapay at alak ay mga sagisag lamang. Bagkus, ang tinapay at alak sa Eukaristiya ay ang Kanyang Katawan at Dugo. Literal ang Kanyang presensya sa Eukaristiya. 

Ibinibigay ni Hesus ang Kanyang Katawan at Dugo sa Eukaristiya bilang ating espirituwal na pagkain at inumin. Si Hesus, na ipinakilala sa Ikalawang Pagbasa bilang Dakilang Saserdote, ay nagbibigay ng Kanyang Katawan at Dugo upang maging ating pagkain at inumin na ating pinagsasaluhan sa Banal na Misa. Isa lamang ang dahilan kung bakit ibinigay ni Hesus ang Kanyang sarili bilang tunay na pagkain at inumin sa pagdiriwang ng Banal na Misa. Iyon ay walang iba kundi ang Kanyang habag at pag-ibig para sa atin. Kung paanong paulit-ulit na pinili ng Panginoong Diyos na makipagtipan sa bayang Israel, tulad na lamang ng isinalaysay sa Unang Pagbasa kung saan ibinigay Niya ang Kanyang mga utos sa kanila sa pamamagitan ni Moises, dahil sa Kanyang habag at pag-ibig, ipinasiya ni Hesus na ibigay ang Kanyang Katawan at Dugo upang maging ating pagkain at inuming espirituwal sa Banal na Misa, sa kabila ng ating pagiging makasalanan, dahil sa Kanyang habag at pag-ibig. 

Ang presensya ni Hesus sa Banal na Eukaristiya ay tunay. Ibinibigay ni Hesus na tunay ngang nasa Eukaristiya ang Kanyang Kabanal-banalang Katawan at Dugo upang maging ating espirituwal na pagkain at inumin. Pinili Niyang gawin ito dahil sa Kanyang habag at pag-ibig. Lumipas man ang maraming panahon, hindi titigil si Hesus sa pagbibigay ng Kanyang sarili sa Banal na Eukaristiya. 

Walang komento:

Mag-post ng isang Komento