Biyernes, Mayo 14, 2021

ANG DIYOS NA BUMUBUO NG MGA UGNAYAN

30 Mayo 2021 
Dakilang Kapistahan ng Tatlong Persona sa Isang Diyos (B) 
Deuteronomio 4, 32-34. 39-40/Salmo 32/Roma 8, 14-17/Mateo 28, 16-20 


Ang Linggong ito ay napakaespesyal para sa Simbahan sapagkat binibigyan ng pansin sa araw na ito ay ang pagkakakilanlan o identidad ng Diyos. Sa araw na ito, nakatuon ang pansin ng Simbahan sa pagpapakilala ng Diyos ng Kanyang sarili sa lahat. Ang Diyos ay iisa lamang. Subalit, ang kaisa-isang Diyos na ito na ating pinupuri at sinasamba bilang isang Simbahan ay binubuo ng Tatlong Persona na walang iba kundi ang Ama, Anak, at Espiritu Santo. Kaya nga, ang tawag natin sa tunay at kaisa-isang Diyos na binubuo ng Ama, Anak, at Espiritu Santo ay "Banal na Santatlo." 

Nakatuon ang pansin ng mga Pagbasa para sa pagdiriwang sa espesyal na araw na ito sa pagpapakilala ng Diyos ng Kanyang sarili sa lahat. Ang pagiging isa ng Diyos ay binigyan ng pansin ni Moises sa kanyang pahayag sa Unang Pagbasa. Sabi niya sa mga Israelita na dapat nilang malaman na walang ibang diyos kundi ang Panginoon (Deuteronomio 4, 39). Isa lamang ang Diyos. Wala nang ibang diyos maliban sa Kanya. Siya lamang ang dapat sambahin sa lahat. Sa Ebanghelyo, inihayag mismo ni Hesus sa mga apostol nang suguin Niya sila upang ipakilala Siya sa lahat ng bansa na mayroong Tatlong Persona sa iisang Diyos. Sabi Niya na dapat silang magbinyag "Sa Ngalan ng Ama at ng Anak at ng Espiritu Santo" (Mateo 28, 19). Hindi Niya sinabing "Sa mga Ngalan ng Ama . . ." kundi "Sa Ngalan ng Ama . . ." Isa itong mahalagang detalye tungkol sa identidad ng Diyos. Iisa lamang ang Diyos. Subalit, ang iisang Diyos na ating pinupuri at sinasamba sa lahat ay binubuo ng Tatlong Persona na walang iba kundi ang Ama, Anak, at Espiritu Santo. 

Mahalaga ang ginawang pagpapakilala ng Diyos ng Kanyang sarili. Ang Diyos ay nagpapakilala sa atin bilang isang Diyos na binubuo ng Tatlong Persona. Isa lamang ang Diyos. Ang iisang Diyos ay binubuo ng Tatlong Persona na walang iba kundi ang Ama, Anak, at Espiritu Santo. Ang Ama, Anak, at Espiritu Santo ay hindi nagkukumpetensya o naglalamangan. Walang palakasang nagaganap sa pagitan ng Tatlong Persona na bumubuo sa iisang Diyos. Bagkus, ipinapakita ng Diyos sa lahat ang Kanyang pagiging puspos ng pag-ibig sa pamamagitan ng Kanyang pagkakakilanlan bilang Banal na Santatlo. Napakalinaw na tunay at wagas ang pag-ibig ng Ama, Anak, at Espiritu Santo sa isa't isa. Kaya nga, ang ugnayan ng Banal na Santatlo sa isa't isa ay ginamit ng Diyos upang ipakilala sa tanan ang Kanyang sarili. 

Dahil sa pagpapakilala ng Diyos bilang Tatlong Persona na tunay na nagkakaisa at nag-iibigan, nais Niyang isama ang bawat isa sa atin sa Kanyang pamilya. Iyan ang dahilan kung bakit Siya nagpapakilala sa atin bilang Banal na Santatlo o Trinidad. Nais ng Diyos na mapabilang tayo sa Kanyang pamilya. Ito ang nais bigyang-diin ni Apostol San Pablo sa kanyang pangaral sa Ikalawang Pagbasa. Kalooban ng Diyos na ang bawat isa sa atin ay maging bahagi ng Kanyang pamilya. Niloob ng Diyos na patnubayan tayo ng Espiritu Santo. Niloob ng Diyos na ang bawat isa sa atin ay maging Kanyang mga anak katulad ni Kristo. Ang mga dakilang gawang ito ng Diyos ay patunay ng Kanyang pag-ibig para sa atin. Kung paanong iniibig ng Ama, Anak, at Espiritu Santo ang isa't isa, iniibig naman ng Diyos na binubuo ng Tatlong Personang ito ang sangkatauhan. 

Ipinapakilala ng Diyos ang Kanyang sarili bilang Diyos ng mga ugnayan. Ang tunay at kaisa-isang Diyos na ating pinupuri at sinasamba bilang Simbahan ay binubuo ng Ama, Anak, at Espiritu Santo. Ang ugnayan at pag-iibigan ng Ama, Anak, at Espiritu Santo sa isa't isa ay napakalinaw. Ang pagkakaisa at pag-ibig na ipinakita ng Banal na Santatlo sa isa't isa ay nais ibahagi ng Diyos sa atin dahil sa Kanyang naisin na mapabilang tayo sa Kanyang pamilya. 

Walang komento:

Mag-post ng isang Komento