Biyernes, Abril 23, 2021

ANAK NG ISANG MANGGAGAWA

1 Mayo 2021 
Paggunita kay San Jose, manggagawa 
Genesis 1, 26-2, 3 (o kaya: Colosas 3, 14-15. 17. 23-24)/Salmo 89/Mateo 13, 54-58 



"Hindi ba ito ang anak ng karpintero?" (Mateo 13, 55) Ito ang isa sa mga tanong ng mga kababayan ni Hesus sa Nazaret tungkol sa Kanyang pagkakilanlan o identidad sa Ebanghelyo. Namangha silang lahat nang marinig nilang mangaral ang Panginoong Hesukristo sa harapan nila. Hindi sila makapaniwala na ang nangangaral sa kanilang sinagoga ay si Hesus na anak ng karpinterong si San Jose at ng Mahal na Birheng Maria. Hindi sila makapaniwala na magmumula sa pamilya ng isang karpintero ang isang taong puno ng karunungan. Katunayan, lalo silang hindi makapaniwala na ang taong iyon ay ang Mesiyas. Nakakagulat talaga si Hesus para sa Kanyang mga kababayan sa Nazaret. 

Inilaan ng Simbahan ang unang araw ng Mayo upang muling parangalan ang ama-amahan ng Panginoong Hesukristo na walang iba kundi si San Jose. Ang pagdiriwang ng Simbahan sa unang araw ng Mayo taun-taon ay ang ikalawang kapistahan ng Simbahan sa karangalan ni San Jose. May kaibahan nga lamang ang pagdiriwang ng Simbahan sa unang araw ng Mayo at ang pagdiriwang ng unang kapistahan sa karangalan ni San Jose na ipinagdiriwang naman tuwing ika-19 ng Marso. Ang pinagtutuunan ng pansin sa pagdiriwang ng Simbahan sa karangalan ni San Jose tuwing unang araw ng buwan ng Mayo ay ang kanyang pagiging manggagawa habang ang pinagtutuunan naman ng pansin tuwing ika-19 ng Marso ay ang kanyang pagiging kabiyak ng puso ng Mahal na Birheng Maria at ama-amahan ng Panginoong Hesus. Subalit, magkaugnay pa rin ang dalawang katangiang ito ni San Jose. Si San Jose na kabiyak ng puso ng Mahal na Birhen at ama-amahan ni Kristo sa lupa ay isang manggagawa. 

Bagamat negatibo ang tunog ng tanong ng Kanyang kababayan nang marinig nila ang Kanyang pangaral sa sinagoga sa Ebanghelyo, magandang bigyan ng pansin ang mga salitang "anak ng karpintero." Si Hesus na ating Panginoon at Tagapagligtas ay anak na isang karpintero na walang iba kundi si San Jose. Ang Diyos na nagkatawang-tao sa pamamagitan ni Hesus ay naging anak ng isang karpinterong nagngangalang Jose. Ang hanap-buhay o trabaho ng ama-amahan ng Panginoon sa mundo na walang iba kundi si San Jose ay pagkakarpintero. Itinaguyod ni San Jose ang kanyang pamilya na binubuo nina Hesus at Maria sa pamamagitan ng kanyang hanap-buhay bilang isang karpintero. Kaya naman, si San Jose ay itinatampok at pinararangalan sa araw na ito, ang unang araw ng buwan ng Mayo, dahil sa kanyang paghahanap-buhay bilang isang anluwage o karpintero. Sa pamamagitan ng kanyang paghahanap-buhay, kumayod si San Jose para sa kanyang pamilya na binubuo ni Hesus at ng Mahal na Ina. Ito ang paraang ginamit ni San Jose upang ipakita ang kanyang pagmamahal para kina Hesus at Maria. 

Kung paanong inihayag ng Panginoong Diyos ang Kanyang pag-ibig para sa sangkatauhan sa salaysay ng Kanyang paglikha sa kanila sa Unang Pagbasa, inihayag ni San Jose ang kanyang pagmamahal para sa Mahal na Ina at kay Hesus sa pamamagitan ng kanyang hanap-buhay bilang isang karpintero. Sabi pa ni Apostol San Pablo sa kanyang pangaral sa mga taga-Colosas na isa sa mga talatang maaaring gamitin para sa Unang Pagbasa: "Anuman ang inyong ginagawa, gawin ninyo nang magaan sa kalooban na waring hindi sa tao kayo naglilingkod kundi sa Panginoon" (3, 23). Kung paanong kusang nilikha ng Diyos ang tao sa ikaanim na araw at kung paanong si San Jose ay naghanap-buhay nang kusang-loob para sa kanyang pamilya, hinahamon tayo na gawin natin nang kusang-loob ang ating mga pang-araw-araw na tungkulin, suliranin, at responbilidad. Kapag ang ating kasipagan sa ating paghahanap-buhay at sa iba pa nating mga suliranin sa buhay ay kusang-loob, mahahayag ang ating pag-ibig para sa Diyos, sa ating pamilya, at sa ating kapwa. 

Ang araw na ito ay itinalaga ng Simbahan upang parangalan si San Jose para sa kanyang paghahanap-buhay para sa kanyang pamilya. Sa pamamagitan ng paglaan sa araw na ito upang parangalan si San Jose na isang manggagawa, itinuturo ng Simbahan ang halaga ng trabaho o hanap-buhay para sa bawat tao. Mahalaga para sa bawat tao ang hanap-buhay sapagkat nahahayag niya ang kanyang pag-ibig para sa kanyang pamilya at kapwa. Sa pamamagitan nito, nahahayag rin ang kanyang pag-ibig para sa Diyos. Iyan ay dahil isa itong oportunidad o pagkakataon na ibinigay sa kanya ng Panginoong Diyos upang tuparin ang kanyang tungkulin sa pamilya at kapwa nang may pag-ibig.

Walang komento:

Mag-post ng isang Komento