25 Abril 2021
Ikaapat na Linggo ng Pasko ng Muling Pagkabuhay (B)
Linggo ng Mabuting Pastol
Mga Gawa 4, 8-12/Salmo 117/1 Juan 3, 1-2/Juan 10, 11-18
Gaya ng pelikulang Your Name (Kimi No Na Wa), tinalakay rin sa pelikulang pinamagatang Weathering With You kung ano ang kayang gawin ng isang tao alang-alang sa pag-ibig. Kaya nga, isa sa mga awit na ginamit sa pelikulang iyon ay pinamagatang "Is There Still Anything That Love Can Do?" Mayroon pa bang kayang gawin ang pag-ibig? Maaari nating sabihing nasagot ang tanong na ito sa nasabing pelikula. Sa Weathering With You, tampok ang binatang si Hodaka at ang dalagang si Hina. Sa huling bahagi ng nasabing pelikula, ang binatang si Hodaka ay dumaan sa isang shrine gate at matapos gawin iyon ay nakarating siya sa mga alapaap upang hanapin doon si Hina. Ginawa niya iyon upang ibalik si Hina sa mundo. Ito ang dahilan kung bakit sinabi ni Hodaka kay Hina sa bahaging iyon ng pelikulang ito na hindi na mahalaga para sa kanya ang magandang panahon basta makasama niya si Hina. Ang dahilan kung bakit si Hina ay napunta sa mga alapaap ay dahil iyon ang kapalit ng pagiging isang weather maiden na may kapangyarihang ipatigil ang ulan at pagandahin ang panahon. Kinakailangan niyang isakripisyo ang kanyang buhay nang sa gayon ay bumalik sa normal ang lagay ng panahon. Subalit, para kay Hodaka, hindi na mahalaga ang pagkakaroon ng maaraw at magandang panahon. Sa halip na piliin ang magandang panahon, pinili niyang makasama si Hina. Kahit na hindi na magiging maaraw at lagi na lamang uulan, pinili pa rin niya si Hina. Alang-alang kay Hina, ginawa ni Hodaka ang lahat ng iyon.
Itinatampok sa Ikaapat na Linggo ng Pasko ng Muling Pagkabuhay na kilala rin bilang Linggo ng Mabuting Pastol ang isang napakagandang larawan ni Kristo. Sa Linggong ito, ang Panginoong Hesus na Muling Nabuhay ay ipinapakilala sa atin bilang Mabuting Pastol. Ang Panginoong Hesus ay ang Mabuting Pastol na handang gawin ang lahat para sa Kanyang kawan. Ipinagkaloob ng Diyos ang biyaya ng isang Mabuting Pastol sa atin. Ang Mabuting Pastol na bigay sa atin ng Diyos ay walang iba kundi ang Panginoong Muling Nabuhay na si Hesus.
Tinalakay sa mga Pagbasa ang pag-ibig ng Mabuting Pastol para sa Kanyang kawan. Sabi mismo ni Hesus sa Ebanghelyo na Siya ang Mabuting Pastol na nag-aalay ng Kanyang buhay alang-alang sa Kanyang mga tupa (Juan 10, 11). Sa pamamagitan ng mga salitang ito, inilarawan ni Hesus ang Kanyang pag-ibig para sa Kanyang kawan. Isa lamang ang dahilan kung ipinasiya ng Panginoon ang Kanyang buhay alang-alang sa Kanyang mga tupa - pag-ibig. Pag-ibig ang dahilan kung bakit ang Panginoong Hesukristo ay nagpasiyang isakripisyo ang buo Niyang sarili alang-alang sa Kanyang kawan.
Ang paksa ng pangaral ni Apostol San Juan sa Ikalawang Pagbasa ay ang ating pagkakilanlan o ang ating identidad bilang mga anak ng Diyos. Tayong lahat ay itinuring ng Diyos bilang Kanyang mga anak. Sa pambungad pa lamang ng kanyang pangaral sa Ikalawang Pagbasa, nasabi ni Apostol San Juan na tayo'y tinatawag na mga anak ng Diyos dahil sa Kanyang pag-ibig para sa atin (3, 1). Niloob ng Diyos na tayong lahat ay ituring Niyang mga anak dahil sa Kanyang pag-ibig para sa atin. Katunayan, iyan rin ang dahilan kung bakit kabilang tayo sa kawan ng Mabuting Pastol na si Kristo. Pag-ibig. Ang pag-ibig ng Diyos. Ang lahat ng mga bumubuo sa kawan ng Mabuting Pastol na si Hesus ay mga anak ng Diyos. Ito ang kalooban ng Diyos na tunay na umiibig sa atin. Dahil sa pag-ibig ng Diyos para sa atin, binigyan Niya tayo ng isang Mabuting Pastol. Ang Mabuting Pastol na iyon ay walang iba kundi si Hesus.
Sa Unang Pagbasa, inilarawan ni Apostol San Pedro kung paanong si Hesus ay dinakila ng Diyos. Siya'y ipinapatay ng Kanyang mga kaaway ngunit nabuhay na mag-uli sa ikatlong araw. Sabi pa ni Apostol San Pedro na ito ang patunay na si Hesus ay ang batong itinakwil na naging batong panulukan (Mga Gawa 4, 10-11). Sa pamamagitan nito, nahayag ang pag-ibig ng Diyos para sa lahat. Kahit na hindi Siya tinanggap ng marami, kahit na pagtatakwil ang Kanyang tinanggap mula sa marami, hindi nawala nang tuluyan o nabawasan man lamang ang pag-ibig ng Diyos. Katunayan, ang tugon ng Diyos sa pagtakwil sa Kanya ay ang paghayag ng kadakilaan ng Kanyang pag-ibig. Sa pamamagitan ng Panginoong Hesukristo, ang Mabuting Pastol na Muling Nabuhay, nahayag ang kadakilaan ng pag-ibig ng Diyos para sa lahat. Pag-ibig na hindi nabawasan o nawala nang tuluyan dahil sa pagtakwil sa Kanya. Sa kabila ng pagtakwil sa Kanya, nanatili pa rin ang pag-ibig ng Diyos. Katunayan, ang pag-ibig ng Diyos ang nanaig sa huli. Ito ay pinatunayan Niya sa pamamagitan ng Muling Pagkabuhay ni Hesus, ang Mabuting Pastol na ipinagkaloob Niya sa atin.
Biniyayaan tayo ng Diyos ng isang Mabuting Pastol. Ang Mabuting Pastol na ito ay walang iba kundi ang Panginoong Hesus na Muling Nabuhay. Bilang ating Mabuting Pastol, si Hesus ay handang gawin ang lahat para sa atin. Katunayan, iyon ang dahilan kung bakit ang Kanyang Misteryo Paskwal ay nangyari. Ang krus at Muling Pagkabuhay ng Panginoong Hesus ay patunay na handa Siyang gawin ang lahat alang-alang sa atin na bumbuo sa Kanyang kawan. Ang dahilan nito ay walang iba kundi ang Kanyang pag-ibig para sa atin.
Walang komento:
Mag-post ng isang Komento