Lunes, Marso 8, 2021

INIHANDOG ANG SARILI PARA KAY KRISTO HANGGANG KAMATAYAN

27 Marso 2021 
Paggunita kay San Pedro Calungsod, martir 
Ezekiel 37, 21-28/Jeremias 31/Juan 11, 45-56 


Alam natin na ang Ikalawang Santong Pilipino na si San Pedro Calungsod ay namatay bilang isang martir. Pinatay siyang kasama ni Beato Diego Luis de San Vitores. Ang dahilan ng pagpatay sa kanila bilang mga martir ay ang kanilang pananampalataya kay Kristo. Ang kanilang pananampalataya kay Kristo bilang mga binyagang Katoliko ay hindi nila binitiwan o isinuko kahit na ang kapalit nito ay ang sarili nilang buhay. Kahit na sila'y nasa harap ng matinding panganib at pag-uusig, pinili pa rin nila ang Panginoon. 

Sa Unang Pagbasa, inihayag ng Diyos na pinili Niya ang bayang Israel upang maging Kanyang bayan. Sabi Niya sa pamamagitan ng Kanyang propetang si Ezekiel, "Ako ang magiging Diyos nila, sila ay magiging bayan Ko" (37, 21). Sa pamamagitan nito, ipinakita ng Panginoong Diyos ang Kanyang habag para sa bayang Israel. Sa kabila ng kanilang mga nagawang kasalanan, pinili pa rin sila ng Diyos upang maging Kanya. Binibigyan ng Diyos ang mga Israelita ng isang oportunidad o pagkakataong maging banal para sa Kanya. 

Iyon nga lamang, alam naman natin na binalewala ang pasiyang ito ng Diyos para sa Kanyang bayan. May mga hindi tumanggap sa Kanya. Kahit na nais pa ng Diyos na maging banal ang Kanyang bayan, wala na Siyang magawa kung tinanggihan Siya ng Kanyang bayan. Kahit na pinili sila ng Diyos upang maging Kanyang bayan, may mga pagkakataong hindi nila pinili ang Diyos. Katulad na lamang ng itinatampok sa salaysay sa Ebanghelyo. Ang Diyos na dumating sa daigdig na ito bilang tao sa pamamagitan ni Kristo Hesus ay hindi tinanggap ng marami. Sabi sa Ebanghelyo na binalak ng Sanedrin na patayin si Hesus. Ang layunin ng isingawang pagpupulong sa Ebanghelyo ay makabuo ng plano kung paanong ligpitin at ipapatay si Hesus. 

Si Hesus, ang Diyos na nagkatawang-tao, ay hindi tinanggap ng marami. Ang mga apostol ay hindi rin tinanggap dahil sa kanilang misyon bilang mga saksi ni Hesus sa iba't ibang bahagi ng daigdig. Iyon rin ang nangyari sa iba pang mga banal na tao na pinararangalan ng Simbahan. Si San Pedro Calungsod ay isa na rito. Isa lamang ang ibig sabihin noon - ang pagiging Kristiyano ay mahirap talaga. Hindi biro, hindi madali, ang pagiging Kristiyano. 

Alam ni San Pedro Calungsod na mahirap ang buhay ng isang Kristiyano. Alam niya na maaari naman niyang talikuran ang pagiging isang binyagan kung iyon talaga ang kanyang naisin. Subalit, sa kabila ng katotohanang iyon, ipinasiya pa rin ni San Pedro Calungsod na manatiling isang Katoliko hanggang sa huli. Ang katotohanan tungkol sa buhay ng isang binyagan ay kanyang tinanggap nang buong puso. Dahil dito, pinili niyang ihandog ang buo niyang sarili kay Kristo. Ibinigay niya ang buo niyang sarili sa Panginoon at sa Kanyang Simbahan.  

Pinili ni San Pedro Calungsod na manatiling tapat sa Panginoong Hesukristo at sa Kanyang Simbahan hanggang sa huli. Iyon rin ba ang ating pasiya? 

Walang komento:

Mag-post ng isang Komento