Sabado, Marso 13, 2021

PARA KANINO KA BUMABANGON?

IKALIMANG WIKA (Juan 19, 28) 
"Nauuhaw Ako." 



"Para kanino ka ba bumabangon?" Ito ang tanong sa mga patalastas para sa isang napakasikat na tatak ng kape. Sa mga patalastas na ito para sa nasabing tatak ng kape, inilalahad ng mga tampok na panauhin ang mga dahilan kung bakit sila gumigising sa umaga at kumakayod sa kanilang mga trabaho. Anuman ang propesyon o hanap-buhay ng bawat tao, mayroon silang dahilan kung bakit kumakayod sila sa trabaho. Pamilya ang isa sa mga dahilan nito. 

Ang Ikalimang Wika ng Panginoong Hesukristo bago Siya mamatay sa krus ay maituturing natin na isang tanong para sa atin. Kahit na ang mga salitang ito ay hindi naman Niya sinambit sa isang patanong na pamamaraan, maaari nating isipin na parang tinatanong tayo ni Kristo. Ano ba ang ating kinauuhawan? Ano nga ba talaga ang dahilan kung bakit tayo gumigising sa umaga at kumakayod sa ating mga trabaho? Ano ba talaga ang nagbibigay ng motibasyon sa atin? 

Hindi porke't ginamit ni Hesus ang salitang "nauuhaw" ay nangangahulugang pisikal na pagkauhaw na ang Kanyang tinutukoy. Hindi lamang iyon ang nag-iisang uri ng pagkauhaw. Madalas nating kasing isipin ang pisikal na pagkauhaw ng tao. Maaari nating isipin na ang lunas sa pagkauhaw ng isang tao ay bigyan lamang siya ng tubig o kahit anumang inumin tulad ng tsaa at soft drinks. Iyan ang madalas nating isipin. Subalit, hindi lamang iyon ang kinauuhawan ng tao. 

Maraming uri ng pagkauhaw. Iba-iba ang kinauuhawan ng tao. Katunayan, ang salitang "pagkauhaw" ay maaari ring mangahulugan motibo. Ang salitang ito ay tumutukoy din sa motibasyon ng bawat tao. Kaya nga, mayroong mga taong "nauuhaw sa dugo." Ibig sabihin, may balak siyang kumitil ng maraming buhay. Ang balak ng taong ito ay pumatay ng maraming tao. Wala nang halaga para sa kanya ang buhay ng kapwa-tao dahil sa balak niyang ito. 

Katulad natin, mayroong motibo ang Panginoong Hesus. Katunayan, iyon ang dahilan kung bakit Siya dumating sa daigdig. Ang Kanyang pagkakatawang-tao sa mundong ito ay mayroong dahilan. Dumating si Hesus sa mundong ito at nagkatawang-tao upang iligtas ang sangkatauhan. Nangyari iyon sapagkat iyon ang kalooban ng Ama. Ang kalooban ng Diyos ang nagbigay ng motibasyon kay Hesus na dumating sa daigdig na ito bilang isang tao katulad natin, maliban na lamang sa kasalanan, upang tayo'y iligtas. Kahit alam Niyang puno ng sakit at pagdurusa ang planong ito, tinupad pa rin Niya ito nang buong katapatan. Ang motibasyon ni Hesus ay ang kalooban ng Ama na binuo dahil sa Kanyang pag-ibig na dakila para sa sangkatauhan. 

Tinatanong tayo ni Kristo sa wikang ito - ano ang nagbibigay ng motibasyon sa atin? Para kanino tayo bumabangon? Ano ang dahilan ng ating paggising sa umaga at pagkayod nang buong kasipagan? 

Walang komento:

Mag-post ng isang Komento