Linggo, Marso 14, 2021

SAKIT AT LAKAS

IKAANIM NA WIKA (Juan 19, 30) 
"Naganap na." 


"Owaranai yume ga mune no zawameki ga karada wo megutte 
Itami sae ima tsuyosa ni naru yo shinjita michi wo yuku
Watashi wo tsukiugokasu netsu egaki tsudzukete kita sekai e michibiku." 

(An endless dream, a stirring in my chest, run through my body. 
Even pain will become my strength now; I walk down the path I believe in. 
The fever that drives me forward, will lead me to the world I'd been imagining.

Ang mga salitang ito ay mula sa awiting Hapones na pinamagatang "Tsuki Akari" (Ingles: "Moonlight"; Tagalog: "Liwanag ng Buwan"). Isa ito sa dalawang awiting ginamit bilang pangwakas na awit ng anime na pinamagatang Akame Ga Kill. Katunayan, ang umawit ng awiting ito ay ang nagboses sa karakter na si Akame sa nasabing serye. Bagamat puno ng karahasan ang nasabing serye, isa pa rin itong disenteng serye, kung aksyon ang hanap ninyo sa isang anime. Iyon nga lamang, ang mga huling bahagi ng seryeng ito ay magkaiba sa huling bahagi ng manga nito. Subalit, maayos pa rin ito. May mga karakter sa nasabing anime na talagang magugustuhan ninyo. Iyon nga lamang, dahil nagustuhan ninyo sila, hindi kayo matutuwa sa nangyari sa marami sa kanila sa nasabing anime. Isang babala: kung papanoorin ninyo ito at may magustuhan kayong karakter, ihanda ninyo ang inyong mga sarili dahil malulungkot kayo sa kanilang sasapitin. Kahit dati pa itong ipinalabas, taong 2014 pa noong unang naipalabas ang nasabing anime, nakakalungkot ito, lalung-lalo na kung mayroong mga karakter sa anime na ito na talagang nagustuhan ninyo. Madudurog ang inyong mga puso. 

Siguro, ito ang dahilan kung bakit ang nasabing awitin ay ginamit sa mga huling kabanata ng nasabing anime. Napakalungkot ng tono ng awiting ito. Katunayan, ang mga titik ng buong awitin ay napakasakit. Sakit ang inilalarawan ng mga titik ng awiting ito. Sa bahaging ito ng nasabing awitin, inilarawan kung paanong ang sakit ay naging lakas. Kahit labis na nasasaktan, hindi lamang ang pisikal na katawan kundi pati na ang kalooban, itutuloy pa rin ang pagtahak sa landas na pinaniniwalaang matuwid at tama. Kahit labis ang sakit na dinadala, pisikal man, emosyonal, o kung ano pa man iyon, tuloy pa rin ang paglalakbay. Ang hirap gawin. Talagang napakaemosyonal ng nasabing awitin.

Hindi lamang iyan. Sabi pa sa wakas ng nasabing awitin: "Itsumo tsuyoku arou to sou kimeteita no ni" (I had always decided to stay strong). Kahit nasasaktan, pinipilit pa ring maging malakas. Nagpakatatag kahit labis na nasasaktan. Isa itong napakahirap gawin. Yung alam mong nasasaktan ka pero kailangan mo pa ring manatiling matatag habang naglalakbay patungo sa patutunguhan. Hindi natin puwedeng sabihing biro o drama lamang ito dahil totoo ito. 

Hindi biro ang sakit at pagdurusang tiniis ng Panginoong Hesus sa mga huling sandali ng Kanyang buhay. Puro sakit na ang Kanyang tiniis at dinanas mula noong Siya'y dinakip sa Halamanan ng Hetsemani. Si Hesus ay pinagsampal, pinagsuntok, ipinahagupit, pinutungan ng koronang gawa sa tinik, binigyan ng isang kahoy na krus upang pasanin patungong Kalbaryo, at ipinako sa nasabing krus. Wala nang hihigit pa sa dinanas ni Hesus. 

Grabe talaga ang dinanas at tiniis ni Hesus. Kung ginusto Niya, maaari Niya sanang pigilin ang lahat ng iyon. Maaari sanang iwasan at layuan ni Kristo ang landas na ito upang tahakin ang mas magaan at mapayapang daan, kung iyon ang Kanyang naisin. Kung tutuusin, hindi naman Niya kinailangang danasin ang lahat ng iyon. Batid rin Niya kung gaano kasakit ang Kanyang sasapitin kapag tinahak Niya ang landasing iyon. 

Subalit, pinili ni Hesus na tahakin ang landas na ito. Kahit batid Niyang puno ng hapis at sakit ang landas na ito, pinili pa rin Niya itong tahakin. Tiniis Niya ang lahat ng hirap at pagdurusa sa landas na ito. Sa pamamagitan nito, ipinamalas ni Hesus ang Kanyang lakas. Ang mga hirap at sakit ng Panginoong Hesus ay tanda ng Kanyang lakas. Ito ang dahilan kung bakit namutawi mula sa bibig ng Panginoong Hesukristo ang mga salitang "Naganap na!" 

Sa gitna ng hapis at pagdurusa, namalas ang lakas ni Hesus. Ang mga sakit at pagdurusa ng Panginoong Hesukristo ay sagisag ng Kanyang lakas. Kahit na maaari Niyang piliin ang ibang landas na mas maginhawa, pinili pa rin Niya ang landas na puno ng hapis at sakit. Sa pamamagitan ng Kanyang sakit, ipinakita ni Hesus ang Kanyang lakas. Ang lakas na ipagpatuloy ang kalooban ng Ama hanggang sa huli. 

Walang komento:

Mag-post ng isang Komento