IKALAWANG WIKA (Lucas 23, 43)
"Sinasabi Ko sa iyo: ngayon di'y isasama Kita sa Paraiso."
Isa sa mga sikat na pelikulang anime ay ang A Silent Voice. Ang pelikulang ito ay hango sa isang manga, katulad ng ibang mga anime, mapa-pelikula man o serye. Maraming paksa o tema ang tinalakay ng nasabing pelikula. Isa sa mga temang tinalakay sa nasabing pelikua ay ang pangalawang pagkakataon. Ang pangunahing lalaking karakter ng pelikulang ito na si Shoya Ishida ay nakaranas ng pangalawang pagkakataon upang baguhin ang kanyang sarili.
Sa unang bahagi ng nasabing pelikula, na ginanap noong nasa elementarya, isang bully si Shoya. Binully niya si Shoko Nishimiya, ang kanyang kaklase sa elementarya na may mahinang pandinig. Si Shoko ay lumipat sa elementaryang paaralan kung saan sina Shoya at ang kanyang mga kaibigan ay nag-aral. Ilang araw o linggo matapos ang paglipat ni Shoko sa nasabing paaralan, binully siya ni Shoya. Lagi niyang nilait at sinaktan si Shoko. Hindi niya inaksaya ang bawat pagkakataon upang i-bully si Shoko. Umabot iyon sa punto kung saan sinira at tinapon ni Shoya ang mga hearing aid ni Shoko sa fountain na matatagpuan sa labas ng nasabing paaralan. Pati ang notebook na ginagamit ni Shoko upang makipagtalastas sa kanyang mga kaklase ay hindi pinatawad. Tinapon rin ito sa fountain sa labas ng paaralan. Dahil lumala ang pambubully kay Shoko, lumipat siya sa ibang paaralan. Si Shoya naman ay binully rin ng ilan sa mga dati niyang kaibigan dahil sa kanyang ginawa. Kung tutuusin, nakisali rin ang ilan sa pambubully kay Shoko. Subalit, hindi sila umamin.
Nang siya'y naging binata, muling nakatagpo ni Shoya si Shoko sa mataas na paaralang pinuntahan niya. Mula sa pagiging isang bully, naging mahinahon at maingat si Shoya. Nahiya pa nga siya ng kaunti na lumapit at makipagtalastas kay Shoko noong una. Natakot rin sa kanya si Shoko noong una. Sariwa pa rin sa kanilang mga alaala sa mga sandaling iyon ang mga nangyari noong nasa elementarya pa lamang sila. Katunayan, ito rin ang dahilan kung bakit binalak ni Ishida na magpakamatay sa simula ng pelikula. Minumulto pa rin siya ng mga ginawa niya kay Nishimiya noong sila'y nasa elementarya. Subalit, naglakas-loob si Ishida at sinimulan niyang maging malapit kay Nishimiya. Dito nagsimula ang kanilang pagkakaibigan. Dito rin nagsimula ang pagtahak ni Shoya sa daan tungo sa paghihilom at pagbabagong-buhay.
Ang temang ito na tinalakay sa A Silent Voice, isang pelikulang anime na hango sa isang manga, ay ang aral at mensahe ng Ikalawang Wika ni Kristo mula sa krus. Ang wikang ito ay sinabi ng Panginoon sa isa sa mga salarin na kilala sa tradisyon bilang si Dimas. Si Dimas ay isa sa mga salaring ipinakong kasama ng Panginoong Hesus sa Kalbaryo noong unang Biyernes Santo. Nasusulat sa Ebanghelyo ni San Juan na si Hesus ay ipinako sa gitna ng dalawang salarin - isa sa gawing kanan at isa sa gawing kaliwa (19, 18). Isa lamang sa dalawang salaring ito ang pinangakuan ng Panginoon na makakasama Niya sa Paraiso. Si Dimas ang salaring iyon. Sa salaring nagbalik-loob na si Dimas ipinangako ang buhay na walang hanggan sa piling ng Panginoon sa Paraiso. Kahit na siya'y ipinako sa krus dahil sa salang kanyang ginawa, natamasa niya ang biyaya ng Paraiso dahil sa kanyang pagbabalik-loob.
Kung babalikan natin ang bahaging ito ng salaysay ng kamatayan ng Panginoon sa krus na matatagpuan sa Ebanghelyo ni San Lucas, mapapansin natin na isa lamang ang kumilala sa awa at habag ng Panginoon. Iyon ay walang iba kundi ang salaring nagtika na si Dimas. Ang isa pang salaring ipinakong kasama ni Hesus sa Kalbaryo na kilala sa tradisyon sa pangalang Hestas ay nakisali rin sa paglilibak sa Kanya. Hindi nagsawa ang mga kaaway ng Panginoong Hesus na nagtipon rin sa bundok ng Kalbaryo na kilala rin bilang Golgota sa paglibak sa Kanya. Dumagdag pa ang mga pagkutya ng salaring si Hestas. Karamihan sa mga salitang narinig ni Hesus sa Kalbaryo ay mga pagkutya sa Kanya. Talaga namang walang kalaban-laban si Hesus sa mga sandaling iyon.
Subalit, sa halip na makisakay sa paglibak kay Hesus, ang salaring si Dimas ay nagpasiyang magbalik-loob sa Diyos. Sa mga huling sandali ng buhay sa lupa, pinili ni Dimas na magtika. Pinili niyang pagsisihan ang kanyang mga kasalanan at humingi ng awa at habag mula sa Diyos. Kahit mukhang huli na ang lahat, nagawa pa rin niyang humingi ng awa at habag mula sa Panginoon. Hindi niya inaksaya ang pagkakataong makapagtika, kahit na dumating ito sa mga huling sandali ng kanyang buhay sa lupa. Iyon ang dahilan kung bakit ipinangako sa kanya ni Hesus na siya'y isasama Niya sa Paraiso.
Ipinakita ni Hesus ang Kanyang awa at habag sa salaring nagtika na kilala sa tradisyon sa pangalang Dimas sapagkat nakita Niya ang kaniyang taos-pusong pagtalikod sa kasalanan. Sa kabila ng mga kasalanang ginawa ng salaring ito buong buhay niya, ipinangako pa rin sa kanya ni Kristo na siya'y idadala Niya sa Paraiso. Niloob ni Hesus na gawin ito dahil sa taos-pusong pagsisi at pagbalik-loob ni Dimas. Dahil sa ginawang pagtika ni Dimas, ipinakita ni Hesus sa kanya ang Kanyang awa at habag. Ang awa at habag ni Hesus ay naranasan ni Dimas dahil hindi niya inaksaya ang pagkakataong magbalik-loob.
Ang aral at mensahe na itinuturo ng Ikalawang Wika ng Panginoong Hesukristo sa krus ay huwag sayangin ang bawat pagkakataong ibinibigay Niya sa bawat isa sa atin upang pagsisihan at talikdan ang ating mga kasalanan at magbalik-loob sa Kanya. Habang tayo'y nabubuhay sa daigdig, lagi tayong binibigyan ng Diyos ng pagkakataong baguhin ang ating mga sarili. Lagi tayong binibigyan ng pagkakataong makapagsisi sa ating mga kasalanan at magbalik-loob sa Kanya. Huwag nating sayangin ang pagkakataong ibinibigay ng Panginoon sa atin.
Bakit lagi tayong binibigyan ng Diyos ng pagkakataon makapagsisi sa ating mga kasalanan at magbalik-loob sa Kanya habang tayo'y nabubuhay pa sa daigdig na ito? Dahil nais Niya tayong makasama sa Kanyang kaharian. Kaya naman, huwag nating sayangin ang bawat pagkakataong ibinibigay sa atin ng Diyos upang makapagbalik-loob sa Kanya.
Walang komento:
Mag-post ng isang Komento