IKATLONG WIKA (Juan 19, 25-27)
"Ginang, narito ang iyong anak . . . Narito ang iyong ina!"
Isinalungguhit sa koro ng isang awit-parangal sa Mahal na Birheng Maria na pinamagatang "Mariang Ina Ko" ang kanyang papel bilang ina ng Simbahan at ang papel ng Panginoong Hesukristo bilang kapatid ng lahat. Sabi sa koro ng nasabing awit-parangal sa Mahal na Ina, "Mariang Ina ko, ako ri'y anak mo. Kay Kristong Kuya ko, akayin mo ako." Si Hesus ay hindi lamang kinikilala sa awiting ito bilang Panginoon at Tagapagligtas lamang. Kinikilala rin si Kristo sa nasabing awit bilang kapatid ng lahat ng Kristiyano. Ang ating Panginoon at Tagapagligtas na si Hesus ay ang ating kapatid dahil tayong lahat ay anak rin ni Maria. Tayong lahat ay bahagi ng pamilya ng ipinangakong Mesiyas at Manunubos.
Paano tayo naging bahagi ng pamilya ng Panginoong Hesukristo? Ang bawat isa sa atin ay mga tao lamang. Mga abang makasalanan. Alam naman natin na tunay na Diyos si Hesus. Bilang tunay na Diyos, Siya'y perpekto at walang bahid ng kasalanan. Subalit, paano tayo naging bahagi ng Kanyang pamilya? Tayong lahat na dinungisan ng kasalanan ay naging kapatid at kapamilya ni Kristo. Sa kabila ng ating mga nagawang kasalanan, ang bawat isa sa atin ay napabilang sa pamilya ni Kristo. Paano nangyari iyon?
Sa Ikatlong Wika ng Panginoong Hesus mula sa krus, nahayag kung paanong ang bawat isa sa atin ay naging bahagi ng Kanyang pamilya. Ipinapaliwanag ng Ikatlong Wika ni Hesus bago Siya malagutan ng hininga sa isang napakaikling paraan kung paano tayo naging Kanyang mga kapamilya. Habang nakapako sa krus, ipinagkatiwala ni Hesus ang Mahal na Inang si Mariang Birhen at si San Juan Apostol sa pangangalaga ng isa't isa. Sa mga sandaling iyon, tayong lahat na bumubuo sa tunay na Simbahang itinatag mismo ni Hesus ay kinatawan ng minamahal na alagad na si Apostol San Juan.
Kahit na nakabayubay sa krus, nakuha pa ng Panginoong Hesus na ihayag sa mga sandaling iyon ang Kanyang naisin para sa ating lahat. Nais ng Panginoon na ang bawat isa sa atin ay maging Kanyang mga kapatid. Tila isang paalala sa lahat ang wikang ito ng Panginoon bago Siya mamatay sa krus. Ipinapaalala ng Panginoon sa bawat isa sa atin sa wikang ito ang tunay na dahilan kung bakit ang lahat ng ito ay Kanyang ginawa. Tiniis Niya ang lahat ng hirap at sakit nang sa gayo'y ang bawat isa sa atin ay maging bahagi ng Kanyang pamilya.
Ang Panginoong Hesus ay namatay sa krus para sa kapatawaran ng ating mga kasalanan. Sa pamamagitan nito, binigyan Niya tayo ng pagkakataong maging bahagi ng Kanyang pamilya. Ito rin ang dahilan kung bakit ibinigay Niya sa ating lahat ang Mahal na Birheng Maria na Kanyang Ina. Ang bawat isa sa atin ay ipinagkatiwala ni Hesus sa pangangalaga ng Kanyang Inang si Mariang Birhen upang tayong lahat ay maging kanyang mga anak tulad Niya. Sa pamamagitan nito, tayong lahat ay naging bahagi ng Kanyang pamilya.
Tayong lahat na bumubuo sa tunay at nag-iisang Simbahang itinatag ni Kristo ay tunay na mapalad. Ang ipinangakong Mesiyas at Manunubos ay ang ating kapatid. Ang ating Ina ay walang iba kundi ang Mahal na Inang si Maria. Tayong lahat ay bahagi ng pamilya ng Panginoong Hesukristo.
Walang komento:
Mag-post ng isang Komento