28 Marso 2021
Linggo ng Palaspas sa Pagpapakasakit ng Panginoon (B)
Marcos 11, 1-10 (o kaya: Juan 12, 12-16) [Pagbabasbas ng mga Palaspas]
Isaias 50, 4-7/Salmo 21/Filipos 2, 6-11/Marcos 14, 1-15, 47 (o kaya: 15, 1-39) [Misa]
"Kahit nasaang parte ka pa sa mundo, gagawin ko ang lahat ng makakaya ko para mahanap kita." Ito ang mga salitang nasambit ni Taki Tachibana na isinalin sa Tagalog. Ang mga salitang ito ay nasabi niya matapos niyang makatagpo si Mitsuha Miyamizu sa bundok malapit sa bayan ng Itomori sa isa sa mga bahagi bago ang katapusan ng anime na pelikula na pinamagatang Your Name (Kimi No Na Wa). Nang magtapos ang takipsilim o "hating-liwanag" at nagbalik sila sa kani-kanilang mga katawan at panahon, ipinangako ni Taki na gagawin niya ang lahat upang magkita muli silang dalawa ni Mitsuha. Maliwanag sa mga salitang ito ang kanyang pagmamahal para kay Mitsuha. Kaya nga, nang si Mitsuha ay madapa sa daang patungo sa tanggapan ng kanyang ama na alkalde rin ng nasabing bayan, nakita niya sa kanyang kamay na nakasulat ang mga salitang "I love you." Kung tutuusin, iyon ang dahilan kung bakit nagpunta si Taki sa bundok malapit sa Itomori, ang bayang winasak ng isang comet, at ininom ang kuchikamizake ni Mitsuha upang makabalik sa araw na iyon. Ginawa niya ang lahat ng iyon dahil mahal na mahal niya si Mitsuha. Iyon rin ang dahilan kung bakit ipinangako ni Taki na gagawin niya ang lahat, kahit ang maglakbay sa iba't ibang bahagi ng daigdig, para makita niya muli si Mitsuha nang matapos ang "hating-liwanag." Kakaantig ng puso.
Mayroon tayong matutunan mula sa mga salitang ito ni Taki. Kung mahal mo talaga ang isang tao, handa kang gawin ang lahat para sa kanya. Katunayan, isa itong napakaganda at napakabisang aral pagdating sa pag-ibig. Handa kang gawin ang lahat para sa ikabubuti ng iyong minamahal. Handa kang gawin ang lahat upang pasayahin siya. Gagawin mo ang lahat para patunayan ang iyong pagmamahal para sa kanya. Sa pamamagitan ng iyong mga salita at gawa, ang iyong pag-ibig para sa iyong sinisinta ay iyong mapapatunayan. Kapag iyon ang ginawa mo, tunay ang iyong pag-ibig.
Hindi lalayo si Hesus sa pagpapakita ng Kanyang pag-ibig para sa atin. Kung tutuusin, wala nang makakapantay o makahihigit pa sa ginawa ng Panginoon alang-alang sa atin. Ang gawang ito ng Panginoong Hesukristo ang binibigyang-pansin ng Simbahan pagsapit ng sanlinggong ito na tinatawag nating Semana Santa o mga Mahal na Araw. Ang unang araw ng sanlinggong ito na mas kilala natin sa tawag na mga Mahal na Araw ay ang Linggo ng Palaspas. Sa araw na ito, ginugunita natin ang maringal na pagpasok ng Panginoong Hesukristo sa banal na lungsod na kilala bilang Herusalem na nakasakay sa isang asno.
Batid ng Panginoong Hesus na maraming hirap, sakit, at pagdurusa ang nag-aabang sa Kanya sa Herusalem. Batid Niya na may binabalak na masama ang Kanyang mga kaaway. Batid ni Kristo na uusigin at papatayin Siya matapos ang maringal Niyang pagpasok sa Herusalem. Batid Niya na kapag pumasok Siya sa lungsod ng Herusalem, kailangan Niyang harapin ang Kanyang krus. Batid Niya na makakahanap Siya ng kaginhawaan sa ibang lugar.
Ipinasiya ni Kristo na pumasok sa Herusalem upang patunayan ang Kanyang pag-ibig para sa atin. Kahit alam Niyang hindi Niya kailangan gawin ito, pinili pa rin Niya ito gawin dahil sa Kanyang pagmamahal. Ipinasiya Niyang pumasok sa Herusalem para harapin ang Kanyang krus dahil sa atin. Tayo ang dahilan kung bakit ipinasiya ni Hesus na gawin ang lahat ng iyon. Sa pamamagitan nito, ang ating Mesiyas at Manunubos na si Hesus ay naghayag ng Kanyang pag-ibig na dakila. Ang dakilang pag-ibig na ito ay ang dahilan ng lahat ng ito.
Ang mga Pagbasa para sa Linggong ito, ang Linggo ng Palaspas, ay tungkol sa lahat ng mga hirap at pagdurusang dinanas ng Panginoong Hesus alang-alang sa atin. Ang pagpapakasakit ng Panginoong Hesus ay tinalakay sa propesiya ni propeta Isaias sa Unang Pagbasa. Sabi ni propeta Isaias na ang ipinangakong Tagapagligtas ay makakatanggap ng maraming hirap at sakit sa kamay ng mga kaaway Niya. Ang kababaang-loob ni Hesus ay tinalakay naman ni Apostol San Pablo sa Ikalawang Pagbasa. Ang pagpapakasakit ng Panginoong Hesus ay isinalaysay nang buo sa Ebanghelyo. Hindi mangyayari ang lahat ng ito kung hindi naganap ang isinalaysay sa Ebanghelyo para sa Rito ng Pagbabasbas ng mga Palaspas sa simula ng Banal na Misa para sa araw na ito, ang maringal na pagpasok ng Panginoong Hesus sa lungsod ng Herusalem na nakasakay sa isang bisirong asno. Kung si Hesus ay hindi pumasok sa Herusalem, hindi Niya mababata ang lahat ng hirap at pagdurusa sa kamay ng Kanyang mga kaaway.
Subalit, sa halip na layuan ang krus na naghihintay sa Kanya, pinili ni Hesus na harapin ito. Sa pamamagitan ng Kanyang pagpasok sa Herusalem, ipinakita ng Panginoon ang Kanyang pagtanggap sa Kanyang sasapitin. Ipinasiya Niyang tanggapin at harapin ang Kanyang krus. Isa lamang ang dahilan kung bakit Niya ipinasiyang gawin ito. Pag-ibig. Dahil sa Kanyang pag-ibig para sa atin, hinarap ni Kristo ang Kanyang krus.
Pinili ng Panginoong Hesus na harapin at tanggapin ang Kanyang krus dahil sa Kanyang pag-ibig para sa atin. Sa pamamagitan nito, pinatunayan Niyang tunay at wagas ang Kanyang pag-ibig para sa atin. Ang lahat ng iyon ay ginawa Niya dahil sa Kanyang dakilang pag-ibig.
Walang komento:
Mag-post ng isang Komento