UNANG WIKA (Lucas 23, 34)
"Ama, patawarin Mo sila sapagkat hindi nila nalalaman ang kanilang ginagawa."
Mula nang Siya'y dakipin sa Halamanan ng Hetsemani, hindi tumigil ang mga kaaway ni Hesus sa paglilibak sa Kanya. Nilibak Siya matapos Niyang ihayag na Siya nga ang Anak ng Diyos bilang tugon sa tanong ni Caifas sa Kanya. Si Hesus ay sinampal at sinuntok ng Kanyang mga kaaway habang palibak Siyang tinanong: "Kristo, hulaan Mo nga kung sino ang sumampal sa Iyo!" (Mateo 26, 67-68). Sa mata ng Kanyang mga kaaway, si Hesus ay dapat mamatay dahil sa Kanyang paglapastangan sa Diyos. Subalit, bago nila ituloy ang kanilang plano nilang ipapatay si Hesus, sinimulan nilang kutyain Siya upang mapuno ng sakit at hapdi ang Kanyang kamatayan. Maaari nating sabihin na ang mga kaaway ng Panginoong Hesus ay may pagka-sadista. Binalak nila Siyang saktan nang labis hanggang sa Kanyang pagkamatay. Nais nilang tiyakin na mamamatay si Hesus sa pinakamasakit na pamamaraan.
Ang paglilibak kay Hesus ay hindi tumigil sa bahay ni Caifas. Nilibak rin Siya sa harapan ni Herodes Antipas. Katunayan, nakisama rin si Herodes Antipas at ang kanyang mga kawal sa paglibak kay Hesus (Lucas 23, 11). Sa pretoryo, noong Siya'y pinutungan ng koronang tinik, nagluhud-luhuran sa Kanyang harapan ang mga kawal ni Poncio Pilato habang binabati Siya ng ganito: "Mabuhay ang Hari ng mga Hudyo!" (Mateo 27, 29; Marcos 15, 18). Nang Siya'y nakabayubay na sa krus sa bundok ng Kalbaryo, nilibak pa rin Siya ng Kanyang mga kaaway. Ang sabi nila, "Iniligtas Niya ang iba, ngunit 'di mailigtas ang sarili. Makita lang nating bumaba sa krus ang Mesiyas na iyan na Hari ng Israel - maniniwala tayo sa Kanya!" (Marcos 15, 32). Hinamon pa nga Siya ng Kanyang mga kaaway nang palibak na iligtas ang Kanyang sarili (Mateo 27, 39; Marcos 15, 29; Lucas 23, 37). Talagang hindi nila inaksaya ang pagkakataon upang kutyain si Hesus nang walang kalaban-laban.
Hindi lamang nilibak si Hesus. Pinaratangan pa Siya nang walang katotohanan ng Kanyang mga kaaway. Ang mga bintang ng Kanyang mga kaaway laban sa Kanya ay pawang mga kasinungalingan lamang. Kahit walang katotohanan ang mga bintang laban sa Kanya, inilapit pa rin nila ito kina Pilato at Herodes. Paulit-ulit na idiniin ng mga kaaway ni Hesus ang kanilang mga paratang o akusasyon laban sa Kanya, kahit wala namang katotohanan ang mga ito, para lamang sa kanilang balak na iligpit at ipapatay Siya. Sabi na nga mismo ni Pilato na wala siyang makitang kasalanan kay Hesus upang hatulan Siya ng kamatayan. Sabi pa nga na alam ni Pilato na dinala lamang si Hesus ng Kanyang mga kaaway dahil sa inggit (Mateo 27, 18; Marcos 15, 10). Subalit, kahit hindi mapatunayan ng mga kaaway ni Kristo ang kanilang mga maling bintang, nanaig pa rin ang kanilang hiling.
Sa pamantayan ng tao, masasabing walang ginawa ang Panginoong Hesus. Sa dami ng mga ginawa ng Kanyang mga kaaway laban sa Kanya, pagparatang nang mali at pagkutya, hindi Siya umimik kahit minsan. Subalit, mayroon Siyang ginawa. Habang nakapako sa krus, ang Panginoong Hesus ay nanalangin sa Ama para sa Kanyang mga kaaway. Ang Kanyang panalangin sa Amang nasa langit ay mapatawad ang Kanyang mga kaaway.
Mayroon namang karapatan ang Panginoong Hesukristo na hilingin sa Ama na lipulin at puksain ang Kanyang mga kaaway. Mayroon namang karapatan ang Panginoong Hesus na maghiganti laban sa Kanyang mga kaaway. Hindi naman nagpakita ng awa at habag sa Kanya ang Kanyang mga kaaway. Katunayan, ang mga ginawa ng Kanyang mga kaaway ay hindi makatarungan o matuwid. Isang taong wala sala ang kanilang kinukutya at pinapatay. Kung tutuusin, may karapatan si Hesus na ipatikim sa kanila ang Kanyang galit.
Oo, may karapatan si Kristo na maghiganti sa Kanyang mga kaaway. Oo, hindi makatarungan ang ginawa kay Kristo. Subalit, sa kabila ng lahat ng ito, pinili ni Kristo na patawarin ang Kanyang mga kaaway. Kahit na labis Siyang sinaktan ng Kanyang mga kaaway, pinili pa rin Niyang patawarin sila. Ginawa Niya ito sa pamamagitan ng pananalangin sa Ama para sa kanila habang Siya'y nakapako sa krus. Kahit labis Siyang nasaktan, nagpakita pa rin Siya ng habag.
Itinuturo ni Hesus sa wikang ito na ang paghihiganti laban sa mga kaaway ay nakakatukso. Bilang tao, natutukso rin tayong maghiganti laban sa ating mga kaaway o sa mga nagkasala laban sa atin. Naranasan rin ng Panginoong Hesus ang tuksong ito kahit na Siya'y tunay na Diyos. Tinukso nga Siya ng demonyong si Satanas sa ilang bago Niya simulan ang Kanyang ministeryo. Ano pa kaya sa huling sandali ng Kanyang buhay sa Golgota? Hindi Siya naging ligtas mula sa mga tukso sa buhay dito sa daigdig. Subalit, itinuturo rin ni Hesus na mayroon tayong magagawa upang magtagumpay laban sa tuksong ito. Ginawa Niya ito habang Siya'y nakabayubay sa krus. Nanalangin Siya sa Ama para sa Kanyang mga kaaway. Manalangin tayo sa Ama para sa mga nagkasala laban sa atin, lalo na kung hindi pa tayong handang magpatawad.
Ang pagpapatawad ay hindi madali. Mas madaling maghiganti. Katunayan, ang hangad na maghiganti laban sa mga kaaway ay nakakatukso. Sa totoo lamang, masarap ang pakiramdam kapag nakapaghiganti sa kaaway. Subalit, ang turo ni Hesus sa atin ay patawarin ang mga nagkasala laban sa atin. Hindi naman Niya sinabing madali itong gawin. Hindi rin Niya sinabing patawarin natin ang mga nagkasala sa atin sa loob ng isang araw, isang linggo o isang buwan dahil hindi ito dapat minamadali. Bagkus, sinabi lamang Niya na magpatawad. Gaano man kahirap para sa atin na magpatawad, gaano man katagal ang panahon para sa bawat isa para magpatawad, ang mahalaga, nagpatawad tayo at nag-alay ng panalangin sa Ama para sa mga nagkasala laban sa atin.
Mahirap magpatawad. Hindi ito madaling gawin. Subalit, gaano man ito kahirap gawin, mayroon tayong kakayahang gawin ito. Tingnan si Hesus, ang tunay na Diyos at tunay na tao.
Walang komento:
Mag-post ng isang Komento