Biyernes, Marso 5, 2021

TAOS-PUSONG PAG-"OO"

25 Marso 2021 
Dakilang Kapistahan ng Pagpapahayag ng Magandang Balita tungkol sa Panginoon 
Isaias 7, 10-14; 8, 10/Salmo 39/Hebreo 10, 4-10/Lucas 1, 26-38 


Isa sa mga awitin para sa Ika-500 Anibersaryo ng Pagdating ng Kristiyanismo sa Pilipinas ay ang awiting We Give Our Yes. Ang mga titik ng nasabing awitin ay isinulat at nilapat ng musika ng isa sa mga pari ng Arkidiyosesis ng Maynila na si Padre Carlo Magno Marcelo. Ang Tagalog na bersyon ng nasabing awit ay pinamagatang Awit ng Misyon. Sa koro ng nasabing awitin, Ingles at Tagalog, binigyan ng pansin ang halaga ng tugon sa tawag ng misyon. Ang bawat isa ay tinatawag ng Panginoong Diyos para sa misyon. 

Bagamat ang sentro ng pistang ipinagdiriwang ng Simbahan sa araw na ito ay walang iba kundi ang Panginoong Hesukristo, itinatampok rin sa araw na ito ang Mahal na Birheng Maria. Sa maringal na pagdiriwang ng Dakilang Kapistahan ng Pagpapahayag ng Magandang Balita tungkol sa Panginoon, itinatampok ng Simbahan ang Mahal na Birheng Maria dahil ibinigay niya ang kanyang "Oo" na tinatawag na fiat sa misyong ibinigay sa kanya ng Diyos. Ang buo niyang sarili ay kanyang ibinigay sa kalooban ng Diyos. Kahit na mahirap para sa kanya na unawain nang buo ang plano ng Diyos, ipinasiya pa rin ni Maria na ibigay ang kanyang buong pusong pagtalima sa Panginoon. 

Ang misyong ibinigay ng Diyos sa Mahal na Birheng Maria ay inilarawan sa propesiya sa Unang Pagbasa. Sabi ng Panginoong Diyos na isang dalaga ang maglilihi at manganganak ng isang sanggol na lalaki na tatawaging "Emmanuel" na ang ibig sabihin ay "Ang Diyos ay sumasaatin" (Isaias 7, 14). Ito ang misyong ibinigay ng Diyos sa Mahal na Birheng Maria. Si Maria ang pinili at hinirang ng Diyos upang maging ina ng "Emmanuel" na walang iba kundi si Hesus. 

Sa Ikalawang Pagbasa, inilarawan ng manunulat ng sulat sa mga Hebreo ang misyon ng Panginoong Hesukristo bilang Mesiyas at Tagapagligtas. Mayroong dahilan ang pagparito ni Kristo. Pumanaog Siya sa daigdig dahil binigyan Siya ng misyon ng Ama. Kaya nga, sinabi Niyang naparito Siya upang tuparin ang kalooban ng Diyos (Hebreo 10, 7. 9). Ano naman ang misyon ni Kristo? Sabi sa Ikalawang Pagbasa na ang Kanyang misyon ay mamatay bilang handog sa krus alang-alang sa sangkatauhan. Ito ang tinukoy ng manunulat ng sulat sa mga Hebreo sa kanyang pangaral tungkol sa misyon ni Kristo sa mundong ito nang sabihin niyang nilinis tayo mula "sa ating mga kasalanan sa pamamagitan ng minsang paghahandog ng Kanyang sarili" (Hebreo 10, 10). Iyan ang misyon ni Kristo. Iyan ang kalooban ng Ama. Niloob ng Ama na pumanaog si Kristo sa daigdig upang linisin tayo sa ating mga kasalanan sa pamamagitan ng Kanyang pagpapakasakit, pagkamatay, at Muling Pagkabuhay. Sabi nga ng manunulat ng Sulat sa mga Hebreo sa wakas ng Ikalawang Pagbasa, sinunod ni Hesus ang kalooban ng Ama (Hebreo 10, 10). Ibinigay ng Panginoong Hesus ang Kanyang "Oo" sa kalooban ng Ama. 

Mayroon tayong misyon bilang mga Kristiyano. Ang misyong ito ay ibinigay sa atin ng Diyos. Ibibigay ba natin ang ating "Oo" sa Kanya nang taos-puso? 

Walang komento:

Mag-post ng isang Komento