26 Marso 2021
Biyernes sa Ikalimang Linggo ng Apatnapung Araw na Paghahanda
(Viernes de Dolores)
Jeremias 20, 10-13/Salmo 17/Juan 10, 31-42
Bagamat pinaparangalan ng Simbahan ang Mahal na Birheng Maria sa ilalim ng kanyang titulong "Ina ng Hapis" tuwing ika-15 ng Setyembre, ang tradisyon ng paggunita sa mga hapis ng Mahal na Ina ay patuloy na isinasagawa ng maraming Katoliko sa Biyernes bago ang Mahal na Araw. Maaari itong ituring na isang uri ng paghahanda para sa nalalapit na Mahal na Araw ang kaugaliang ito na isinasagawa ng maraming Katoliko. Kaya naman, kilala rin bilang "Viernes de Dolores" o Biyernes ng Hapis ang araw na ito.
Hapis ang temang tinalakay sa mga Pagbasa para sa araw na ito. Angkop na angkop ang tema ng mga Pagbasa habang ang mga hapis ng Mahal na Birheng Maria ay ginugunita at pinagninilayan ng bawat Katoliko. Sa Unang Pagbasa, inilarawan ni propeta Jeremias ang nagdudulot ng hapis sa kanyang puso. Ang di-pagtanggap ng mga tao sa mensaheng nagmumula sa Diyos na hatid niya sa kanila ay nagdudulot ng hapis sa kanyang puso. Napuno ng hapis ang kanyang puso dahil sa di-pagtanggap ng bayang Israel sa kanyang mensahe. Binalak pa nga siyang usigin ng marami dahil sa mensaheng hatid niya. Hapis, pighati, at lungkot ang naramdaman ni propeta Jeremias sapagkat hindi tinanggap ng mga tao ang mensahe ng Panginoong Diyos na kanyang ipinarating sa kanila. Ang kanyang pag-ibig sa Diyos ang dahilan kung bakit siya'y napuno ng hapis para sa bayang Israel.
Katulad ni propeta Jeremias sa Unang Pagbasa, ang Panginoong Hesukristo ay nakaramdam din ng hapis. Sa Ebanghelyo, isinalaysay kung paanong si Hesus ay binalak batuhin ng mga Hudyo. Kahit na gumawa ng maraming mabubuting bagay si Hesus bilang pagsunod sa kalooban ng Ama, hindi Siya tinanggap ng marami. Hindi nila matanggap na Siya ang Anak ng Diyos. Para sa kanila, hindi Siya ang Mesiyas. Marami ang nagalit sa Kanya. Binalak Siyang patayin. Kaya naman, noong sinabi sa huling bahagi ng Ebanghelyo na si Hesus ay umalis sa piling ng mga nais patayin Siya, maaari nating sabihing puno Siya ng hapis sa mga sandaling iyon. Hindi Siya napuspos ng hapis dahil tila nasira na nang tuluyan ang Kanyang reputasyon. Hindi Siya napuno ng hapis dahil mukhang lalo Siyang napasama sa mata ng iba. Hindi Siya napuno ng hapis dahil marami ang nagalit at hindi natuwa sa Kanya. Bagkus, napuno ng hapis si Kristo dahil hindi tinanggap ang biyayang hatid Niya sa kanila. Dumating si Kristo upang maghatid ng pag-asa at kaligtasan para sa lahat. Subalit, mayroong mga hindi tumanggap sa mga biyayang Kanyang hatid. Iyon ang dahilan ng pagka-hapis ng Panginoong Hesukristo, ang ipinangakong Mesiyas at Tagapagligtas.
Ang Mahal na Birheng Maria ay napuspos ng hapis dahil sa kanyang Anak na tunay niyang minamahal. Ang kanyang Anak na si Hesus ay ang ipinangakong Manunubos. Siya'y napuno ng hapis dahil sa pagdurusa ng Panginoong Hesus para sa sangkatauhan. Kahit alam ni Maria ang misyon ng kanyang Anak, hindi nawala ang sakit at pagdurusa ng isang ina para sa kanyang anak. Napuno ng hapis si Maria dahil tunay niyang minahal ang kanyang Anak na si Hesus.
Walang komento:
Mag-post ng isang Komento