Huwebes, Marso 18, 2021

KILALA NIYA ANG LAHAT

30 Marso 2021 
Martes Santo ng mga Mahal na Araw 
Isaias 49, 1-6/Salmo 70/Juan 13, 21-33. 36-38 


Dalawang kaganapan sa salaysay ng pagpapakasakit at pagkamatay ni Kristo ang inilarawan sa Ebanghelyo para sa Martes Santo. Katunayan, ang dalawang kaganapang ito'y inilarawan mismo ni Kristo. Sa dalawang kaganapang ito na bahagi ng napakahabang salaysay ng pagpapakasakit ng Panginoong Hesus, tampok ang dalawa sa Kanyang mga alagad. Ang dalawang kaganapang ito'y gawa ng dalawang alagad na ito. Iyon ay walang iba kundi ang pagkakanulo ni Hudas Iskariote at ang tatlong ulit na pagkakaila ni Apostol San Pedro. 

Kahit hindi pa naganap sa mga sandaling iyon ang dalawang bagay na ito, alam ng Panginoon na talagang mangyayari ang dalawang ito. Kahit na sa mata ng ibang tao ay walang katiyakan kung mangyayari ba ang dalawang ito, sigurado si Hesus na mangyayari talaga ang dalawang bagay na ito. Alam rin Niya ang dalawang kaganapang ito na magiging bahagi ng salaysay ng Kanyang Pasyon ay kagagawan ng dalawa sa Kanyang mga alagad. Kahit wala pang konkretong ebidensiya sa mga sandaling iyon, alam ni Hesus na mangyayari talaga iyon. 

Isa lamang ang ibig sabihin nito. Kilalang-kilala ng Panginoong Hesukristo ang Kanyang mga alagad. Kilala Niya ang Kanyang mga hinirang. Iyan ang totoo. Hindi natin maipagkakaila ang katotohanang ito. Ang lahat ng lihim ng Kanyang mga lingkod ay Kanyang kilala. Iyon ay dahil sa Kanyang pagka-Diyos. Walang lihim na hindi alam ng Panginoon. Walang tayong maitatago sa Kanya. 

Sa Unang Pagbasa, inamin ng lingkod ng Diyos na si Israel ang kanyang mga kahinaan at kabiguan (Isaias 49, 4). Hindi siya perpekto. Mayroong mga sandali o pagkakataon kung saan siya'y pumapalpak o sumasablay. Mayroon ring mga pagkakataon kung saan siya'y nagkakamali. Inamin naman ng lingkod ng Diyos na hindi siya perpekto. Alam ng Diyos na mayroong mga kahinaan ang Kanyang lingkod na si Israel. Subalit, sa kabila nito, pinili pa rin siya ng Panginoong Diyos upang maging Kanyang lingkod at bayan. 

Ang bawat isa sa atin ay kilalang-kilala ng Diyos. Alam ng Diyos ang ating mga kahinaan. Alam Niyang mayroong mga pagkakataon sa ating buhay kung saan tayo'y nagkakamali, pumapalpak, o sumasablay. Subalit, sa kabila ng mga hindi magandang katangian natin bilang tao, patuloy tayong binibigyan ng Diyos ng pagkakataong maglingkod sa Kanya at maging Kanya. 

Walang komento:

Mag-post ng isang Komento