Lunes, Marso 15, 2021

ANG TUNAY NA MAPAGKAKATIWALAAN AT MAAASAHAN

IKAPITONG WIKA (Lucas 23, 46) 
"Ama, sa mga kamay Mo'y ipinagtatagubilin Ko ang Aking Espiritu." 


Lagi nating sinasabi sa ating mga kakilala, lalung-lalo na kapag pupunta sila sa isang lugar na hindi pa nila napupuntahan, na huwag basta magtiwala sa kahit na sino. Huwag pagkatiwalaan ang mga hindi mo kilala. Huwag magtiwala nang basta-basta. Kahit na mukha pang mabait at maamo, huwag basta magtiwala sa kanila. Oo, mukhang mabait at maamo ang ilang tao, pero malay natin, mayroon siyang itinatagong lihim. Sasamantalahin ka pala. Laging maging maingat. 

Katunayan, hindi lamang ito ipinapayo o ipinapaalala sa mga pupunta sa mga lugar na hindi pa nila napuntahan dati para magbakasyon o kaya dahil lilipat na roon. Ito rin ay payo o paalala pagdating sa buhay. Laging mag-iingat. Huwag basta magtiwala sa kahit na sino. Katunayan, hindi lamang ito ang ipinapayo sa atin tungkol sa mga taong hindi natin kilala nang lubusan. Baka nga mayroong itinatagong lihim ang ating mga kilala, pamilya man o kaibigan. Ang masakit pa tungkol dito, baka isa sa kanila ang magtataksil sa iyo. Bagamat naririnig ito sa mga pelikula, maaari rin itong mangyari sa totoong buhay. 

Itinuturo ng Ikapito at Huling Wika ng Panginoong Hesukristo mula sa krus, na hango mula sa Salmo 31, kung sino ang dapat nating pagkatiwalaan at asahan sa lahat ng oras. Oo, hindi mo matitiyak na mapagkakatiwalaan ang isang tao dito sa mundo. Sa paglalakbay natin dito sa mundong ito kung saan hindi natin matitiyak nang lubusan ang pagiging mapagkakatiwalaan ng isang tao, mayroon tayong mapagkakatiwalaan. Iyon ay walang iba kundi ang Ama. 

Hindi tayo lalamangan, sasamantalahin, o lolokohin ng Panginoong Diyos. Hindi ganyan ang Diyos. Matitiyak natin na tunay Siyang mapagkakatiwalaan sa lahat ng oras. Walang oras o sandali na ang Diyos ay magiging kaduda-duda. Kung tutuusin, wala namang dahilan para pagdudahan ang Diyos. Ang Panginoon ay maaasahan. Ang Panginoon ay mapagkakatiwalaan. Ang Amang nasa langit ay laging kumakalinga at sumusubaybay sa atin. 

Pinatunayan ni Kristo ang katotohanang ito. Sa panalanging Kanyang itinuro na mas kilala natin bilang "Ama namin," inilarawan ang lahat ng mga dahilan kung bakit mapagkakatiwalaan at maaasahan ang Ama. Ang lahat ng mga kahanga-hanga Niyang gawa ay ibinuod sa nasabing panalangin. Ano pa nga ba ang ating hahanapin sa Diyos? Hindi pa ba sapat ang Kanyang mga ginawa? Kung tutuusin, hindi natin kailangan ng isang mahabang listahan ng mga ginawa ng Diyos na tunay ngang kahanga-hanga sa dami nito.

Ginawa ba ng Panginoon ang lahat ng iyon upang ipagyabang ang Kanyang kapangyarihan? Hindi. Ginawa Niya ang lahat ng iyon dahil sa Kanyang pag-ibig. Ipinakita ng Panginoon ang Kanyang pag-ibig para sa atin sa pamamagitan ng Kanyang mga kahanga-hangang gawa. Sa lahat ng mga gawa ng Diyos na tunay ngang kahanga-hanga, ang pinakadakila sa mga ito ay ang pagsugo Niya sa Kanyang Bugtong na Anak na si Hesus bilang Mesiyas at Tagapagligtas. Ang mga ito ay patunay lamang na ang Diyos ay tunay ngang maaasahan. 

Mayroon tayong mapagkakatiwalaan at maaasahan. Ang Diyos. Tanging Siya lamang ang tunay na mapagkakatiwalaan at maaasahan. Hindi tayo lilinlangin, sasamantalahin, lalamangan, o lolokohin kailanman. 

Walang komento:

Mag-post ng isang Komento