29 Marso 2021
Lunes Santo ng mga Mahal na Araw
Isaias 42, 1-7/Salmo 26/Juan 12, 1-11
Sabi sa Ebanghelyo ni San Juan na batid ni Hesus ang nilalaman ng puso ng bawat tao (2, 25). Isinulat ito ni San Juan sa kanyang Ebanghelyo pagkatapos ng kanyang salaysay tungkol sa paglilinis sa Templo. Walang makakalihim ng anumang bagay kay Kristo. Alam ni Kristo ang lahat ng bagay tungkol sa bawat tao, lalung-lalo na ang mga itinatagong lihim. Nalalaman Niya ang totoong nasa puso, isipan, at kalooban ng lahat ng tao. Walang lihim na hindi Niya alam. Hindi kayang ilihim ng bawat tao mula sa Panginoon ang mga tunay nilang layunin at hangarin. Alam ng ating Panginoon ang lahat ng iyon. Sabi nga, "Ang lahat kong lihim, Poon, ay tiyak Mong nalalaman" (Salmo 139, 2).
Ang kaganapang isinalaysay sa Ebanghelyo ay isa sa mga sandali kung saan ipinakita ng Panginoong Hesukristo ang Kanyang kaalaman tungkol sa tunay na dala ng bawat tao sa kanilang kaloob-looban. Ipinakita Niya na alam Niya ang tunay na layunin at binabalak ng tao. Ito ang dahilan kung bakit Niya sinabihan si Hudas Iskariote at ang iba pang mga alagad na hayaan nila si Maria na taga-Betania na nagbuhos ng mamahaling pabango sa Kanyang mga paa (Juan 12, 7). Alam ni Hesus ang dahilan kung bakit bumili si Santa Mariang taga-Betania ng mamahaling pabango para ibuhos sa Kanyang mga paa.
Katunayan, sabi pa sa Ebanghelyo na si Hudas Iskariote ay isang magnanakaw pala (Juan 12, 6). Tiyak na nalaman ng Panginoong Hesus ang lihim na ito ng alagad Niyang ito. Marahil ay naitago ni Hudas Iskariote ang katotohanang ito mula sa iba pang mga alagad at sa ibang tao, subalit hindi niya ito naitago mula sa Panginoong Hesus. Gaano man kagaling magtago ng lihim sa iba ang isang tao, hindi niya ito kayang itago mula sa Panginoon.
Inihayag sa Unang Pagbasa ang kalooban ng Diyos. Ibang-iba ito sa nangyari sa Ebanghelyo. Sa Unang Pagbasa, inihayag ng Panginoon sa pamamagitan ni propeta Isaias ang Kanyang kalooban. Sa Ebanghelyo, ibinunyag ni San Juan ang lihim ng isa sa mga alagad ng Panginoong Hesus na si Hudas Iskariote. Maliwanag ang pagkakaiba ng dalawang ito. Pinagsikapan ng isa na itago ang kanyang lihim habang inihayag naman ng isa ang kanyang lihim na kalooban. Si Hudas Iskariote ay nagsikap na itago pa lalo ang kanyang lihim nang sa gayon ay hindi siya mabisto ninuman. Inihayag naman ng Panginoong Diyos sa Unang Pagbasa ang Kanyang kalooban. Ang Kanyang lihim na kalooban ay Kanyang ibinunyag sa lahat sa pamamagitan ni propeta Isaias. Natupad ang kalooban Niyang ito sa pamamagitan ni Kristo.
Tayong lahat ay pinaalalahanan ngayong Lunes Santo. Wala tayong kayang ilihim mula sa Panginoon. Gaano man tayo kagaling maglihim sa iba, hindi natin kayang maglihim sa Diyos. Kilalang-kilala Niya tayo. Batid Niya ang tunay na laman ng ating mga puso, isipan, at kalooban.
Walang komento:
Mag-post ng isang Komento