1 Abril 2021
Huwebes Santo sa Paghahapunan ng Panginoon
Exodo 12, 1-8. 11-14/Salmo 115/1 Corinto 11, 23-26/Juan 13, 1-15
Hindi pangkaraniwan ang tatlong araw na pinapasok ng Simbahan pagsapit ng dapit-hapon o takipsilim ng Huwebes Santo. Napakaespesyal ang tatlong araw na sinisimulan ng Simbahan sa takipsilim ng Huwebes Santo. Iyon ay walang iba kundi ang Tatlong Araw na Pagdiriwang ng Pagpapakasakit, Pagkamatay, at Muling Pagkabuhay ng Panginoong Hesukristo. Kilala rin ang tatlong araw na ito bilang Banal na Tatlong Araw o Banal na Triduo. Sa loob ng tatlong araw na ito, lalong itinutuon ng Simbahan ang pansin ng bawat mananampalataya sa krus at Pagkabuhay ng Panginoon. Ang misteryo ng krus at Pagkabuhay ng Panginoon ay tinatawag ring Misteryo Paskwal.
Para sa Simbahan, ang tatlong araw na ito ay ang pinakamahalagang tatlong araw sa buong taon. Katunayan, ang pagdiriwang ng Banal na Tatlong Araw na kilala rin bilang Banal na Triduo o Triduo Pampaskuwa ay pinaghandaan ng Simbahan sa buong daigdig sa loob ng anim na linggo ng panahon na kilala sa opisyal na pangalan nito na Apatnapung Araw na Paghahanda para sa Pasko ng Pagkabuhay o mas kilala ng bawat Kristiyano sa tawag na Kuwaresma. Ang panawagan ng Simbahan sa bawat mananampalataya sa buong panahon ng Kuwaresma ay isa lamang pruweba o katibayan ng kanyang pagpapahalaga sa tatlong araw ng Triduo Pampaskuwa. Ang panawagan ng Simbahan sa bawat mananampalataya noong panahon ng Kuwaresma ay pagsisihan ang kasalanan at magbalik-loob bilang paghahanda ng sarili para sa isang napakaespesyal na pagdiriwang. Sinisimulan ng Simbahan ang napakaespesyal na pagdiriwang na ito, ang Banal na Tatlong Araw, sa takipsilim ng Huwebes Santo. Ang panahon ng Kuwaresma na tumatagal nang apatnapung araw (hindi kasali sa pagbibilang ang mga araw ng Linggo) sa paghahanda ng sarili para sa napakaespesyal na pagdiriwang ng Banal na Tatlong Araw.
Isa pang katangian ng tatlong araw ay ang paghahati ng pagdiriwang sa tatlong araw. Ang pagdiriwang ng Banal na Tatlong Araw ay magkakaugnay. Mayroong binibigyang-pansin ang Simbahan sa bawat araw. Ang pinagtutuunan ng pansin ng Simbahan sa tatlong araw na ito ay ang mga kaganapan na nakasentro sa Misteryo Paskwal ni Hesus. Sa dapit-hapon ng Huwebes Santo, binibigyan ng pansin ng Simbahan ang Huling Hapunan. Sa hapon ng Biyernes Santo, ang kamatayan ni Hesus sa krus ay ang sentro ng atensyon at pagninilay ng buong Simbahan. Sa gabi ng Sabado de Gloria, nakatuon ang pansin ng Simbahan sa huling yugto ng Misteryo Paskwal - ang maluwalhating Muling Pagkabuhay ng Tagapagligtas na si Kristo Hesus.
Napakalinaw ang pagpapahalaga ng Simbahan sa tatlong araw na ito na inilaan sa pagninilay at paggunita sa Misteryo Paskwal ni Kristo. Hindi sapat ang isang araw lamang upang ipagdiwang ang Misteryo Paskwal ng Panginoon sapagkat ito ang rurok ng ating pananampalataya bilang Kristiyano. Ito ang dahilan kung bakit ang bawat isa sa atin ay mga Kristiyano. Tayong lahat ay tinubos ng ating Mesiyas at Manunubos na si Hesus sa pamamagitan ng Kanyang kamatayan sa krus at Muling Pagkabuhay. Nakasentro sa Misteryo Paskwal ng Panginoong Hesus ang ating pananampalataya bilang Katoliko. Iyan ang dahilan kung bakit labis na pinahahalagahan ng ating Simbahan ang Misteryo Paskwal. Ito rin ang dahilan kung bakit tatlong araw ang inilaan ng Simbahan para sa pagdiriwang ng Misteryo Paskwal ng ating Panginoong Hesukristo. Ang Misteryo Paskwal ng ating Panginoong Hesus ay tunay ngang napakahalaga.
Sa mga Pagbasa para sa Misa ng Huling Hapunan ng Panginoon na isinagawa tuwing dapit-hapon ng Huwebes Santo, itinuturo sa atin na mayroong dahilan ang lahat. Sa Unang Pagbasa, inilarawan ang dahilan kung bakit napakahalaga para sa mga Hudyo ang Paskuwa. Sa pagdiriwang ng Paskuwa, ginugunita ang isang kahanga-hangang gawa ng butihing Panginoong Diyos. Pinalaya Niya ang mga Israelita mula sa pagkaalipin sa Ehipto. Iyon ang sentro ng pagdiriwang ng Hapunang Pampaskuwa. Iyon ang sentro ng Paskuwa. Ang kahanga-hangang gawang ito ng Diyos ay inalala ni Hesus at ng mga alagad sa Huling Hapunan. Bilang mga Hudyo, ginunita nina Hesus at ng mga apostol ang gawang ito na dahilan kung bakit ipinagdiriwang ang Paskuwa.
Gaya ng Paskuwa ng mga Hudyo, ang pagdiriwang ng Banal na Tatlong Araw ay mayroon ring dahilan. Katunayan, ang dahilan ng pagdiriwang ng Banal na Tatlong Araw ay ang mismong sentro ng pagdiriwang. Ito ang pinagtuunan ng pansin sa Ikalawang Pagbasa at Ebanghelyo. Sa Ikalawang Pagbasa, si Apostol San Pablo ay nagsulat tungkol sa pagtatag sa Sakramento ng Banal na Misa na kilala rin bilang Banal na Eukaristiya na ginanap sa Huling Hapunan. Itinampok naman sa Ebanghelyo ang paghuhugas ni Hesus sa mga paa ng mga apostol. Buong kababaang-loob na hinugasan ni Hesus ang mga paa ng mga apostol upang bigyan sila ng halimbawang dapat tularan. Sa pamamagitan ng gawang ito, itinuro Niya sa Kanyang mga alagad ang dahilan ng Kanyang pagparito sa daigdig na ito bilang ipinangakong Mesiyas at Tagapagligtas.
Mayroong dahilan ang lahat. Napakalinaw ito sa ginugunita ng Simbahan taun-taon tuwing sasapit ang Banal na Tatlong Araw. Katunayan, ang dahilang ito ang nag-uugnay sa bawat liturhikal na pagdiriwang sa Banal na Tatlong Araw kung saan ginugunita ang mga huling sandali sa buhay ni Kristo. Iyon ay walang iba kundi pag-ibig. Kaya nga, ang tawag sa buong sanlinggo ay Mahal na Araw. Ang dakilang pag-ibig ng Diyos na inihayag Niya sa pamamagitan ng Panginoong Hesukristo ay ang dahilan ng lahat ng ito. Ito ang nag-uugnay sa lahat ng mga pangyayaring inaalala natin sa Banal na Tatlong Araw.
Bagamat isang kaganapan sa mga huling sandali sa buhay ni Kristo Hesus ang pinagtutuunan ng pansin sa bawat araw ng Banal na Triduo, magkaugnay ang mga ito. Hindi magkahiwalay o magkaiba ang mga pangyayaring pinagninilayan at ginugunita natin sa Banal na Tatlong Araw. Magkaugnay ang mga ito dahil iisa lamang ang dahilan at ugat ng lahat ng ito. Iyon ay walang iba kundi ang pag-ibig ng Diyos na tunay ngang dakila't kahanga-hanga. Dahil sa pag-ibig na ito, tayong lahat ay naligtas sa pamamagitan ng krus at Pagkabuhay ni Hesus.
Walang komento:
Mag-post ng isang Komento