IKAAPAT NA WIKA (Mateo 27, 46; Marcos 15, 34)
"Diyos Ko, Diyos Ko, bakit Mo Ako pinabayaan?"
Bahagi ng ating buhay bilang tao ang mga pagsubok. Wala tayong magagawa upang takasan ito. Kahit ano pa'ng gawin natin, ang mga pagsubok sa buhay ay tiyak na darating. Hindi natin matatakasan ang mga pagsubok sa ating buhay. Gaano pa mang kabuti o kasama ang isang tao, hindi siya magiging ligtas mula sa mga pagsubok sa buhay. Darating ang pagsubok sa buhay ng bawat tao sa daigdig na ito. Mabuti man o masama ang isang tao, makakaranas sila ng mga pagsubok sa buhay. Iyan ang katotohanan tungkol sa buhay sa mundo.
Noong tinawag ng Panginoong Hesukristo ang mga apostol, hindi Niya sinabing magiging ligtas sila sa mga pagsubok sa buhay sa mundo. Balikan man natin ang mga pangaral ni Hesus sa mga Ebanghelyo nina San Mateo, San Marcos, San Lucas, at San Juan, wala tayong mababasa na sinabi Niya sa mga apostol na magiging maginhawa ang kanilang buhay dito sa lupa. Hindi Niya sinabi iyon kailanman. Kung tutuusin, nasabi nga Niya sa Kanyang mga alagad na ang mga ibig maging Kanyang tagasunod ay dapat lumimot sa sarili, magpasan ng sarili nilang mga krus, at sumunod sa Kanya (Mateo 16, 24; Marcos 8, 34; Lucas 9, 23). Maliwanag ang ibig sabihin ni Hesus sa mga salitang ito. Huwag na tayong mag-abala sa pagiging Kanyang tagasunod kung ang hinahanap natin ay isang daan upang makatakas sa mga pagsubok sa buhay. Isa ka mang tagasunod ni Kristo o hindi, makakaranas ka ng mga pagsubok sa buhay.
Pati nga ang Panginoon mismo ay nakaranas din ng mga pagsubok sa buhay dito sa lupa. Kung tutuusin, mayroon namang kapangyarihan ang Diyos upang magkatawang-tao sa pamamagitan ng Kanyang Bugtong na Anak na si Kristo Hesus na may mga reserbasyon. Maaari sana Siyang makaligtas mula sa iba't ibang mga pagsubok sa buhay. Kinailangan Niyang loobin o gustuhin ito. Kung ginusto Niya, hindi na Niya dadanasin ang mga pagsubok sa buhay. Kailangan lamang loobin ito ng Diyos upang iyon ang mangyari.
Oo, may kapangyarihan ang Panginoon na iligtas tayo nang hindi dumaraan sa mga pagsubok sa buhay dito sa lupa. Oo, maaari sana Siyang maging isang tao katulad natin, maliban sa kasalanan, na ligtas mula sa mga pagsubok sa buhay dito sa daigdig na ito. Kung ginusto lamang Niya, hindi na Niya dinanas ang iba't ibang mga pagsubok sa buhay sa mundo. Subalit, hindi iyon nangyari. Bakit? Hindi Niya iyon ginusto. Hindi iyon ang Kanyang kalooban.
Nang pagpasiyahan ng Diyos na darating Siya sa mundo bilang isang tao sa pamamagitan ng Pangalawang Persona ng Banal na Santatlo na si Kristo, ang lahat ng aspeto ng buhay ng tao, maliban sa kasalanan, ay Kanyang niyakap at tinanggap. Kahit na hindi Niya kailangang gawin ito, ginawa pa rin Niya ito dahil iyon ang Kanyang kalooban. Ito ang dahilan kung bakit ang Ikaapat na Wika ni Hesus mula sa krus ay ang mga unang salita ng Salmo 22. Kung ang Salmo 22 ay babasahin natin nang buo, malalaman natin na isa itong panalangin ng isang dumaranas sa matinding pagsubok sa buhay. Mula sa unang bahagi hanggang sa huling bahagi, inilarawan ng taong ito ang pagtulong ng Panginoong Diyos sa mga dumaraing at tumatawag sa Kanya.
Pinili ni Kristo na danasin ang lahat ng hirap at pagsubok sa buhay sa mundong ito. Sa ilang, nakaranas Siya ng tukso mula sa demonyong si Satanas. Sa mga sandali bago Siya dakipin sa Hardin ng Hetsemani, nakaranas Siya ng takot. Sa krus, dinasal Niya ang Salmo 22. Ang mga unang salita ng nasabing Salmo ay binigkas Niya nang malakas at marahil tinapos Niyang dasalin ito nang tahimik. Ang lahat ng ito'y patunay na ipinasiya ni Kristo na harapin at danasin ang lahat ng mga pagsubok sa buhay. Ang lahat ng ito ay Kanyang hinarap, dinanas, at tiniis. Ginawa Niya ang lahat ng ito alang-alang sa ating lahat.
Itinuturo ng Ikaapat na Wika ng Panginoong Hesus bago Siya mamatay sa krus na hindi ligtas ang sinuman mula sa mga pagsubok sa buhay sa daigdig na ito. Kahit nga ang Diyos na nagkatawang-tao na si Hesus ay hindi naging ligtas mula sa mga ito. Kahit na mayroon naman Siyang kapangyarihan upang iligtas ang Kanyang sarili mula sa mga ito, ipinasiya Niya itong harapin, pagdaanan, at tiisin. Ginawa Niya ito alang-alang sa ating lahat.
Walang komento:
Mag-post ng isang Komento