Lunes, Setyembre 30, 2019

HINDI MINAMADALI

6 October 2019 
Ika-27 Linggo sa Karaniwang Panahon (K) 
Habacuc 1, 2-3; 2 2-4/Salmo 94/2 Timoteo 1, 6-8. 13-14/Lucas 17, 5-10 


"Dagdagan po Ninyo ang aming pananalig sa Diyos" (17, 5). Ito ang samo ng mga apostol sa Panginoong Hesus sa unang bahagi ng Ebanghelyo. Subalit, ang tugon ni Hesus ay hindi nila inasahan. Hindi Niya tinupad ang kanilang kahilingan. Kahit ilang ulit Niyang sinabihang napakaliit ang pananalig ng mga apostol, wala Siyang ginawa upang dagdagan o palakihin ito. Bagkus, itinuro ni Hesus sa mga apostol na marami silang magagawang kahanga-hangang bagay kahit kasinlaki lamang ng butil ng mustasa ang kanilang pananalig (17, 6). Matapos sabihin iyon, nagsalaysay Siya ng isang maikling talinghaga. 

Para kay Kristo, ang pananalig ay hindi basta-basta lalaki o madadagdagan. Bagkus, kailangan nating magbigay ng sapat na panahon upang lumago ito. Hindi ito dapat minamadali. Wala namang sinabi ang Panginoon tungkol sa durasyon nito. Kung tutuusin, hindi sinabi ng Panginoon kung mabilis ba o mabagal ang prosesong ito. Hindi na mahalaga para sa Panginoon kung gaano katagal lumago ang pananalig ng bawat isa. Ang pinakamahalaga sa Kanya, hinahayaan nating lumago at tumibay ang ating pananalig sa Kanya. 

Bakit isang munting butil ng mustasa ang ginamit ng Panginoong Hesukristo upang ilarawan ang kahalagahan ng pananalig? Dahil nagsisimula sa mga maliliit na bagay ang mga malalaking bagay. Sabi ng Panginoon sa talinghaga tungkol sa butil ng mustasa na mula sa maliit na butil na ito'y umusbong ang isang napakalaking puno (13, 18-19). Bagamat ginamit ni Hesus ang talinghagang iyon upang ilarawan ang paghahari ng Diyos, isa rin itong angkop na larawan ng paglago ng ating pananalig sa Diyos. Katulad ng paghahari ng Diyos na binubuo Niya sa pamamagitan ng mga mababa ang kalooban, maaari nating palaguin ang ating pananampalataya at pananalig sa Kanya sa pamamagitan ng paggawa ng mga maliliit na bagay. 

Sa Unang Pagbasa, si propeta Habacuc ay nanaghoy sa Diyos dahil pakiwari niya'y hindi pinakikinggan ang kanyang mga dalangin. Kahit na sinunod niya ang mga utos at loobin ng Maykapal, parang hindi siya pinapansin. Subalit, hindi tumagal at tumugon ang Panginoon. Sa tugon Niyang ito, may pangako Siyang binibitwan. Darating ang panahon kung kailan ililigtas Niya ang mga matutuwid. 

Ano ang mga katangian ng mga matutuwid na tao? Sila ang mga gumagawa ng mabuti, malaki man o maliit. Sa pamamagitan ng kanilang mga mabubuting gawa, gaano man kalaki o kaliit ang mga iyon, ipinapakita nila ang kanilang pananalig at pananampalataya sa Panginoong Diyos. 

Iyan ang payo ni Apostol San Pablo kay San Timoteo sa Ikalawang Pagbasa. Kung tutuusin, ang mga salita ni Apostol San Pablo sa Ikalawang Pagbasa ay naaangkop pa rin sa kasalukuyang panahon. Pinayuhan niya si San Timoteo na huwag ikahiya ang Panginoon. Bagkus, manatiling tapat sa Kanya at sa misyong ibinigay Niya sa Simbahan. Paano ito maipapakita? Sa pamamagitan ng mga salita at gawa. Iyan ang magsisilbing patunay na tunay tayong matuwid sa paningin ng Panginoon. 

Nananalig at sumasampalataya sa Diyos ang mga tunay na matuwid sa Kanyang paningin. Laging bukas ang kanilang mga puso't isipan sa kalooban ng Panginoon. Ang kanilang pananalig at pananampalataya ay lagi nilang hinahayaang lumago at tumibay. Ang kanilang pananalig at pananampalataya sa Diyos ay napapatunayan ng kanilang mga salita at gawain sa bawat araw. Iyan ang tunay na matuwid sa paningin ng Panginoong Diyos. Iyan ang tunay na nananalig at sumasampalataya sa Kanya. Iyan ang mga nagtalaga ng kanilang mga sarili sa Diyos. 

Walang komento:

Mag-post ng isang Komento