15 Setyembre 2019
Ika-24 na Linggo sa Karaniwang Panahon (K)
Exodo 32, 7-11. 13-14/Salmo 50/1 Timoteo 1, 12-17/Lucas 15, 1-32 (o kaya: 15, 1-10)
Tinalakay sa Unang Pagbasa ang Awa ng Diyos. Ang bawat Kristiyano ay tunay na mapalad sapagkat ang Panginoon ay puspos ng awa. Habang tayo'y namumuhay sa lupa, may pag-asa pa tayong magbalik-loob sa Kanya. Tayong lahat ay patuloy na binibigyan ng Diyos ng pagkakataong magbagong-buhay habang tayo'y may hininga sa ating paglalakbay dito sa daigdig. Kahit hindi tayo karapat-dapat na bigyan ng pagkakataong magsisi't magbalik-loob sa Panginoon dahil sa dami ng ating mga nagawang kasalanan laban sa Kanya, patuloy Niya tayong binibigyan nito. Hindi ipinagkakait sa atin ng Diyos ang Kanyang Awa.
Sa Unang Pagbasa, isinalaysay kung paanong si Moises ay dumalangin nang buong kataimtiman sa Diyos para sa mga Israelita. Binalak ng Panginoong Diyos na lipulin ang mga Israelita dahil sa kanilang mga kasalanan laban sa Kanya. Subalit, hindi Niya itinuloy ang planong iyon dahil sa pagdalangin ni Moises. Sa pamamagitan ng pagdalangin niya sa Diyos, ipinakita ni Moises ang kanyang pananalig sa Awa ng Diyos. Dahil sa pananalig ni Moises na kanyang ipinakita sa kanyang samo, hindi itinuloy ng Diyos ang Kanyang planong lipulin ang mga Israelita. Ang dalangin ni Moises para sa mga Israelita ay dininig at tinupad ng Panginoon. Sa kabila ng mga kasalanang ginawa ng mga Israelita, ang Panginoon ay nagpakita ng Awa sa kanila. Sila'y kinaawaan ng Diyos, kahit hindi sila karapat-dapat na kaawaan dahil sa dami ng kanilang mga kasalanan na napakabigat.
Inilarawan rin naman ni Apostol San Pablo sa Ikalawang Pagbasa kung paano tayo pinakitaan ng Diyos ng Kanyang Awa. Ipinakita ng Diyos ang Kanyang Awa para sa atin sa pamamagitan ni Kristo Hesus. Si Kristo Hesus ay ipinagkaloob ng Ama sa lahat dahil sa Kanyang Awa. Dahil sa Kanyang Awa, ipinasiya ng Diyos na iligtas ang lahat ng tao mula sa kasalanan at kamatayan. Isinagawa ng Ama ang planong ito sa pamamagitan ng pagsugo sa Pangalawang Persona ng Banal na Santatlo na si Kristo Hesus, ang Kanyang Bugtong na Anak. Tayong lahat ay Kanyang iniligtas sa pamamagitan ng Kanyang krus at Muling Pagkabuhay - ang Misteryo Paskwal. Ang Misteryo Paskwal ng Panginoong Hesukristo ay naghayag ng Kanyang Awa para sa ating lahat na mga abang makasalanan.
Sa Ebanghelyo, isinalaysay ni Hesus ang talinghaga tungkol sa nawawalang tupa at ang talinghaga tungkol sa nawawalang pilak. Matapos isalaysay ang mga nasabing talinghaga, isinalaysay naman ni Hesus ang talinghaga tungkol sa alibughang anak. Isa lamang ang nais ituro ng Panginoong Hesus sa mga talinghagang isinalaysay Niya sa Ebanghelyo. Ang Diyos ay maawain. Hindi Niya ipagkakait ang Kanyang Awa sa sinumang humingi nito sa Kanya nang buong kababaang-loob. Ibubuhos ng Diyos ang Kanyang Awa sa mga dumudulog sa Kanya. Patuloy Siyang namimigay ng pagkakataon sa bawat isa na namumuhay at naglalakbay sa daigdig na ito na maranasan ang Kanyang Awa. Patuloy na binibigyan ng Panginoong Diyos ang lahat ng mga naglalakbay sa lupa ng pagkakataong magsisi't magbalik-loob. Ang pagtitika't pagbabalik-loob ng mga makasalanan ay labis na ikinatutuwa ng Diyos.
Tulad ng mga Israelita sa Unang Pagbasa, tulad ni Apostol San Pablo sa Ikalawang Pagbasa, at tulad ng alibughang anak sa talinghagang isinalaysay ng Panginoong Hesus sa Ebanghelyo, hindi tayo karapat-dapat na tanggapin at danasin ang Awa ng Diyos. Walang sinuman sa atin ang may karapatang sabihing karapat-dapat tayong kaawaan ng Panginoon. Hindi tayo karapat-dapat kaawaan ng Panginoon dahil sa ating mga kasalanan. Paulit-ulit tayong nagkakasala laban sa Diyos. Kung tutuusin, hindi na mabilang ang ating mga kasalanan sa Diyos. Subalit, sa kabila nito, patuloy na ipinapakita sa atin ng Diyos ang Kanyang Awa. Hindi Niya ipinagdadamot sa atin ang Kanyang Awa. Ibinubuhos Niya sa atin ang Kanyang Awa. Kaya, ang bawat isa sa atin ay tunay na mapalad. Mapalad tayo sapagkat kinaaawaaan pa rin tayo ng Panginoon, kahit hindi tayo karapat-dapat dahil sa ating mga kasalanan laban sa Kanya na hindi na mabilang.
Habang tayo'y naglalakbay sa daigdig na ito, tayong lahat ay binibigyan ng Diyos ng pagkakataong manumbalik sa Kanya. Huwag nating sayangin ang mga oportunidad na ibinibigay sa atin ng Diyos na magbalik-loob sa Kanya. Samantalahin na natin ang pagkakataong ibinigiay sa atin ng Diyos upang magsisi't magbalik-loob sa Kanya. Tayong lahat ay Kanyang tatanggapin nang buong tuwa sa ating pagbalik-loob sa Kanya. Ang Diyos ay laging naka-abang sa ating pagbabalik-loob sa Kanya.
Walang komento:
Mag-post ng isang Komento