14 Setyembre 2019
Kapistahan ng Pagtatampok sa Krus na Banal
Mga Bilang 21, 4b-9/Salmo 77/Filipos 2, 6-11/Juan 3, 13-17
Nakakawala ng bilib. Iyan ang sinabi ng isang kilalang personalidad sa larangan ng pulitika tungkol sa paghahain ng sarili ni Kristo sa krus. Para sa kanya, si Kristo ay hindi nakakabilib sapagkat siya'y nagpakita ng kahinaan. Dagdag pa niya, kung siya ay nasa posisyon ni Panginoon, uutusan lamang niya ang kidlat na tamaan ang lahat ng kanyang mga kaaway, lalo na ang mga erehe. Hindi siya bilib kay Kristo sapagkat hinayaan Niya ang Kanyang sarili na ipako sa krus.
Bakit pinili ng Panginoong Hesukristo na ialay ang sarili Niya sa krus? Bakit hindi na lamang Siya gumamit ng ibang paraan upang tubusin ang sangkatauhan? Tutal, Siya naman ay Diyos, ang Panglawang Persona ng Banal na Santatlo. Dahil diyan, maaari Niyang gawin kung ano ang Kanyang hangarin. Bakit pinili ni Hesus ang pinakamasakit na paraan, kahit marami namang ibang paraan na maaari Niyang gamitin? Hindi lamang iyon masakit sa pisikal na pangangatawan, pati na rin sa emosyon. Walang tigil ang panlilibak at pangungutya ng Kanyang mga kaaway habang Siya'y nakabayubay sa krus na walang kalaban-laban. Ang sakit noon. Bakit ito ang pinili Niyang gawin?
Sabi sa Ebanghelyo na pag-ibig ang dahilan kung bakit niloob ng Diyos na mag-alay ng buhay ang Kanyang Bugtong na Anak na si Hesus (3, 16). Niloob Niyang maging hain ang Pangalawang Persona ng Banal na Santatlo upang sa pamamagitan nito'y maligtas ang sangkatauhan (3, 17). Binanggit rin sa Ebanghelyo ang ginawang pagtaas ni Moises sa ahas na tanso sa ilang na isinalaysay sa Unang Pagbasa. Niloob ng Diyos na itampok ang ahas na tanso na ginawa ni Moises upang magkaroon ng buhay ang lahat ng tumingala dito. Niloob Niya ito dahil sa Kanyang pag-ibig para sa Kanyang bayan sa kabila ng katigasan ng kanilang mga ulo at puso. Kahit sila'y hindi karapat-dapat, binigyan pa rin sila ng pagkakataon ng Diyos na mabuhay. At iyan ang muling ginawa ng Ama para sa atin sa pamamagitan ng pagkakaloob Niya kay Kristo Hesus. Dagdag pa sa Ikalawang Pagbasa, tinupad ng Panginoong Hesus ang misyong ito nang buong kababaang-loob.
Ang kababaang-loob at pag-ibig ng Panginoong Hesus ang dahilan kung bakit tayong mga abang makasalanan ay naligtas. Iyan ang sinasagisag ng Kanyang Banal na Krus. Ang krus ni Hesus ay sagisag ng Kanyang kababaang-loob at pag-ibig. Dahil sa Kanyang pag-ibig sa sangkatauhan, ipinasiya ni Hesus na sumunod sa kalooban ng Ama nang buong kababaang-loob. Ipinakita ni Hesus ang Kanyang pag-ibig para sa lahat sa pamamagitan ng Kanyang kababaang-loob.
Kaya naman, ang krus ay napakahalaga sa atin bilang mga Kristiyano. Ang krus ay nagsisilbing larawan ng pagtubos sa atin ng Diyos sa pamamagitan ni Kristo Hesus. Isinasagisag ng krus ang kababaang-loob at pag-ibig ni Hesus para sa atin. Dahil sa pag-ibig at kababaang-loob ni Hesus, tayong lahat ay naligtas.
Walang komento:
Mag-post ng isang Komento