22 Setyembre 2019
Ika-25 Linggo sa Karaniwang Panahon (K)
Amos 8, 44-7/Salmo 112/1 Timoteo 2, 1-8/Lucas 16, 1-13 (o kaya: 16, 10-13)
Inihayag ng Panginoong Hesus sa huling bahagi ng Ebanghelyo na hindi maaaring paglingkuran nang sabay ang Diyos at ang kayamanan. Isa lamang ang dapat piliin. Dapat natin itong pagpasiyahan nang mabuti. Sino o ano ang ating pipiliin? Sino o ano ang ating paglilingkuran? Saan ba natin ibibigay ang ating katapatan? Tandaan, hindi natin mapaglilingkuran ang dalawa nang sabay. Isa lamang ang kailangan nating piliin. Kaya, kailangan natin itong pag-isipan nang mabuti. Iyan ang dahilan kung bakit isinalaysay ni Hesus ang talinghaga tungkol sa tusong katiwala sa unang bahagi ng mahabang bersyon ng Ebanghelyo.
Maituturing na isang babala laban sa pagpili sa kayamanan dito sa daigdig ang pahayag ni propeta Amos sa Unang Pagbasa. Bakit siya nagbabala laban sa pagpili sa mga kayamanan sa lupa? Kapag ipinagpasiya ng tao na paglingkuran ang mga kayamanan sa lupa, sila'y nagiging gahaman at sakim. Ito ang inilarawan ni propeta Amos sa Unang Pagbasa. Kapag ang mga kayamanan sa daigdig ay ginawang hari ng isang tao, iisipin lamang niya ang sarili niyang kapakanan. Wala nang halaga o saysay sa kanya ang malasakit. Magiging abusado siya sa mga dukha. Wala siyang ibang pahahalagahan kundi ang sarili. Wala siyang pakialam sa iba, lalo na sa mga mahihirap. Bakit? Para sa kanya lamang ang kayamanang yaon. Ang kayamanan dito sa daigdig ay ginawang diyus-diyusan at hari.
Nakakalungkot isipin na ito ang nangyayari ngayon. Sarili lamang ang iniisip. Ang kapakanan ng kapwa, lalo na ng mga mahihirap, ay hindi na isinasaalang-alang at pinapahalagahan. Wala na silang pakialam kung maaapektuhan ang kapwa, lalo na ang mga dukha, basta matupad ang kanilang mga plano. Katunayan, handa pa nga sila pumatay dahil sa pera. Walang balak ibahagi ang yaman dahil iyon ay para lamang daw sa kanila. Basta maginhawa ang kanilang buhay kasama ang kanilang kayamanan na kanilang isinosolo, masaya na sila. Kapag may humingi ng tulong mula sa kanila, wala silang pakialam. Hindi nila papansinin. Kulang na lamang ay patayin nila dahil mga "banta" sila laban sa kanilang kayamanan. Ginawang diyus-diyusan ang makamundong kayamanan. Nagpapaalipin sa mga kayamanan dito sa lupa. Nakakalungkot. Kasuklam-suklam ito.
Anong mangyayari sa bawat isa kapag pinili nilang paglingkuran ang Diyos nang buong katapatan? Ito'y itinuro ni Apostol San Pablo sa Ikalawang Pagbasa. Kapag ipinasiya ng bawat isa na paglingkuran ang Diyos nang buong katapatan, magiging mabuti ang kanilang mga budhi. Mabuti ang kanilang ihahangad sa kapwa. Handa silang tulungan ang kapwa, lalo na ang mga mahihirap. Hindi nila ipagkakait sa kapwa ang tulong na kanilang kailangan. Hindi sila magiging maramot. Hindi sila magiging sakim. Bagkus, sila'y magiging bukas at mapagbigay. Ang kanilang mga ginagawa ay kalugud-lugod sa paningin ng Diyos. Iyan ang kagandahan sa paglilingkod sa Panginoong Diyos nang buong katapatan. Kapag ipinasiya ng bawat isa na paglingkuran ang Panginoon nang buong katapatan, tinatahak nila ang landas ng kabanalan. Paano matatahak ng bawat isa ang landas ng kabanalan? Paano mapaglilingkuran ng bawat isa ang Panginoon? Sa pamamagitan ng kanilang mga mabubuting gawain.
Tayo mismo ang magpapasiya kung kanino natin ibibigay ang ating katapatan. Ang Diyos ay hindi magpapasiya para sa atin. Bagkus, tayo mismo ang magdedesisyon at mamimili. Sino o ano ang ating paglilingkuran? Kanino natin ibibigay ang ating katapatan? Pagpasiyahan natin ang mga tanong na ito nang mabuti.
Walang komento:
Mag-post ng isang Komento