28 Setyembre 2019
Paggunita kay San Lorenzo Ruiz at mga Kasama, mga martir
Sirak 2, 1-18/Salmo 115/1 Pedro 2, 1-25 (Maaaring laktawan)/Mateo 5, 1-12
Sa unang tingin, mukhang madali ang pagiging Katoliko. Magsisimba lamang tayo tuwing araw ng Linggo at sa mga mahahalagang araw. Laging magdadasal. Laging magbabasa ng Banal na Bibliya. Magiging deboto ng Panginoon, ng Mahal na Ina, at ng mga santo't santa. Mayroon pa ngang sasama sa mga prusisyon sa karangalan ng Panginoon, ng Mahal na Ina, at ng iba pang mga santo at santa. Kung ang mga ito ang batayan ng pagiging mabuting Katoliko, papasa ang bawat isa. Para bang walang kahirap-hirap sa pagiging Katoliko.
Iyan ang madalas na inaakala ng mga tao tungkol sa pananampalatayang Katoliko, lalo na sa kasalukuyang panahon. Puro panalangin lamang ang ginagawa ng mga Katoliko. Tungkulin lamang ng bawat Katoliko na manalangin at magsimba araw-araw. Iyon lang. Tapos na. Subalit, hindi lamang iyon ang batayan ng pagiging isang tunay na Katoliko. Ang pagiging Katoliko ay hindi lamang nasusukat sa pagiging madasalin at palasimba. Mayroon pang kailangan gawin ang bawat isa upang lalo pang lumalim at lumago ang ating pananampalataya bilang mga Kristiyano.
Ang pagiging Katoliko ay nasusukat rin sa kagitingan at katapatan. Ito ang ipinakita ni San Lorenzo Ruiz sa mga huling sandali ng kanyang buhay dito sa daigdig. Sa halip na itakwil si Kristo, ipinasiya niyang maging tapat sa Kanya hanggang wakas. Mas nanaisin pa niyang mamamatay bilang isang tapat at magiting na Katoliko kaysa isuko ang kanyang pananampalataya. Ito ang dahilan kung bakit ang araw na ito ay inilaan sa paggunita kay San Lorenzo Ruiz.
Tinalakay sa Unang Pagbasa at Ebanghelyo ang paksang ito. Sa Unang Pagbasa, binigyang-diin ang kahalagahan ng kagitingan at katapatan ng mga nananalig sa Panginoong Diyos. Ang mga tunay na nananalig at sumasampalataya sa Panginoon ay nananatiling tapat sa Kanya hanggang wakas. Sa halip na talikuran at itakwil ang Diyos, pinili nilang manatiling tapat sa Kanya. Iyan ay dahil hindi Niya bibiguin ang mga nananalig at sumasampalataya sa Kanya nang buong katapatan hanggang sa huli. Walang sukuan. Sabi naman ni Hesus sa Ebanghelyo na ang mga nananatiling tapat sa kanilang pananalig at pananampalataya sa Diyos hanggang sa huli ay tunay na mapalad. Dahil sa kanilang katapatan, sila'y gagantimpalaan ng Panginoon pagdating ng panahon.
Subalit, tayo mismo ang magpapasiya kung gagawin natin ito. Nais man ng Diyos na manalig tayo sa Kanya, hindi Niya tayo pipilitin kung labag ito sa ating kalooban. Wika ni Apostol San Pedro sa Ikalawang Pagbasa na tayong lahat ay pinili ng Diyos upang maging Kanya (2, 9). Subalit, hindi tayo pinipilit ng Diyos na tanggapin ang pagpapalang ito. Sa bandang huli, tayo pa rin ang magpapasiya kung mamumuhay tayo ayon sa kalooban ng Panginoon.
Ang tanong para sa bawat isa sa atin - handa ba tayong manatiling tapat sa Diyos hanggang wakas katulad ni San Lorenzo Ruiz? Mananatili ba tayong tapat sa Kanya sa gitna ng mga iba't ibang uri ng imoralidad, kasamaan, at tukso sa ating buhay?
Walang komento:
Mag-post ng isang Komento