11 Oktubre 2020
Ika-28 Linggo sa Karaniwang Panahon (A)
Isaias 25, 6-10a/Salmo 22/Filipos 4, 12-14. 19-20/Mateo 22, 1-14 (o kaya: 22 1-10)
Tinalakay sa mga Pagbasa ang kabutihang-loob ng Diyos. Ang Panginoong Diyos ay may kagandahang-loob. Katunayan, lagi Niya itong ipinapakita sa atin. Walang sandali sa kasaysayan kung saan hindi ipinamalas ng Panginoon ang Kanyang kabutihan. Hindi Siya tumitigil sa pagpapakita ng Kanyang kagandahang-loob sa bawat isa sa atin. Magmula noong magsimula ang panahon, paulit-ulit na ipinakita ng Diyos ang Kanyang kabutihan.
Sa Unang Pagbasa, nagsalita si propeta Isaias tungkol sa kabutihan ng Diyos. Ang Diyos ay gagawa ng isang piging at aanyayahan Niya ang lahat ng bansa. Isang piging ang paghahandaan Niya para sa lahat. Ang bawat tao mula sa iba't ibang bahagi ng daigdig ay aanyayahan Niya sa Kanyang piging. Sa Ikalawang Pagbasa, inilarawan ni Apostol San Pablo sa pamamagitan ng mga salitang ito, "Magagawa ko ang lahat ng bagay dahil sa lakas na kaloob sa akin ni Kristo" (Filipos 4, 13). Nahahayag sa pamamagitan nito ang kabutihan ng Panginoon. Ang bawat isa sa atin ay pinalalakas ng Diyos. Sa Ebanghelyo, inilarawan sa pamamagitan ng isang talinghaga ang kabutihan ng Diyos. Inaanyayahan ng Diyos ang lahat ng tao.
Pero, ipinapaalala ni Hesus sa Ebanghelyo na hindi dapat binabalewala o abusuhin ang kabutihan ng Diyos. Ang kagandahang-loob ng Panginoong Diyos ay hindi dapat maliitin ninuman. Iyan ang ginawa ng taong hindi nakadamit pangkasal sa huling bahagi ng talinghaga ni Kristo. Minaliit niya ang paanyaya ng hari. Hindi niya pinahalagahan ang kabutihan ng hari. Hindi siya tumugon sa paanyaya ng hari ng maayos. Hindi niya sineryoso ang kabutihan ng hari. Iyan ang babala ni Kristo sa bawat isa sa atin. Parurusahan ng Panginoon ang mga hindi nagpapahalaga sa Kanyang kabutihan. Oo, mayroon pa tayong panahon upang imulat ang ating mga sarili sa halaga ng Kanyang kabutihan, pero paunti ito ng paunti. Kaya naman, imulat natin ang ating mga sarili sa halaga ng kabutihan ng Panginoon habang may oras pa tayo dito sa daigdig.
Habang may natitira pa tayong panahon dito sa mundo, imulat natin ang ating mga mata, puso, at buong sarili sa halaga ng kabutihan ng Diyos. Huwag natin itong balewalain o maliitin. Pahalagahan natin ang kagandahang-loob ng Diyos.
Walang komento:
Mag-post ng isang Komento