4 Disyembre 2022
Ikalawang Linggo sa Panahon ng Pagdating ng Panginoon (A)
Isaias 11, 1-10/Salmo 71/Roma 15, 4-9/Mateo 3, 1-12
Sermon of Saint John the Baptist (circa 1695) by Jan Reisner (1655-1713), from the Collection of the Church of St. Francis de Sales in Krakow, is in the Public Domain ("No Known Copyright") in its country of origin and other countries and areas where the copyright term is the author's life plus 100 years or fewer due to its age.
Buong sigasig na itinuro ni San Juan Bautista sa simula ng salaysay sa Ebanghelyo na dapat pagsisihan at talikdan ang kasalanan dahil nalalapit na ang paghahari ng Diyos (Mateo 3, 1-2). Isinasalungguhit ni San Juan Bautista sa mga salitang ito sa kanyang pangaral ang halaga ng pagbabalik-loob sa Diyos bilang tanda ng pagbukas natin ng ating mga sarili sa Kanya. Taos-puso nating ipinapahayag nang buong kababaang-loob ang pagpanig at pagtanggap sa Diyos bilang ating Hari at Tagapagligtas. Kung gagawin natin ito, magiging busilak ang ating mga puso at loobin. Nararapat lamang na dalisayin at gawing busilak ang ating mga puso at loobin sa ating paghahanda ng sarili para sa pagdating ng Panginoon.
Ang tema ng pangaral ni San Juan Bautista sa Ebanghelyo ay ang halaga ng pagsisisi sa kasalanan at pagbabalik-loob sa Diyos. Ang temang ito ay tinalakay rin sa Unang Pagbasa at Ikalawang Pagbasa. Sa Unang Pagbasa, inilarawan kung ano ang mga magaganap sa pagdating ng ipinangakong Mesiyas at Tagapagligtas. Ang tunay na katarungan, kapayapaan, at katapatan ay Kanyang paiiralin. Sa Ikalawang Pagbasa, inihayag ni Apostol San Pablo ang dahilan kung bakit dumating sa mundo ang Mahal na Poong Jesus Nazareno, ang ipinangakong Mesiyas at Tagapagligtas. Sabi niya na dumating sa mundong ito si Kristo Hesus, ang ipinangakong Mesiyas at Manunubos, upang iligtas ang lahat. Ang pagtubos ng Diyos sa pamamagitan ng Mahal na Poong Jesus Nazareno ay pagtupad sa Kanyang pangako sa Lumang Tipan at paghayag ng habag at pag-ibig para sa lahat (Roma 15, 8-9). Ito ang dahilan kung bakit dapat talikuran at pagsisihan ang kasalanan habang ang pagdating ng Mahal na Poon ay buong galak at kababaang-loob nating pinaghahandaan at pinananabikan.
Hindi lamang nating pinaghahandaan ang ating mga sarili para sa taunang paggunita sa pagsilang ng Nuestro Padre Jesus Nazareno na ipinagdiriwang tuwing ika-25 ng Disyembre. Bagkus, pinaghahandaan rin natin sa panahong ito ang Kanyang muling pagdating bilang Dakilang Hukom ng mga nangabubuhay at nangamatay na tao sa wakas ng panahon na hindi alam ng sinuman dito sa mundo kung kailan ito. Higit sa lahat, pinaghahandaan rin natin ang mga 'di inaaasahang sandaling darating Siya sa ating buhay upang dalawin tayo. Sa pagdating ng Poong Jesus Nazareno, ano ang makikita Niya sa ating mga puso at loobin?
Patuloy tayong binibigyan ng pagkakataong paghandaan nang mabuti ang ating mga sarili para sa pagdating ng Panginoong Jesus Nazareno. Huwag nating sayangin ang bawat pagkakataong ibinibigay sa atin ng Poong Jesus Nazareno na paghandaan ang Kanyang pagdating. Ating pagsisihan at talikdan ang makasalanang pamumuhay at magbalik-loob sa Kanya. Kapag ito ang ating gagawin, ang ating mga puso, isipan, at loobin ay Kanyang dadalisayin at gagawing busilak. Ito ang nais ng Mahal na Poong Jesus Nazareno. Salubungin natin Siya nang may mga pusong Kanyang dinalisay at ginawang busilak. Ang mga pusong Kanyang dinalisay at binusilak ay tanda ng ating taos-pusong pagbukas ng sarili sa Kanya at pagtanggap sa Kanya bilang Dakilang Hari at Manunubos.
Walang komento:
Mag-post ng isang Komento