13 Nobyembre 2022
Ika-33 Linggo sa Karaniwang Panahon (K)
Malakias 3, 19-20a/Salmo 97/2 Tesalonica 3, 7-12/Lucas 21, 5-19
Jose Bermudo Mateos (1853-1920), Eudoro y Cimodocea en el anfiteatro (1884), from the Museo del Prado Collection, is in the Public Domain ("No Known Copyright") in its country of origin and other countries and areas where the copyright term is the author's life plus 100 years or fewer due to is age.
Muling itinutuon ng Simbahan ang ating mga pansin sa mga katotohanan tungkol sa wakas ng panahon. Pansamantala lamang ang buhay sa mundong ito. Subalit, hindi lamang ang buhay sa mundo ang kaisa-isang bagay na pansamantala lamang. Pati na rin ang mismong mundong ito ay pansamantala lamang. Ang daigdig na ito ay hindi mananatili magpakailanman. Mayroong wakas ang mundong ito. Kaya naman, pinagninilayan nang buong kataimtiman ang wakas ng panahon sa tuwing papalapit ang wakas ng Liturhikal na Taon o Siklo sa Kalendaryo ng Simbahan. Ang buhay sa daigdig na ito at ang mismong daigdig na ito ay hindi pang-magpakailanman.
Ang mga salita ng Panginoong Diyos sa pamamagitan ni Propeta Malakias ay isang pahayag tungkol sa Kanyang gagawin pagsapit ng araw ng Kanyang pagdating. Ang Diyos ay darating upang parusahan ang mga palalo't masasama at iligtas ang lahat ng mga matutuwid na tumatalima't sumusunod sa Kanya nang buong kababaang-loob. Mapapahamak at parurusahan magpakailanman ang mga masasamang taong tatakwil sa Panginoon na laging nagbibigay ng pagkakataon sa kanilang magbagong-buhay at magbalik-loob sa Kanya noong namumuhay pa sila sa daigdig na ito. Ang mga nagsisikap maging tapat at masunurin sa kalooban ng Panginoon hanggang wakas ay pagkakalooban ng kaligtasan at buhay na walang hanggan.
Sa Ebanghelyo, inilahad ang mga katagang binigkas ni Hesus tungkol sa wakas ng panahon. Una Siyang dumating sa mundo noong unang panahon bilang ipinangakong Mesiyas at Tagapagligtas na isinugo ng Amang nasa langit upang iligtas ang lahat ng tao sa pamamagitan ng Kanyang Krus at Muling Pagkabuhay. Sa wakas ng panahon, darating muli si Hesus bilang Dakilang Hukom. Bagamat sa mga sandaling iyon ay nasa gitna Siya ng pagtupad ng Kanyang misyon bilang Mesiyas at Tagapagligtas, si Hesus ay nagsalita na tungkol sa mga magaganap sa mga huling araw hanggang sa wakas ng panahon. Nagbigay Siya ng babala tungkol sa mga dapat asahan ng mga apostol at ng mga susunod na henerasyon ng mga Kristiyano bago sila pumanaw o kaya naman ang wakas ng panahon, anuman ang mauna. Sa totoo lamang, marami rin ang mamamatay bago sumapit ang wakas ng panahon.
Ilan sa mga inilarawan ni Hesus sa Ebanghelyo tungkol sa mga magaganap bago ang wakas ng panahon ay ang paglitaw ng mga bulaang propeta. Isa lamang ang balak ng mga bulaang propetang ito. Ang kanilang balak ay linlangin ang ibang mga tao para lamang sa sarili nilang mga interes. Ang Panginoong Diyos ay gagamitin pa nga nila upang maisakatuparan ang kanilang masasamang balak. Mambubudol sila ng kapwa para lamang maiangat ang kanilang mga sarili. Walang awa nilang sasamantalahin ang kapwa-tao, lalo ang mga dukha. Kahit mga dukha, sasagasaan at aapakan nila. Tapos, gagamitin nila bilang katuwiran ang kalooban ng Diyos. Ang kapal ng mukha.
Kaya naman, ang babala sa atin ni Kristo ay maging maingat. Mayroon pang dagdag na babala si Apostol San Pablo sa Ikalawang Pagbasa. Huwag maging tamad. Hindi lamang pagdating sa pang-araw-araw na buhay at tungkulin sa mundo kundi na rin sa ating espirituwal na pamumuhay. Sa mundong ito, ang kasipagan at katiyagaan ay mahalaga upang magkaroon ng magandang buhay. Kung paano natin itong sinisikap gawin sa pang-araw-araw na buhay, sa pisikal at pinansiyal na paraan, dapat lamang tayong maging masipag rin pagdating sa espirtuwal na aspeto ng ating buhay. Hindi dapat magpaloko sa mga manlilinlang, lalo na ang mga bulaang propeta. Dapat mag-ingat tayo mula sa tukso ng mga mapanlinlang at manloloko. Lagi rin nating suriin at pagbulay-bulayan ang kalooban ng Panginoong Diyos para sa atin at tuparin ito. Ito ang dapat nating gawin upang maihanda natin ang ating sarili para sa wakas.
Hindi natin alam kung kailan magwawakas ang panahon. Katunayan, bagamat alam nating papanaw tayo sa mundong ito balang araw, hindi natin alam kung kailan iyon. Dahil dito, kinakailangan nating paghandaan ang ating mga sarili sa pamamagitan ng pagsisikap na tahakin ang landas ng kabanalan araw-araw upang makamit natin ang awa ng Dakilang Hukom na walang iba kundi si Hesus. Kung nais nating kalugdan at kahabagan tayo ni Kristo Hesus, ang Dakilang Hukom, huwag tayong maging tamad. Lagi tayong magsumikap na maging mabuti at banal. Huwag tayong magpaloko o magpabudol sa mga nagpapakilalang Mesiyas sapagkat tanging si Hesus lamang ang tunay at nag-iisang Mesiyas na ipinagkaloob sa atin ng Amang nasa langit.
Walang komento:
Mag-post ng isang Komento