Sabado, Nobyembre 5, 2022

ANG HARING NAKASUOT NG KORONANG TINIK AT NAKAPAKO SA KRUS

20 Nobyembre 2022 
Dakilang Kapistahan ng Pagkahari ng Panginoong Hesukristo sa Sanlibutan (K) 
2 Samuel 5, 1-3/Salmo 121/Colosas 1, 12-20/Lucas 23, 35-43 

 Jan van Eyck (c. 1390-1441), Figure of Christ from the Ghent Altarpiece: Adoration of the Lamb (1432), is in the Public Domain ("No Known Copyright") in its country of origin and other countries and areas where the copyright term is the author's life plus 100 years or fewer due to its age.

Laging itinutuon ng Simbahan ang ating pansin sa pagiging tunay at dakilang Haring walang hanggan ng Panginoong Hesus. Araw-araw, taun-taon, kahit kailan, sa bawat sandali ng ating paglalakbay dito sa mundong ito, laging itinuturo at ipinapaalala sa atin ng Simbahan na tanging si Kristo Hesus lamang ang tunay at walang hanggang Hari upang hindi natin makalimutan ang katotohanang ito. Para sa Simbahan, hindi dapat malimutan ng bawat Kristiyano ang katotohanang ito. Kaya naman, lagi tayong isinasanay ng Simbahan na kilalanin, papurihan, parangalan, pasalamatan, sambahin, mahalin, at sundin ang tunay at walang hanggang Dakilang Hari na si Kristo Hesus. 

Ang Huling Linggo sa Kalendaryo ng Simbahan ay inilaan para sa napakamaringal at napakaespesyal na pagdiriwang ng Dakilang Kapistahan ng Pagkahari ng Panginoong Hesukristo sa Sanlibutan. Bakit nga ba napakaespesyal ng pagdiriwang na ito? Hindi ba araw-araw naman nating ipinagbubunyi, pinararangalan, pinupuri, at sinasamba si Kristong Hari? Bakit kailangan ng ganitong pagdiriwang? Bagamat araw-araw nating pinararangalan, pinupuri, pinasasamalatan, kinikilala, sinasamba, ipinagbubunyi, at iniibig si Kristong Hari, napakaespesyal ang araw na ito bilang Kanyang Simbahan. Sa taunang pagdiriwang ng Dakilang Kapistahang ito, ipinapaalala sa atin na magwakas man ang lahat ng bagay, isa lamang ang mananatili - ang kaharian ni Hesus. 

Subalit, kakaibang larawan ng Hari ang itinatampok sa Ebanghelyo para sa Linggong ito. Ang tunay at walang hanggang Dakilang Hari na walang iba kundi si Hesus ay hindi nakaluklok sa isang maringal na trono na may hawak na sedro. Katunayan, hindi rin gawa sa ginto ang koronang Kanyang suot sa Ebanghelyo. Bagkus, ang koronang Kanyang suot ay gawa sa tinik at nakapako Siya sa isang kahoy na krus sa Bundok ng mga Bungo na kilala rin bilang Golgota o Kalbaryo. Kaliwa't kanan ang walang tigil na paglibak ng Kanyang mga kaaway sa Kanya. Sa halip na bigyan Siya ng pugay, walang tigil na insulto at pangungutya mula sa mga tao ang Kanyang tinanggap. Isa lamang ang kumilala sa Kanya bilang Hari - si Dimas na isang salarin na buong kababaang-loob na nagtika't nakiusap kay Hesus na huwag siyang limutin. 

 'Di hamak na mas maringal ang kaganapang isinalaysay sa Unang Pagbasa kaysa sa kaganapang isinalaysay sa Ebanghelyo. Mas angkop pa nga sa paksa ng pagiging hari ang kaganapang isinalaysay sa Unang Pagbasa kaysa sa kaganapang isinalaysay sa Ebanghelyo. Sa Unang Pagbasa, pinahiran ng langis ang noo ni Haring David bilang hudyat ng simula ng kanyang pagiging hari ng Israel. Sa Ebanghelyo, ang tunay at walang hanggang Hari na si Kristo Hesus ay nakapako sa krus. 

Paano nangyari ito? Ang tunay at walang hanggang Dakilang Hari na si Hesus na higit na dakila kaysa sa ninuno Niyang si Haring David ay walang tigil na nilibak at kinutya habang nakapako Siya sa krus? Anong uri ng lohika ito? Bakit nangyari ito? Bakit kung sino pa ang pinakadakila sa lahat ay Siya pang walang tigil na ininsulto ng Kanyang mga kaaway at walang awa nilang pinatay sa pamamagitan ng pagpako sa Kanya sa krus? Kung sino pa yung pinakadakila, Siya pa yung kaawa-awa at walang kalaban-laban. Kung sino pa yung pinakadakila, Siya pa yung pinakamahina. 

Ipinaliwanag ni Apostol San Pablo ang dahilan kung bakit si Kristo ay naging mahina sa kabila ng Kanyang pagiging tunay at walang hanggang Dakilang Hari sa Ikalawang Pagbasa. Sabi ni Apostol San Pablo sa Ikalawang Pagbasa na iniligtas tayo mula sa kasalanan at kadiliman sa pamamagitan ng Krus at Muling Pagkabuhay ni Kristo. Ang bawat isa sa atin na binihag ng kasalanan at kadiliman ay pinalaya ng Panginoong Hesukristo sa pamamagitan ng Kanyang Krus at Muling Pagkabuhay. Dahil tayong lahat ay iniligtas at pinalaya ni Kristo Hesus, ibinilang rin tayo sa Kanyang kaharian. Dahil sa Krus at Muling Pagkabuhay ng Panginoong Hesus, tayong lahat ay naging bahagi ng Kanyang kaharian. Niloob ito ng Ama dahil sa Kanyang pag-ibig. 

Tayong lahat ay inaanyayahan ni Kristong Hari, ang tunay at walang hanggang Haring nakapako sa Krus, na maging bahagi ng Kanyang mga pinaghaharian. Dahil sa pag-ibig Niyang tunay ngang dakila, ipinasiya ni Kristong Hari na ibigay ang Kanyang sarili bilang handog upang maligtas at mapalaya tayo mula sa kadiliman at kasalanan. Ang hangad ng tunay at walang hanggang Dakilang Hari na si Hesus ay matanggap natin ang pagkakataong ito upang makasama natin Siya sa langit magpakailanman. Ito ang dakilang pag-ibig ni Kristong Hari. 

Hieronymous Francken I (1540–1610), The Crucifixion (between 1555 and 1610), from The Knohl Collection, is in the Public Domain ("No Known Copyright") in its country of origin and other countries and areas where the copyright term is the author's life plus 100 years or fewer due to is age.

Walang komento:

Mag-post ng isang Komento