1 Enero 2023
Dakilang Kapistahan ni Maria, Ina ng Diyos
Ikawalong Araw ng Pagdiriwang ng Pasko ng Pagsilang
Pandaigdigang Araw ng Panalangin para sa Kapayapaan
Ikalawang Araw ng Pagsisiyam sa Karangalan ng Mahal na Poong Jesus Nazareno
Bilang 6, 22-27/Salmo 66/Galacia 4, 4-7/Lucas 2, 16-21
This faithful reproduction of the painting Birth of Christ (c. 18th century), as well as the work of art itself from Hampel Fine Art Auctions Munich, is in the Public Domain ("No Known Copyright") in its country of origin and in other countries and areas where the copyright term is the author's life plus 100 years or less due to its age.
Sa sekular na kalendaryo, ang araw na ito ay ang unang araw ng isang panibagong taon. Sa Kalendaryo ng Simbahan, ang araw na ito ay ang ikawalo at huling araw ng Walong Araw na Pagdiriwang ng Pasko ng Pagsilang ng Panginoon na siya ring araw na inilaan ng Simbahan para sa pagdiriwang ng Dakilang Kapistahan ni Maria, Ina ng Diyos. Subalit, para sa mga deboto ng Poong Jesus Nazareno, lalung-lalo na ang mga bumubuo sa pamayanan ng Simbahan ng Quiapo at pati na rin ang mga debotong madalas magsimba sa nasabing Simbahan saan man sila nagmula, ang araw na ito ay ang ikalawang araw ng Pagsisiyam o Nobenaryo sa Karangalan ng Nuestro Padre Jesus Nazareno bilang paghahanda para sa pagdiriwang ng Kapistahan ng Traslacion.
Ang ikalawang araw ng Pagsisiyam sa Karangalan ng Poong Señor Jesus Nazareno bilang paghahanda para sa nalalapit na Kapistahan ng Traslacion ay laging tumatapat sa pagdiriwang ng Dakilang Kapistahan ni Maria, Ina ng Diyos. Isa itong magandang pagkakataon para sa lahat ng mga deboto ng Nuestro Padre Jesus Nazareno na ipagpatuloy ang taimtim na pagninilay tungkol sa misteryo ng Kanyang pagsilang sa sabsaban noong gabi ng unang Pasko, lalung-lalo na't napapaloob pa rin sa panahon ng Pasko ng Pagsilang ng Panginoon ang araw na ito. Katunayan, ang araw na ito na inilaan ng Santa Iglesia para sa maringal na pagdiriwang ng Dakilang Kapistahan ni Maria, Ina ng Diyos ay ang ikawalo at huling araw ng Oktaba ng Pasko ng Pagsilang.
Habang ang Simbahan ay nagpapatuloy ng pagninilay sa misteryo ng Pagsilang ng nagkatawang-taong Salita ng Diyos na walang iba kundi ang Banal na Sanggol na si Jesus Nazareno, itinutuon ng Simbahan ang ating pansin sa paksa o tema ng biyaya o pagpapala ng Diyos bilang salamin ng Kanyang habag para sa atin. Katunayan, ito ang dahilan kung bakit ang Mahal na Poong Jesus Nazareno ay dumating sa mundo bilang isang Sanggol na isinilang ng Mahal na Inang si Mariang Birhen noong gabi ng unang Pasko. Sa pamamagitan ng Kanyang pagsilang sa mundo, nahayag ang pag-ibig at habag ng Diyos na nagdudulot ng kaligtasan sa lahat. Tinalakay ang paksa o temang ito sa mga Pagbasa para sa pagdiriwang ng Simbahan sa araw na ito.
Inilahad sa Unang Pagbasa ang mga salitang iniutos ng Panginoong Diyos na gamitin nina Aaron at sa kanyang mga anak sa tuwing babasbasan nila ang mga tao. Sa mga salitang ito na iniutos ng Diyos na bigkasin nina Aaron at ng kanyang mga anak sa rito ng pagbabasbas, isinalungguhit ang Kanyang pagiging mahabagin. Ang habag ng Diyos ay ang dahilan kung bakit patuloy Siyang nagkakaloob ng pagpapala sa tanan, bagamat likas sa tanang mga tao ang magkasala laban sa Kanya. Kahit paulit-ulit na magkasala laban sa Kanya ang tao, handa pa ring ipakita ng Panginoong Diyos ang Kanyang habag at kagandahang-loob na isinasalamin ng Kanyang biyaya.
Nakasentro sa pinakadakilang biyayang ipinagkaloob ng Diyos sa sangkatauhan ang pangaral ni Apostol San Pablo sa Ikalawang Pagbasa at ang kaganapang itinatampok sa salaysay sa Ebanghelyo para sa Dakilang Kapistahang ito. Sa Ikalawang Pagbasa, inilarawan ni Apostol San Pablo kung paanong ipinagkaloob ng Diyos sa tanang mga tao sa mundo ang pinakadakilang pagpapala. Sabi niya na isinilang ng isang babae ang Bugtong na Anak ng Diyos noong sumapit ang panahong itinakda Niya (Galacia 4, 4). Sa Ebanghelyo, ipinakilala kung sino ang babaeng nagsilang sa Bugtong na Anak ng Diyos na dumating sa mundo sa panahong Kanyang itinakda. Ang babaeng ito ay walang iba kundi ang Mahal na Inang si Mariang Birhen. Hinirang ang Mahal na Inang si Mariang Birhen upang maging Ina ng nagkatawang-taong Salita ng Diyos na Siya ring Bugtong na Anak ng Diyos, Pangalawang Persona ng Banal na Santatlo, tunay at walang hanggang Hari, at Prinsipe ng Kapayapaan na walang iba kundi ang Banal na Sanggol - ang Mahal na Poong Jesus Nazareno. Sa pamamagitan nito, nahayag ang pag-ibig, habag, at kagandahang-loob ng Diyos.
Bagamat tayong mga tao ay mga makasalanan, patuloy tayong kinahahabagan at pinagpapala ng Diyos. Ipinapakita pa rin sa atin ng Panginoong Diyos ang Kanyang kabutihan, habag, kagandahang-loob, at pag-ibig, sa kabila ng ating mga kasalanan laban sa Kanya. Ang pinakadakilang pagpapalang Kanyang ipinagkaloob sa atin ay walang iba kundi ang nagkatawang-taong Salita na Siyang Prinsipe ng Kapayapaan at tunay na Haring magpakailanman na si Jesus Nazareno na isinilang noong gabi ng unang Pasko ng Mahal na Inang si Mariang Birhen, ang Reyna ng Kapayapaan. Wala na'ng hihigit pa sa biyayang ito na ipinagkaloob ng Diyos. Isang Prinsipe na Hari rin ay ibinigay ng Diyos upang maging ipinangakong Mesiyas at Tagapagligtas.
Mapalad tayo sapagkat mayroon tayong Diyos na patuloy tayong kinahahabagan at pinagpapala sa kabila ng ating mga kasalanan. Ang patunay nito ay walang iba kundi ang Nuestro Padre Jesus Nazareno, ang Prinsipe ng Kapayapaan na Siya ring tunay at dakilang Hari magpakailanman. Siya, ang Banal na Sanggol na isinilang ng Reyna ng Kapayapaan na walang iba kundi ang Mahal na Inang si Mariang Birhen noong gabi ng unang Pasko, ay dumating upang ihayag ang pag-ibig, habag, at kagandahang-loob ng Diyos na nagdudulot ng kaligtasan.
Walang komento:
Mag-post ng isang Komento