28 Disyembre 2022
Kapistahan ng mga Banal na Sanggol na Walang Kamalayan, mga martir
1 Juan 1, 5-2, 2/Salmo 123/Mateo 2, 13-18
The Massacre of the Innocents by Jacopo Palma (Palma il Giovane - 1548/1550-1628) from Sotheby's is in the Public Domain ("No Known Copyright") in its country of origin as well as in other countries and areas where the copyright term is the author's life plus 100 years or fewer due to its age. This is also in the Public Domain in the United States because this was published (or registered with the U.S. Copyright Office) before January 1, 1927.
Ang kaganapang binibigyan ng pansin at ginugunita ng Simbahan sa araw na ito ay isinalaysay nang buo sa Ebanghelyo. Sa salaysay tungkol sa kaganapang ito na tunay ngang kahindik-hindik at kasuklam-suklam na inilahad sa Banal na Ebanghelyo para sa araw na ito, itinuro sa atin kung bakit ang kaganapang ito ay nangyari. Dahil sa kasakiman para sa kapangyarihang taglay, iniutos ni Haring Herodes na ang lahat ng mga sanggol na lalaki na may taong gulang na dalawang taon pababa sa lungsod ng Betlehem ay ipaslang (Mateo 2, 16). Ipinapatay ni Herodes ang mga sanggol na ito na walang awa dahil sa kanyang pagiging sakim at gahaman. Ito ang bukod tanging dahilan kung bakit pinairal niya ang kawalan ng katarungan at pang-aapi.
Noong gabi ng unang Pasko, ang biyaya ng kaligtasang kaloob ng Diyos ay dumating sa mundong ito sa pamamagitan ng bagong silang na Banal na Sanggol na walang iba kundi ang Mahal na Poong Jesus Nazareno. Tulad ng sabi ni Apostol San Juan sa Unang Pagbasa, dumating sa mundong ang Panginoon at Tagapagligtas na si Kristo, ang Poong Jesus Nazareno, upang maging handog para sa ikapagpapatawad ng mga kasalanan (1 Juan 2, 2). Subalit, hindi lahat ay naging bukas sa biyayang ito ng Diyos. Mayroon pa ring mga taong nagpasiyang pairalin ang pang-aapi, pagmamalupit, at pang-aabuso na bunga ng pagiging gahaman at sakim katulad na lamang ni Haring Herodes. Mas pipiliin nilang isarado at ipinid ang sarili sa pagpapala ng Diyos nang sa gayon ay maipairal nila ang kawalan ng katarungan na bunga ng pagiging gahaman.
Subalit, ang nakakalungkot, sa tuwing may mga pagkakataong umiiral ang pang-aapi, pang-aabuso, at kawalan ng katarungan sa lipunan, mayroong mga nagpapasiyang magpakamanhid, magbibingi-bingihan, at magbubulag-bulagan. May mga lilitaw o darating na bagong Herodes sa lipunan. Subalit, ano ang tiyak na gagawin ng ilan sa lipunan sa kasalukuyan? Mayroong ilang magbibingi-bingihan, magbubulag-bulagan, o magpapakamanhid. Nakakalungkot, pero iyon ang totoo. Hahayaan nilang maulit ang kaganapang nangyari sa Ebanghelyo para sa araw na ito. Pahihintulutan nilang umiral ang kawalan ng katarungang bunga ng pagiging sakim at gahaman. Ito ba ang katangian ng mga tunay na deboto ng Mahal na Poong Jesus Nazareno? Hindi. Ito ay dahil mawawalan ng kabuluhan ang debosyon at pamamanata sa Mahal na Poong Jesus Nazareno kung magiging manhid sila sa kawalan ng katarungan.
Itinuturo sa atin ng Simbahan sa araw na ito kung ano ang dapat gawin ng mga tunay na deboto ng Mahal na Poong Jesus Nazareno. Ang mga tunay na deboto ng Poong Jesus Nazareno ay hindi magiging tahimik at manhid sa harap ng mga kawalan ng katarungan at pang-aapi sa lipunan. Titindig sila upang ang mga nagpapalaganap ng pang-aapi at kawalan ng katarungan ay tutulan at labanan. Sa pamamagitan nito, ang pag-ibig, habag, kabutihan, at kagandahang-loob ng Panginoong Diyos na siyang dahilan kung bakit Niya iniligtas ng sangkatauhan ay kanilang ipapalaganap.
Tayong lahat ay tinatanong sa araw na ito. Ano ang gagawin natin sa harap ng pang-aapi at kawalan ng katarungan sa lipunan? Titindig ba tayo upang tutulan at labanan ito o kaya naman magpapakamanhid at tatahimik na lamang?
Walang komento:
Mag-post ng isang Komento