25 Disyembre 2022
Dakilang Kapistahan ng Pasko ng Pagsilang ng Panginoong Jesus Nazareno
[Pagmimisa sa Bukang-Liwayway]
Isaias 62, 11-12/Salmo 96/Tito 3, 4-7/Lucas 2, 15-20
Scene from the Life of the Virgin (c. 1600) by Maerten de Vos (1532-1603) from the Tournai Cathedral Collection courtesy of the Web Gallery of Art is in the Public Domain ("No Known Copyright") in its country of origin and in other countries and areas where the copyright term is the author's life plus 100 years or fewer due to its age.
Kung tutuusin, maaari na lamang hindi pansinin ng mga pastol ang ibinalita sa kanila ng anghel ng Panginoon noong gabing iyon. Maaari rin nilang hindi pansinin ang mga anghel sa langit na buong sayang umaawit sa Diyos bilang isang koro. Maaari nilang dedmahin ang lahat ng ito at magpatuloy na lamang sila sa kanilang ginagawa noon sa parang: ang magbantay ng kanilang mga tupa. Subalit, ipinasiya nilang dalawin si Jesus Nazareno, ang Banal na Sanggol na isinilang sa isang hamak na sabsaban. Ang tunay na Hari na walang iba kundi ang Panginoong Jesus Nazareno na isinilang ng Reyna ng Langit na walang iba kundi ang Mahal na Inang si Mariang Birheng Kalinis-linisan ay ipinasiya nilang dalawin at bigyan ng papuri, parangal, at pagsamba.
Bagamat mga pastol lamang sila, pinagkalooban pa rin sila ng pagkakataon ng Diyos na dalawin ang bagong silang na Tagapagligtas na si Kristo. Dito pa lamang, ang pag-ibig at habag ng Diyos na naghahatid ng kaligtasan sa pamamagitan ng Panginoong Jesus Nazareno ay kanilang naransan. Bago pa man sila nakarating sa sabsaban kung saan si Kristo ay isinilang ng Mahal na Inang si Mariang Birhen, naranasan na ng mga pastol ang habag ng Diyos. Sabi pa ni Apostol San Pablo sa Ikalawang Pagbasa, ang habag ng Diyos ay ang tanging dahilan kung bakit tayo iniligtas (Tito 3, 4). Kung hindi dahil sa habag ng Diyos, hindi maliligtas ang sangkatauhan. Kung hindi dahil sa habag ng Diyos, walang makikita ang mga pastol na nagtungo sa Betlehem noong gabi ng unang Pasko. Kung hindi dahil sa habag ng Diyos, walang anghel na magpapakita sa kanila at wala rin silang maririnig na awitan mula sa langit noong gabing iyon. Kaya lamang nangyari ang lahat ng iyan ay dahil sa habag ng Diyos.
Nang dumating ang mga pastol sa sabsaban, nakita nila ang patunay ng pag-ibig at habag ng Diyos na Siyang dahilan kung bakit Niya tayo ipinasiyang iligtas mula sa mga tanikala ng kasalanan at kamatayan: ang Banal na Sanggol na walang iba kundi si Jesus Nazareno. Sa Banal na Sanggol na si Jesus Nazareno, nakita ng mga pastol ang katuparan ng kaligtasang ipinangako ng Diyos nang paulit-ulit noong panahon ng Lumang Tipan. Nakita ng mga mata ng mga pastol na ito sa mga sandaling yaon ang katuparan ng mga salitang binigkas ng Diyos sa pamamagitan ni Propeta Isaias sa Unang Pagbasa. Nakita nila kung paano ililigtas ng Diyos ang Kanyang bayan: sa pamamagitan mismo ng Mahal na Poong Jesus Nazareno.
Ipinasiya ng mga pastol na tanggapin at dinggin ang paanyaya ng anghel na dalawin si Kristo. Tayo rin ba ay dadalaw kay Kristo na laging umaanyaya sa bawat isa sa atin na lumapit at sumunod sa Kanya? Magpapasakop ba tayo sa tunay na Hari kundi ang Mahal na Poong Jesus Nazareno? Ang kababaang-loob na ipinakita ng mga pastol ay tutularin rin ba natin sa bawat paanyaya ng Mahal na Poong Jesus Nazareno para sa atin na maging Kanyang mga tapat na tagasunod?
Walang komento:
Mag-post ng isang Komento