Miyerkules, Disyembre 7, 2022

ANG TUNGKULIN NG BAWAT KRISTIYANO

21 Disyembre 2022 
Misa de Gallo/Simbang Gabi: Ikaanim na Araw 
Awit 2, 8-14 (o kaya: Sofonias 3, 14-18a)/Salmo 32/Lucas 1, 39-45 

Heimsuchung Mariae (c. 1696) by Luca Giordano (1634-1705) from the Kunsthistorisches Museum Collection is in the Public Domain ("No Known Copyright") in its place of origin and other countries and areas where the copyright term is the author's life plus 100 years or fewer due to its age. 

Ang mga Pagbasa para sa araw na ito ay nakasentro sa pagpapahayag ng tapat na pananalig at pananampalataya sa Diyos. Bilang mga Kristiyano, mayroon tayong dapat gawin. Mayroong ipinapagawa sa atin ang Panginoong Diyos. Iba't iba man ang mga bokasyon ng isa't isa, mayroong iisang katangian at layunin ang mga ito. Bukod sa pagiging bigay sa atin ng Panginoong Diyos ang mga misyon at bokasyong ito, ang layunin ito ay pangkalahatan. Ang pangkalahatang layunin ng ating mga misyon at bokasyon sa buhay natin sa mundong ito ay ipalaganap ang biyaya ng Diyos. 

Sa Unang Pagbasa, inilarawan sa pamamagitan ng matalinghagang paglalarawan ng magkabiyak ng puso ang pag-ibig ng Panginoong Diyos para sa Kanyang bayan. Ang bayan ng Diyos ay nagagalak dahil sa Kanya na tunay at wagas na umiibig. Ang pag-ibig ng Diyos ay nagdudulot ng galak sa lahat ng mga tapat sa Kanya. Katunayan, ang tema ring ito ay siya ring pinagtuunan ng pansin sa alternatibong Unang Pagbasa. Sa Panginoong Diyos lamang nagmumula ang tunay na galak at ibinabahagi Niya ito sa lahat ng mga tapat na nagmamahal, sumasamba, nananalig, at sumasampalataya sa Kanya. Sa Ebanghelyo, ang sanggol na si San Juan Bautista, bagamat dinadala pa siya ng kanyang inang si Elisabet, ay gumalaw sa tuwa nang marinig nilang mag-ina ang pagbati ng Mahal na Inang si Mariang Birhen na nagdadala sa ipinangakong Mesiyas at Manunubos na si Jesus Nazareno. Sa pamamagitan ng Mahal na Inang si Mariang Birhen, dumating sa tahanan nina Elisabet at Zacarias ang pinagmulan ng lahat ng pagpapala na nagdudulot ng tunay na kagalakan sa lahat ng mga tapat sa Kanya: ang Mahal na Poong Jesus Nazareno. 

Inilarawan ng salaysay ng Pagdalaw ng Mahal na Inang si Mariang Birhen sa kanyang kamag-anak na si Elisabet sa Ebanghelyo para sa araw na ito ang pangkalahatang bokasyon at tungkulin ng lahat ng mga Kristiyano: ipalaganap ang tunay na galak at pag-asang kaloob ng Panginoon. Ito ang ating misyon bilang mga Kristiyano. Ito ang halimbawang ipinakita ng Kaban ng Bagong Tipan na walang iba kundi ang ating Ina na walang iba kundi ang Mahal na Birheng Maria. Dinala ng Mahal na Ina sa kanyang sinapupunan sa loob ng siyam na buwan ang ipinangakong Tagapagligtas na si Kristo, ang Poong Jesus Nazareno. Hindi niya sinarili lamang ang pinakadakilang biyayang ito mula sa Diyos. Subalit, ibinahagi niya ito sa kamag-anak niyang si Elisabet na dala-dala sa kanyang sinapupunan ang sanggol na si Juan Bautista sa mga oras na iyon. 

Dinala ng Mahal na Inang si Mariang Birhen ang Panginoong Jesus Nazareno. Subalit, ano ang dala ng ilang mga tao sa kasalukuyan? Mga masasamang bagay katulad na lamang ng pekeng balita, panlilinlang, at paninirang-puri. Katunayan, marami sa mga pekeng balita, panlilinlang, at paninirang-puring ipinapalaganap ng ilang mga tao sa kasalukuyang panahon ay galing sa mga masisikat na tao katulad na lamang ng mga taong nakaluklok sa kapangyarihan sa lipunan. May hawak nga silang kapangyarihan, subalit ang tangi nilang inaatupag ay pagpapabango ng kanilang mga pangalan. Sa halip na gamitin ang kapangyarihan para sa ikabubuti ng pamayanan, ginagamit ito upang mang-uto at manloko ng mga inosente. Tapos, marami ang magpapadala sa garapalang panlilinlang ng mga ito gamit ang kanilang kapangyarihan. Magbubulag-bulagan at magbibingi-bingihan sa kawalan ng hustisiya sa lipunan. Bakit nga ba ito nangyayari sa lipunan? Anong nangyari sa pang-unawa ng marami sa lipunan? 

Mayroong tungkulin at misyong ibinibigay sa atin ang Panginoong Diyos. Subalit, ang tungkulin at misyong ito ay tatanggapin at tutuparin ba natin? Ito ang tanong para sa ating lahat ng Simbahan sa araw na ito, ang ikaanim na araw ng ating tradisyunal na Pagsisiyam o Nobenaryo bilang paghahanda para sa Dakilang Kapistahan ng Pasko ng Pagsilang ng Panginoong Jesus Nazareno. Ano ang ating desisyon? Ang misyong ibinibigay sa atin ng Poong Jesus Nazareno ay atin bang tatanggapin at tutuparin? 

Nais ba nating kalugdan tayo ng Mahal na Poong Jesus Nazareno? Ipalaganap natin ang Kanyang pag-ibig at biyaya sa lahat. Huwag nating ipagkait mula sa kapwa-tao, lalung-lalo na sa mga kapus-palad, ang Kanyang pag-ibig at biyaya na sagisag ng galak at pag-asang Kanyang ipinagkakaloob sa lahat ng tao. Huwag tayong maging mga tagapagpalaganap ng pekeng balita, panlilinlang, at paninirang-puri. Matutuwa sa atin si Jesus Nazareno kapag ito ang ating ginawa sapagkat ito ang tungkuling bigay Niya sa atin. Ang pagtupad sa tungkuling bigay Niya sa atin ay magpapatunay tunay at wagas ang ating debosyon at pamamanata sa Kanya. 

Walang komento:

Mag-post ng isang Komento