Sabado, Disyembre 10, 2022

ANG DAPAT LAGING SAMBITIN

24 Disyembre 2022 
Misa de Gallo/Simbang Gabi: Ikasiyam at Huling Araw 
2 Samuel 7, 11-5. 8b-12. 14a. 16/Salmo 88/Lucas 1, 67-79 

Saint John the Baptist says goodbye to his parents (c. 1635/Between 1634 and 1635) by Massimo Stanzione (1586-1656) from the Museo del Prado Collection is in the Public Domain ("No Known Copyright") in its country of origin and other countries and areas where the Copyright Term is the author's life plus 100 years or fewer due to its age. 

Ang Ikasiyam at Huling Araw ng ating tradisyunal na Pagsisiyam o Nobenaryo bilang paghahanda para sa Dakilang Kapistahan ng Pasko ng Pagsilang ng Panginoong Jesus Nazareno ay inilaan sa pagtuon ng ating mga pansin at taimtim na pagninilay sa dapat laging sambitin. Tinatanong tayo sa araw na ito kung ano nga ba ang uri ng mga salitang madalas nating sambitin o  mamutawi mula sa ating mga labi. Ito ay dahil ang mga salitang madalas nating bigkasin ay isang pahiwatig tungkol sa laman ng ating mga puso at isipan. Kaya naman, tinuturuan tayo ng Simbahan sa araw na ito kung ano ba dapat ang madalas nating sambitin at bigkasin. 

Sa Unang Pagbasa, inilatag ni Haring David ang kanyang planong ipagtayo ng isang templo ang Panginoong Diyos. Bilang tugon sa hangarin at intensyon ni Haring David, ipinaalala ng Panginoong Diyos na Siya mismo ang magtatayo nito. Kasabay nito, ang Panginoong Diyos ay nagbitiw din ng isang pangako para kay Haring David na isa sa kanyang mga anak ang hahalili sa kanya bilang hari (2 Samuel 7, 12). Ang pangakong ito ay tinupad nga ng Diyos. Itinayo ang templo noong panahon ni Haring Solomon na humalili kay Haring David pagkamatay niya. Subalit, mula sa angkan ni Haring David, ang tunay at walang hanggang Dakilang Hari na walang iba kundi si Kristo, ang Mahal na Poong Jesus Nazareno, ay nagmula. 

Tampok naman sa Ebanghelyo para sa araw na ito ang awit-panalangin ni Zacarias na ama ni San Juan Bautista na kilala rin ng marami sa tawag na Benedictus. Mula sa umpisa hanggang sa wakas ng awit-panalanging ito, puro papuri, pasasalamat, at pagsamba sa Panginoong Diyos ang ibinigkas ni Zacarias. Katunayan, galing lamang si Zacarias mula sa pagiging pipi at bingi sa loob ng siyam na buwan bago isilang sa mundong ito si San Juan Bautist, katulad ng sabi ng Arkanghel na si San Gabriel sa loob ng templo. Ang mga unang salitang iminutawi ni Zacarias nang ibinalik muli sa kanya ng Diyos ang kanyang pandinig at pananalita matapos ang siyam na buwan na ito ay mga salita ng papuri, pasasalamat, at pagsamba sa Kanya. Ipinaliwanag rin ni Zacarias sa awit-panalanging ito ang ilan sa napakaraming dahilan kung bakit ito ang dapat gawin ng lahat ng mga taong tunay na nananalig, sumasampalataya, umiibig, at sumasamba sa Diyos. 

Katulad ng sabi sa Salmong Tugunan para sa araw na ito: "Pag-ibig Mong walang maliw ay lagi kong sasambitin" (Salmo 88, 2a). Ito ang ginawa ni Zacarias agad nang ibalik muli sa kanya ng Diyos ang kanyang pandinig at pananalita matapos ang siyam na buwan. Napakaraming dahilan kung bakit ang Panginoon ay dapat lamang purihin, sambahin, mahalin, panaligan, at sampalatayanan. Sa dami ng mga ito, maaari itong bigyan ng isang maikling buod: tunay ngang maawain at mapagmahal ang Diyos. Ang patunay ng habag, kabutihan, at pag-ibig ng Diyos ay walang iba kundi ang Poong Jesus Nazareno, ang ipinangakong Mesiyas at Tagapagligtas. 

Mga nagbibigay ng papuri, pasasalamat, pananalig, at pagsamba sa Panginoon ang unang binigkas ng ama ni Juan Bautista na si Zacarias matapos ang siyam na buwan ng pananatiling pipi at bingi. Marami sa mga tao ngayon, ang mga salitang madalas bigkasin at sambitin ay mga paninira, kasinungalingan, pekeng balita, at iba pa. May ilan pa nga, mga salita ng pagsamba sa mga may kapangyarihan sa lipunan, lalo na yaong mga tiwali, mapang-api, mapang-abuso, gahaman, at mapanlinlang. Kung sino pa yung mga nang-aapi, gahaman, at nagpapalaganap ng pekeng balita, sila pa yung ginagawang mabuti at diyos-diyosan. Ano ba 'yan? 

Ipinapaalala sa atin ng Simbahan kung ano ang dapat gawin ng mga tunay at tapat na deboto ng Nuestro Padre Jesus Nazareno. Tunay at tapat nga ba ang bawat isa sa atin sa ating debosyon at pamamanata sa Nuestro Padre Jesus Nazareno? Maging mga saksi tayo ng Mahal na Poong Jesus Nazareno. Dapat lagi tayong magpatotoo tungkol sa habag, pagmamahal, at kabutihan ng Mahal na Poong Jesus Nazareno sa pamamagitan ng ating mga salita at mga gawa. 

Walang komento:

Mag-post ng isang Komento