29 Disyembre 2022
Ikalimang Araw ng Pagdiriwang sa Pasko ng Pagsilang ng Panginoon
1 Juan 2, 3-11/Salmo 95/Lucas 2, 22-35
The Presentation at the Temple (1463) by Hans Memling (circa 1433-1494) from the National Gallery of Art Collection through the Web Gallery of Art is in the Public Domain ("No Known Copyright") in its country of origin as well as other countries and areas where the copyright term is the author's life plus 100 years or less due to its age. This is also in the Public Domain in the United States.
Ang larawan ng Poong Jesus Nazareno bilang tunay na liwanag ay binigyan ng pansin sa mga Pagbasa para sa araw na ito. Sa Ebanghelyo, inihayag ni Simeon noong ang Banal na Sanggol na si Jesus Nazareno ay kanyang nakita at kinarga na nakita na niya kung paano ililigtas ng Diyos ang sangkatauhan. Ipinagkaloob ng Diyos ang Kanyang tunay na liwanag na papawi sa kadiliman at kasamaan. Sa pamamagitan ng liwanag na ito, ililigtas ng Diyos ang sangkatauhan. Ang liwanag na ito ay walang iba kundi si Jesus Nazareno, ang ipinangakong Mesiyas at Tagapagligtas.
Dahil sa biyaya ng pagliligtas na nagmula sa tunay na liwanag na si Jesus Nazareno, itinuro ni Apostol San Juan sa Unang Pagbasa para sa araw na ito kung paanong ang lahat ng mga iniligtas at pinalaya ng Poong Jesus Nazareno mula sa mga puwersa ng kadiliman, kasalanan, at kamatayan ay dapat mamuhay. Hindi na dapat mamuhay pa bilang mga makasalanan ang lahat ng mga iniligtas ni Kristo. Bagkus, dapat lamang silang mamuhay sa liwanag ni Kristo, ang Poong Jesus Nazareno. Dapat yakapin at tanggapin ang bagong buhay bilang mga iniligtas, nililiwanagan, at pinalaya ng Mahal na Poong Jesus Nazareno.
Bilang tunay na liwanag na nagmula sa langit, ang Nuestro Padre Jesus Nazareno ay dumating sa mundong ito upang maghatid ng kaligtasan. Sa pamamagitan nito, ang lahat ng tao sa mundong ito ay binigyan Niya ng pagkakataong baguhin ang kanilang mga sarili para sa Kanya. Hanggang ngayon, patuloy tayong binibigyan ng Mahal na Poong Jesus Nazareno ng pagkakataon baguhin ang ating mga sarili at mamuhay sa ilalim ng Kanyang liwanag.
Nais ba nating lumalim at lumago ang ating debosyon sa Poong Jesus Nazareno? Sa pamamagitan ng pagtanggap sa pagkakataong ibinibigay Niya sa atin na baguhin ang ating mga sarili at mamuhay sa Kanyang liwanag, magagawa natin iyon. Kapag ito ay ipinasiya nating gawin, inihahayag at ipinagmamalaki nating tunay nga tayong mga debotong namamanata sa Mahal na Poong Jesus Nazareno.
Walang komento:
Mag-post ng isang Komento