24 Disyembre 2022
Dakilang Kapistahan ng Pasko ng Pagsilang ng Panginoong Jesus Nazareno
[Pagmimisa sa Bisperas]
Isaias 62, 1-5/Salmo 88/Mga Gawa 13, 16-17. 22-25/Mateo 1, 1-25 (o kaya: 1, 18-25)
The Nativity (second half of the 16th century) by Willem Benson (1521-1574) from the Windsor Castle Collection and Web Gallery of Art is in the Public Domain ("No Known Copyright") and in other countries and areas where the copyright term is the author's life plus 100 years or fewer due to its age.
Ang tema o paksang nais pagtuunan ng pansin at pagnilayan ng Simbahan sa Misa para sa Bisperas ng Dakilang Kapistahan ng Pasko ng Pagsilang ng Panginoong Jesus Nazareno ay inilahad at inihayag ng Salmong Tugunan para sa nasabing Misa. Ito ay walang iba kundi ang pag-ibig ng Panginoong Diyos. Katulad ng malakas na inihayag ng mang-aawit sa Salmong Tugunan para sa pagdiriwang ng Banal na Eukaristiya sa Bisperas ng Pasko ng Pagsilang ng Panginoon: "Pag-ibig Mong walang maliw ay lagi kong sasambitin" (Salmo 88, 2a). Katunayan, sa mga salitang ito ng mang-aawit sa Salmong ito, inilarawan ang tanging dahilan kung bakit ang Pasko ay buong galak na ipinagdiriwang tuwing sasapit ang ika-25 ng Disyembre taun-taon.
Bakit tayo nagdiriwang ng Pasko tuwing ika-25 ng Disyembre taun-taon? Isa lamang ang dahilan. Ang tanging dahilan ng pagdiriwang ng Pasko ay walang iba kundi ang pag-ibig ng Diyos. Dahil sa pag-ibig ng Diyos, mayroong pagdiriwang ng Pasko. Ito ay inihayag sa atin ng Banal na Sanggol na si Jesus Nazareno, ang ating Panginoon at Tagapagligtas na isinilang ng Mahal na Inang si Mariang Birhen sa sabsaban noong gabi ng unang Pasko. Ang Banal na Sanggol na ito, si Kristo, ay ang tanging tanda o larawan ng pangunahing dahilan ng pagdiriwang ng Kapaskuhan. Sa pamamagitan ni Kristo, ang Mahal na Poong Jesus Nazareno, nahayag ang pag-ibig ng Diyos.
Sa Unang Pagbasa, ang Panginoong Diyos ay nagsalita sa pamamagitan ng Kanyang hinirang na propetang si Isaias tungkol sa isang napakahalagang biyayang Kanyang ipagkakaloob sa Kanyang bayan. Ang biyayang tinukoy ng Diyos sa Unang Pagbasa para sa Bisperas ng Pasko ng Pagsilang ni Kristo ay walang iba kundi ang biyaya ng kaligtasan (Isaias 62, 1). Ipinangako ng Diyos na ipagkakaloob Niya sa Kanyang bayan ang biyaya ng Kanyang pagliligtas. Tinupad ng Diyos ang pangakong ito pagsapit ng takdang panahon sa pamamagitan ng Mahal na Poong Jesus Nazareno, ang Kanyang Bugtong na Anak at Ikalawang Persona ng Banal na Santatlo na nagkatawang-tao.
Mayroong dalawang bahagi ang Ebanghelyo. Sa unang bahagi ng Ebanghelyo, ang talaan ng angkang kinabibilangan ng Poong Jesus Nazareno ay inilahad. Sa ikalawang bahagi ng Ebanghelyo, isinalaysay ang pagpapakita ng isang anghel ng Panginoon sa panaginip ni San Jose upang ibalita sa kanya na isisilang ang Banal na Sanggol na si Jesus Nazareno, ang Bugtong na Anak ng Diyos na Siya ring Pangalawang Persona ng Banal na Santatlo, ng Mahal na Inang si Mariang Birhen. Ang Banal na Sanggol na ipinaglihi at isinilang ng Mahal na Inang si Mariang Birhen na si Jesus Nazareno ay ang larawan o tanda ng katapatan ng Diyos sa Kanyang pangako. Tinupad nga ng Diyos ang Kanyang pangako sa pamamagitan ng Mahal na Poong Jesus Nazareno.
Noong gabi ng unang Pasko, dumating sa mundong ito ang pinakadakilang biyayang ipinagkaloob ng Diyos sa tanan. Ang biyayang ito ay isang salamin at katibayan ng pag-ibig ng Diyos para sa atin. Ito ay walang iba kundi ang ipinangakong Mesiyas at Tagapagligtas na walang iba kundi ang Nuestro Padre Jesus Nazareno. Kaya naman, ang Nuestro Padre Jesus Nazareno ay tinawag ni Apostol San Pablo bilang biyayang kaloob ng Diyos sa lahat (Mga Gawa 13, 23). Sa lahat ng mga biyayang ipinagkaloob sa atin ng Diyos, ang Mahal na Poong Jesus Nazareno ay ang pinakadakila sa lahat dahil tanging Siya mismo ay ang Pangalawang Persona ng Banal na Santatlo at ang Bugtong na Anak ng Diyos. Sa pamamagitan ng Mahal na Poong Jesus Nazareno, ang tunay na Diyos ay dumating sa mundo upang iligtas ang lahat. Ipinasiya Niya itong gawin dahil sa Kanyang dakilang pag-ibig para sa tanan.
Isa lamang ang dahilan kung bakit ipinasiya ng Diyos na dumating sa mundong ito bilang Banal na Sanggol na isinilang ng Mahal na Inang si Mariang Birhen sa isang sabsaban sa Betlehem noong gabi ng unang Pasko sa pamamagitan ng Poong Jesus Nazareno. Noong gabi ng unang Pasko, ang Diyos ay dumating sa mundong ito sa pamamagitan ng Mahal na Poong Jesus Nazareno upang ipagkaloob ang biyaya ng Kanyang pagliligtas sa sangkatauhan. Ang biyayang ito ng Panginoon ay ang salamin at larawan ng Kanyang dakilang pag-ibig para sa lahat na ipinasiya Niyang iligtas.
Walang komento:
Mag-post ng isang Komento