Martes, Disyembre 6, 2022

ANG UNANG DEBOTO NG MAHAL NA POONG JESUS NAZARENO

20 Disyembre 2022 
Misa de Gallo/Simbang Gabi: Ikalimang Araw
Isaias 7, 10-14/Salmo 23/Lucas 1, 26-38 

Annunciation (circa 1590) by Annibale Carracci (1560-1609), formerly attributed to Ludovico Carracci (1555-1619), from a Private Collection, is in the Public Domain ("No Known Copyright") in its country of origin and other areas where the copyright term is the author's life plus 100 years or less due to its age.

Bukod sa pagiging Ina ng Diyos, ang Mahal na Inang si Mariang Birhen ay kinikilala rin ng Simbahan bilang unang apostol ng Panginoong Hesukristo. Sa pamamagitan ng tawag na ito sa kanya, ang unang alagad ni Kristo, isinalungguhit ng Simbahan ang pagiging tapat at masunurin ng Mahal na Birheng Maria sa kalooban ng Diyos. Gaano mang kahirap unawain at tumalima sa kalooban ng Diyos, ipinasiya pa rin ni Maria na isuko at ihandog ang buo niyang sarili sa Kanyang kalooban. Ang kalooban ng Poong Diyos ay buong kababaang-loob at pananalig na tinanggap at sinundan ng Kalinis-linisang Inang si Maria bilang pag-aalay ng sarili sa Kanya. Kaya naman, itinatampok siya, ang Ina ng Diyos na siya ring Kaban ng Bagong Tipan, ng Simbahan bilang isang halimbawang marapat lamang tularan ng lahat ng mga Kristiyano. 

Dahil buong kababaang-loob na inihandog ng Mahal na Inang si Mariang Birhen ang buo niyang sarili sa Diyos sa pamamagitan ng pagtanggap at pagsunod sa Kanyang kalooban, nararapat lamang siyang kilalanin bilang unang deboto ng Mahal na Poong Jesus Nazareno. Katulad ng katangiang pinagtutuunan ng pansin sa tawag sa kanya na unang alagad ni Hesus, isinasalungguhit rin ng pagkilala sa Mahal na Birhen bilang unang deboto ng Mahal na Poong Jesus Nazareno ang kanyang pananalig sa Diyos na inihayag niya sa pamamagitan ng pagsunod sa Kanyang kalooban. 

Nakasentro sa pagiging unang deboto ng Poong Jesus Nazareno ng Mahal na Birhen ang mga Pagbasa sa Misa para sa araw na ito, ang ikalimang araw ng tradisyunal na Pagsisiyam o Nobenaryo na isinasagawa natin taun-taon bilang paghahanda ng mga sarili natin para sa maringal na pagdiriwang tuwing ika-25 ng Disyembre na walang iba kundi ang Dakilang Kapistahan ng Pasko ng Pagsilang ng Panginoon. Kusa niyang tinanggap at sinunod ang kalooban ng Diyos, kahit mahirap itong gawin.

Sa Unang Pagbasa, inihayag ng Panginoong Diyos sa pamamagitan ni Propeta Isaias kung paano Niya ililigtas ang lahat ng tao. Sa pamamagitan ng Banal na Sanggol na isisilang ng isang dalaga pagdating ng panahong itinakda, darating sa mundong ito ang pagpapala ng pagliligtas ng Panginoong Diyos na sumasalamin sa Kanyang awa't pag-ibig para sa lahat (Isaias 7, 14). Sa Ebanghelyo, ipinakilala kung sino ang babaeng tinukoy ng Diyos sa propesiya sa Unang Pagbasa: ang Mahal na Inang si Mariang Birhen. Tinanggap ng Mahal na Inang si Mariang Birhen ang papel at misyon na ito na niloob ng Panginoon na kanyang gampanan at tupdin. Sa pamamagitan nito, ang debosyon ng Mahal na Inang si Mariang Birhen sa Poong Jesus Nazareno na kanyang minamahal na Anak ay nahayag. 

Tinuturuan tayo ng Mahal na Inang si Mariang Birhen, ang unang deboto ng Mahal na Poong Jesus Nazareno, kung paano tayo magiging mga tunay na deboto ng kanyang Anak tulad niya. Ang tunay na deboto ng Mahal na Poong Jesus Nazareno ay laging handang makinig, tumanggap, sumunod, at tumalima sa Kanya at sa Kanyang mga loobin nang may pananalig at kababaang-loob. Ito ang magpapatunay na ang ating debosyon sa Panginoong Jesus Nazareno ay tapat at autentiko. 

Walang komento:

Mag-post ng isang Komento