Lunes, Disyembre 5, 2022

ANG TANGING MAAASAHAN AT MAPAGKAKATIWALAAN

19 Disyembre 2022 
Misa de Gallo/Simbang Gabi: Ikaapat na Araw 
Mga Hukom 13, 2-7. 24-25a/Salmo 70/Lucas 1, 5-25 

The Birth of John the Baptist Announced to Zacharias (circa 1635) by Massimo Stanzione (1586-1656) from the Museo del Prado Collection is in the Public Domain ("No Known Copyright") in its country of origin and other areas where the copyright term is the author's life plus 100 years or less due to its age.

Itinuturo sa atin ng Simbahan sa ikaapat na araw ng ating tradisyunal na Pagsisiyam o Nobenaryo bilang paghahanda ng sarili para sa Dakilang Kapistahan ng Pasko ng Pagsilang ng Panginoong Jesus Nazareno na ipagdiriwang sa ika-25 ng Disyembre sa tunay na maaasahan at mapagkakatiwalaan. Isa lamang ang tunay at tangi nating maaasahan at mapagkakatiwalaan sa lahat ng oras: ang Diyos. Ang Diyos lamang ang tunay at tanging maaasahan at mapagkakatiwalaan sa lahat ng oras. Ang Diyos lamang ang hindi papapalpak at sasablay. Hindi tayo bibiguin at sisiphayuin ng Diyos. 

Sa Unang Pagbasa, isinalaysay ang isang pagkakataon sa Lumang Tipan kung kailan ipinamalas ng Diyos ang Kanyang kahanga-hangang kapangyarihan. Ang Panginoong Diyos ay gumawa ng isang kahanga-hangang himala para sa asawa ng isang lalaking kabilang sa lipi ni Dan na nagngangalang Manoa. Niloob ng Panginoon na maglihi at magsilang ng isang sanggol na lalaking nagngangalang Samson ang asawa ni Manoa, bagamat isa siyang baog. Kung hindi dahil sa Diyos, si Samson ay hindi isisilang ng asawa ni Manoa. Ang pangako ng Panginoon sa asawa ni Manoa na ibinalita sa kanya ng isang anghel na nagpakita sa kanya ay Kanyang tinupad. Patunay lamang ito na tanging ang Diyos lamang ang maaasahan at mapagkakatiwalaan. 

Tila inulit ng Panginoong Diyos ang kahanga-hangang gawang ito sa Bagong Tipan sa pamamagitan ng paglihi at pagsilang ni San Juan Bautista. Sa Ebanghelyo para sa araw na ito, isinalaysay ang pagbabalita ng Arkanghel San Gabriel sa ama ni San Juan Bautista na si Zacarias tungkol sa magiging anak nila ni Elisabet na kanyang kabiyak ng puso. Sa kabila ng kanilang katandaan at ang pagiging baog ni Elisabet, niloob ng Diyos na maglihi at magsilang si Elisabet ng isang sanggol na lalaki na walang iba kundi si San Juan Bautista. Bagamat nagduda si Zacarias at humingi ng isang tanda upang mapatunayan ito, hindi binawi ng Diyos ang pangakong ito na ibinalita ni San Gabriel Arkanghel sa kanya. Ipinaglihi at isinilang ni Elisabet ang sanggol na lalaking magiging tagapaghanda ng daraanan ng ipinangakong Mesiyas at Tagapagligtas na si Jesus Nazareno - si San Juan Bautista. 

Ang mga kahanga-hangang gawang itinampok at isinalaysay sa mga Pagbasa para sa araw na ito ay hindi posible sa paningin at pananaw ng tao. Subalit, nangyari ang lahat ng ito dahil sa Diyos. Niloob ng Diyos na mangyari ang lahat ng mga ito. Sa pamamagitan nito, pinatunayan ng Diyos na Siya lamang ang tanging maaasahan at mapagkakatiwalaan. Ang imposible sa paningin ng tao ay pinangyari ng Panginoong Diyos. Sa Diyos, ang lahat ay posible at maaaring mangyari. 

Hindi tayo bibiguhin at sisiphayuin ng Panginoong Diyos. Siya lamang ang tanging maaasahan at mapagkakatiwalaan sa lahat ng oras. Ang pinakadakilang patunay nito ay walang iba kundi ang Mahal na Poong Jesus Nazareno. 

Walang komento:

Mag-post ng isang Komento